PARA KAY DIREK Wenn Deramas, masasabi niyang suwerte ang team-up nila ni Ai Ai Delas Alas, and at the sametime malaking factor ang Star Cinema sa success na tinatamasa niya sa ngayon. Nagsimula lang sa concert ni Sharon Cuneta sa Araneta ang team-up nina Mega at Ai Ai.
“Napanood ni Charo Santos ‘yung production number nilang dalawa, bale birthday concert ni Mega last January. Sinabihan agad niya si Tita Malou (Santos) na gawan agad ng pelikula sina Mega at Ai Ai. Hindi alam ng taong magkaibigan kami ni Sharon, request agad ni Mega, si Direk Wenn,” paglalahad ng box-office director.
Kaibahan ng character ni Mega sa Bestfriends Forever? “First time na siya mismo ang nagko-comedy. Mayroon siyang mga comedy films, pero hindi siya nagko-comedy. Laging ‘yung kasama niyang komedyante. Pero rito, siya talaga. Kung naabutan mo ‘yung taong-grasa siya – mayroon. Part ‘yun ng imagination, na-imagine niya kung magkakahiwalay sila ni John (Estrada) saan ang pupuntahan niya.”
Kumusta naman ang working relationship ninyo ni Sharon? “Masaya! Napaka-generous niya, nagkakuwentuhan lang kami ng paborito kong pagkain, ‘yung pagkain na ‘yun mabibili mo lang sa Cagayan, ‘yung tinapay na ‘yun. The next shooting day, nagulat na lang ako, I have five boxes ng sinasabi kong pagkain. Tinapay ‘yun na may palaman sa loob na doon mo lang mabibili. Nagpapunta ng tao sa Cagayan airport, balikan, para lang bumili para sa akin. ‘Di ba, nakakaloka?! Itong electric fan, lahat ng mga artista, may electric fan, ultimo ‘yung initan ng tubig. Gusto niya komportable kaming lahat sa set. Kapag may gusto akong DVD io-order sa Amerika, ibibigay sa akin, mahilig siyang manggulat.”
Generous din ba si Ai Ai tulad ni Mega? “Iba rin naman si Ai Ai. Kapag nagkaproblema ako sa pera, binibigyan ako ng pera. Minsan nagipit ako, sina Claudine (Barretto) at Ai Ai ang tumulong sa akin na hindi utang – bigay! Nakakaloka dahil malaking pera ‘yun.”
Mahigitan kaya ng BFF ang kinita sa takilya ng Tanging Ina? “Hindi ko alam, pagdating sa kita, problema ng Star Cinema ‘yan. Kumbaga sa akin, mag-deliver lang ako ng pelikulang ini-expect nila sa akin, ‘yung nakakatawa, maganda, entertaining, mukhang kikita.”
‘Pag sinabing Wenn Deramas, patok sa takilya basta comedy. “Sumisigaw na ‘yung puso’t kaluluwa ko na gusto nang gumawa ng drama dahil drama naman ako nagsimula, all my soaps, ngayon lang ako nag-comedy, magmula sa Mula Sa Puso, The Movie, Saan Ka Man Naroroon, Simula Nang Walang Hanggan, Mahal Na Mahal Kita. Tapos sa MMK, reyna rin ako ng Maalaala Mo Kaya dati. Ibig sabihin click din ako sa drama, sobra! Nagpasabi ako kay Tita Malou na gusto kong gumawa ng drama. Sabi niya, sa drama marami sila pero sa comedy siya lang. Hindi ko alam kung ikatutuwa ko ‘yun o ikalulungkot.”
Pagdating sa paggawa ng comedy, may magic si direk Wenn dahil kumikita ang kanyang mga pelikula na wala ang ibang director. “‘Yun nga ang naririnig ko sa labas, kung may magic ako, una kong ima-magic ang pera para marami akong datung, hahaha! Ako siguro as a person masayahin akong tao, ako mismo maloko, grabe kong okrayin ang mga tao sa pamamagitan ng jokes. Napapatawa ko ang tao, ayan si Mega palagi kong napapatawa.
“Right after BFF mayroon akong Viva, pinag-iisipan pa ng Viva kung alin sa tatlo project ang uunahin ko. Tapos by July kailangan ko ng mag-shoot ng Ai Ai-Erap (Joseph Estrada) for Filmfest. Hopefully, matapos ko ‘yun ng September, balik-Viva ako para sa January playdate naman. Ngayon, may dalawang soap akong ginagawa – ‘yun Judy Ann, Habang May Buhay at Precious Heart, Toni (Gonzaga) and Derek (Ramsay). Then by July, Anak ni Zuma, wala pang Zuma pero si Anne Curtis ang ina-eye namin na may ahas.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield