KINUMPIRMA NA NOONG nakaraang linggo na si Marian Rivera ang napili na gaganap bilang Narda/Darna sa telebisyon, na dating pinagbidahan ni Angel Locsin na ngayo’y masaya na sa Kapamilya network. Matatandaan na noong last quarter ng 2007 ay nagpalabas ng teaser ang GMA-7 na magkakaroon ng Captain Barbell vs. Darna. Kasama rin sa teaser na ito ang Babangon Ako’t Dudurugin Kita at Dyesebel, na kapwa naipalabas na noong nakaraang taon.
Meron nagsabi noon na si Richard Gutierrez muli ang gaganap bilang Captain Barbell at ang hinahanap na lang ng istasyon ay ang bagong Darna. May nagsasabi rin na hindi na daw si Richard ang gaganap sapagkat may ibang proyektong nakalaan sa napakasikat na aktor.
Ang gulo noh? Una, wala silang Darna. Ngayon naman wala silang Captain Barbell!
Sumilip kami sa iba’t ibang forums at napag-alaman namin na mag mga fans pala na nagpepetisyon na bigyan ng tsansa ang kanilang idolo para maging susunod na Captain Barbell.
Nangunguna na riyan ang mga tagahanga ni Dingdong Dantes na tila ayaw talaga nilang ihiwalay kay Marian Rivera. Hindi ba’t isa talaga si Dingdong Dantes sa mga pinagpipilian ng mga bossing sa GMA-7 bago pa ito napunta kay Richard? Sa napakakisig na tindig ng aktor ngayon, hindi malayong sa kanya nga ibigay ang nasabing karakter. Paniguradong maraming matutuwa at asahan na rin na maraming intrigang darating kung saka-sakali.
Hindi rin pahuhuli ang fans ng Ultimate Hunk ng Starstruck 4 na si Aljur Abrenica. Si Aljur ay hindi na bago sa mga fantaserye. Lumabas siya bilang si Red Zaido sa Zaido: Pulis Pangkalawakan kasama sina Dennis Trillo at ang namayapang si Marky Cielo. Kasama rin siya sa Dyesebel at Luna Mystica. Si Kris Bernal ang katambal niya sa lahat ng nabanggit na programa. Mapapanood natin ang kakaibang Aljur sa Sinenovelang Dapat Ka Bang Mahalin?, at base sa mga manonood, malaki na ang inimprove sa akting ng binata. Pwedeng-pwede rin siya, ‘di ba?
Hindi rin naman magpapahuli ang mga tagahanga ng hunk actor na si Alfred Vargas. Hindi lang gwapo at makisig ang aktor na ito. Marami na rin siyang napatunayan sa larangan ng pag-arte lalo na sa pelikula at telebisyon. Hindi ba’t nagtambal na sila ni Marian noon sa isang panghapong drama? Nagkaroon din sila ng love angle noon sa Dyesebel at kahit paano ay may chemistry sila.
Sino nga ba sa kanila ang lalabas na Captain Barbell? Para sa inyo, sino ang pinaka-karapat-dapat? Welcome ang suggestions ninyo kahit pa galing sa kabilang istasyon. Ipupublish namin sa dyaryo ang mga kasagutan ninyo at kung sino ba talaga ang bagay maging Captain Barbell!