KAMAKAILA’Y NAG-ALBUROTO si Cong. Walden Bello hinggil sa naging resulta ng imbestigasyong isinagawa ng DFA at DOLE hinggil sa “sex-for-flight” scandal na kinasangkutan ng maraming opisyales ng DOLE, DFA at OWWA sa foreign post. Diumano, hindi makatarungan na gawaran lang ng parusang pagtatanggal sa puwesto ang nasabing mga POLO, welfare officer at iba pang sangkot sa iskandalo at pang-aabuso sa mga babaeng OFW. Hindi lang iyon, kapansin-pansin ang napakatagal na proseso ng imbestigasyon kaya posibleng umatras na rin ang ilang nagrereklamo dahil sa pagkainip. Madalas mangyari ito sa mga kasong kinasasangkutan ng mga opisyales ng gobyerno.
Kung ganyan katagal ang proseso at kung ganyan kagaang ang parusa sa mga may sala sa sex-for-flight, ‘di malayo na maulit na naman ang ganitong mga iskandalo at pang-aabuso. Wala nang katatakutan ang mga abusado. At tatawanan lang ang mga nagsumbong. Sa halip na malinis ang mga tanggapan ng pamahalaan, nire-recycle lang ang mga bulok at tiwaling opisyales. Sa katunayan, ang isa sa mga sangkot na opisyales, ‘yung welfare officer mula sa OWWA, ay dati nang natanggal sa kanyang destino sa Japan dahil may ginawa rin siyang kabalbalan doon. Pero dahil sa koneksyon, muli na naman siyang nabalik sa serbisyo at sangkot na naman sa bagong kalokohan.
Ang ganitong mga bagay ang nagdidiskarel sa “matuwid na landas” na nais tahakin ng administrasyong Aquino. Kung hindi marerendahan ang ganitong mga tauhan ng ating embahada, nanga-nganib na mapawalang-saysay ang mga ganansya at magagandang nagawa na ng kasalukuyang administrasyon.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo