BANG, BANG, bang! Ito dapat ang titulo ng nakalipas na SONA ni Pangulong P-Noy. Kantiyaw ng aking salbaheng barbero. Ikaw naman, laging alaskado sa iyo si P-Noy. Tantanan mo na.
Lalo siyang nagpuyos. Kung anu-anong buladas ang binanggit niya. Tumaas kalidad ng buhay. Classrooms dumami. Investors dumating. Subalit peace and order? Sabi niya, nag-improve. ‘Sangdakot na kalokohan. Giit pa niya.
Aba, napilitan akong makinig sa paliwanag niya. Idinugtong. Kaibigan kong mamamahayag na si Nixon Kua, pinatay mismo sa tapat ng kanyang bahay. Riding-on-tandem in-ambush ang Deputy NBI director. Isang 16-anyos na teenager sinaksak pagkatapos nakawan ng cellphone. Isa pang mediaman, pinasok ang bahay at nilooban. Mga krimen, oras-oras nagaganap sa ating kapaligiran. Saan na lang tayo ligtas?
May katuwiran siya. Saan, saan na lang tayo ligtas?
Tunay na ang sitwasyon ng peace and order ay ‘di nakakatuwa. Ngunit si P-Noy ay iba ang nakikita. Maaaring wrong feedback sa kanyang advisers. Lalo na kay PNP Chief Nicanor Bartolome. At ang mamamayan ay natatakot at nababagabag.
Suhestiyon ng aking barbero kay DOT Sec. Ramon Jimenez: ‘Alisin na “It’s More Fun in the Philippines” slogan. Palitan ng “Wild, Wild West PH.” He, he, he.
Dalawang lugar na lang ng bansa na ligtas ang mamamayan. Sa Davao City at Puerto Prin-cesa, Palawan. Anong sikreto nina Mayor Rodrigo Duterte at Mayor Edward Hagedorn? Tanungin ninyo sila. Bang, bang, bang!
P’wera bira, kakatwa ang sitwasyon. Sa aming Pasig City subdivision, nagbuo kami ng ronda. 24-hours na naka-duty katulong ang mga binayarang security guards. You can never tell.
Kapulisan? Ay, naku! ‘Ala kong maaasahan. Baka mabakalan ka pa!
SAMUT-SAMOT
NAIS KONG pasalamatan sina Jessie Ejercito, Leo at aking pamangking Janice sa araw-araw na text on spiritual matters. Paggising sa umaga, walang paltos. Nagbibigay ng lakas at patnubay sa mga haharaping suliranin at tukso. Maraming nangyayari sa maghapon. ‘Di mo alam kung buhay ka pa sa susunod na minuto o oras. May kaalaman lamang ay Diyos. Kaya lahat ng gagawin ay dapat God-centered.
NU’NG ISANG linggo, may lumabas na mga ads sa national broadsheets ang Archbishop of Manila, pinaaalalahanan ang Catholic faithful ng wastong pananamit ‘pag dumadalo sa misa o bumibisita sa simbahan. Maraming sumisimba ay naka-shorts, plunging neckline, naka-tsinelas at iba pang uri ng ‘di disenteng pananamit. Ito’y kabastusan o paglalapastangan sa Diyos. Dapat tumalima sa paalaala.
SA 25TH anniversary celebration ng TV Patrol kamakailan, binanatan ni P-Noy ang dating VP at balik-anchorman Noli de Castro. Diumano si De Castro ay eksperto sa mga negatibong balita, mag-twist ng facts sa kanyang mga programa lalo na sa TV Patrol. Nagulat ang mga guest, lalo na ang ABS management led by Gabby Lopez. Nagkataong lumabas si De Castro dahil sa call of nature.
Ganyan talaga ang ugali ng Pangulo. Straight to the point at walang sinu-sino. Oks ba ang ugaling ito?
KARAMIHAN SA daily discomforts natin ay galing sa pag-iisip. Isa na akong biktima nito. At kalimitang nangyayari ito paggising sa umaga. Ganyan makapangyarihan ang pag-iisip. Kaya kung puro negatibo ang isaisip mo, negatibong pangyayari ang madadama mo. Kahapon naiisip kong sasakit ang aking dibdib. Aba, ‘di pa nakalipas 10 minuto, sumakit nga. Dinamdam ko halos maghapon at gabi.
TSINA ANG unang nagwagi ng gold medal sa shooting nu’ng unang araw ng London Olympics. Tila baga paramdam lamang ito ng sports might ng bansa. Nu’ng 2008 Beijing Olympics, Tsina ang overall gold medal winner, pangalawa ang U.S. at pangatlo ang Russia. Tinitiyak na dalawang dekada pa ay Tsina na ang magiging world economic power. Sa military, baka ‘di pa. Lahat halos ngayon ay made in China. Kahit U.S. London Olympic uniform, ay yari sa bansa. Bagay na ikinagalit ng maraming U.S. legislators. Tinatayang mahigit ng 1.5 bilyon ang Chinese population as of 2010. Araw-araw lumolobo pa ito. Magpasyal ka sa Shanghai at mamalas mo ang unbelievable progreso ng bansa. Bakit ‘Pinas naiwan?
EMERGENCY CRIME situation na ngayon sa San Pablo City. Ayon sa maraming residente, alas-otso pa lang ng gabi, sarado na ang bahay, ayaw na nilang lumabas sa kalye. Mga nakaraang buwan, araw-araw may patayan, nakawan at rape cases. Inutil ang kapulisan. Pinakamalubhang problema ay drug addiction. Kahit mga pinunong bayan ay give up na sa sitwasyon. Dapat pagtuunan ito ng atensiyon ni PNP Chief Nicanor Bartolome. Nag-iisip nang mag-armas ang mga mamamayan para sa kanilang proteksyon. Bukod dito ang mga negosyante ng lungsod ay nakakatanggap ng revolutionary tax notice mula sa NPA. Kuwarta o in kind ang hinihingi. Kundi susunugin ang bahay o establisimyento. Ganyan kalubha ang sitwasyon sa lungsod.
BAKIT MARAMING ‘di sensitibo sa paghihirap ng iba? Sa ating kapaligiran, naglipana ang mga dukha. ‘Di kumakain ng tatlong beses isang araw, walang saplot ang katawan at walang bahay na masilungan. Sa maraming bahay, may mga labis na pagkain. O damit at sapatos, ‘di na ginagamit. Bakit ‘di na lang ipamahagi ito? Bakit sarado ang kanilang puso sa kawang-gawa? Alalahanin natin wala tayong madadala sa hukay kundi ang kabutihang nagawa. Hubad tayong dumating, hubad tayong lilisan. At haharap sa paghuhusga ng Diyos.
ANG GUSOT sa Spratlys at Scarborough shoal ay dapat lutasin sa mapayapang paraan. Maraming mga hotheads na inaapuyos ang problema. Ang realidad ay wala tayong laban sa Tsina. At ang U.S. at ibang bansang kaalyado ay ‘di tutulong sa atin. Ang ASEAN ay social club. Ang U.S. ay tutulong lang kung apektado ang kanilang interes. ‘Yan lang ang nag-iisang realidad.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez