KAGABI, ISANG ENGRANDENG selebrasyon ang ginanap sa Willing-Willie para sa kaarawan ng nag-iisang hari ng primetime game show sa telebisyon na si Willie Revillame. Dumagsa ang maraming tagahanga, kaibigan at mga nagmamahal kay Willie sa studio ng kanyang show sa TV5 upang iparamdam sa kanya ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal. Masaya naman ang maraming mga kababayan natin na nakapanood ng live show sa studio dahil marami sa kanila ang nabiyayaan ng mga papremyo na sadyang ipinamigay ng matagumpay na TV host sa kanyang mga tagahanga.
Pero bago ang bonggang selebrasyon niya kahapon, nakausap namin si Willie sa set ng kanyang show noong nakaraang linggo. Bibihirang magpaunlak ng panayam si Willie dahil ang gusto niya, tahimik na buhay at magpasaya lamang ng mga tao. Pero dahil sa ang kanyang nanay-nanayan sa showbiz na si ‘Nay Cristy Fermin ang nanghihingi ng interview, hindi ito nakatanggi. Sa takbo ng panayam kay Willie, mahahalatang masayang-masaya na ito sa kanyang buhay at karera sa ngayon.
Gaano na nga ba siya kayaman sa nga-yon? “Hindi ko nararamdaman ‘yun eh, na ganon… nararamdaman mo lang ‘yan dahil una marami kang binibiling properties eh. Ano ‘yan eh, future mo ‘yan eh, future ng mga anak mong maiiwan. Hindi lang para sa akin ito eh, para sa mga anak ko na ‘to eh. Maaaring kung magkaka-pamilya pa ko, sa magiging anak ko na bago, kasama na siya d’yan, so walang feeling na mayaman.”
Masinop si Willie pagdating sa kanyang mga kinikita. Wala siyang bisyo sa buhay, kundi ang mag-isip ng mga bagay-bagay para maipundar sa kanyang kinabukasan at sa kanyang mga anak at apo. Kabilang sa mga properties ni Willie sa ngayon ay ang ilang magagarang bahay, mamahaling sasakyan, at ang itinatayong Wil Tower Mall sa may Quezon City.
Dumaan man sa maraming pagsubok, pilit na itinatayo si Willie ng tadhana upang maghatid ng saya at pag-asa sa ating mga kababayan. Matatandaang hinagupit ng unos at bagyo ng isyu at intriga si Willie noong 2010, pero hindi ito naging dahilan upang tumigil siya at magmukmok na lamang sa sulok. Kaya naman lalo siyang pinagpala, para in return ay makatulong siya sa mga taong umaasa ng kaginhawaan sa buhay. Sa tingin kaya niya sobra siyang minahal ng Diyos? “Oo, of course. Alam mo, sabi ko nga magalit sa akin ang buong mundo ‘wag lang magalit sa akin ang Panginoong Diyos. Ayawan man ako ng buong tao… buong sambayanan, ‘wag lang ang Panginoong Diyos, ‘di ba? Kakampi ko nga ang tao, galit naman sa akin ang Diyos, ‘di wala lahat.”
Pagdating naman sa kanyang mga dating mga nakarelasyon at mga anak, may pahatid namang mensahe si Willie. “Sana eh, ‘yung pagkukulang ko dati, patawarin nila ako. Siyempre surviving ka eh, survivor ka sa buhay, so ‘yung mga pinagdaanan ko sa buhay, kasama ko sila siyempre. Hindi naman perpekto eh, may mga pagkakamali, at the same time syempre nagsisimula ka, naghaha-ngad ka ng magandang buhay. Eh, marami kang tatahakin na mga pagsubok sa buhay mo, so ako lang ,alam mo naman kung sino’ng nagmahal sa akin, ako lang eh, patawarin nila ako sa aking mga nagawang kasalanan, patawarin nila ako kung ano man ‘yung pagkukulang ko nu’ng panahon na kasama nila ako. Sa mga anak ko, eh sana someday ‘wag kayong mag-alala kasi hindi ko man kayo nakakasama, si Meryll lang nakakasama ko, nakaayos na rin ang buhay n’yo, at ibig kong sabihin, marahil physically hindi ako special sa buhay n’yo, pero kung mawala ako sa mundo, may maganda na kayong kinabukasan na maibibigay sa pamilya n’yo, nakaayos na lahat.”
Tutok lagi sa Juicy, daily (12 NN), sa TV5; Paparazzi, Sundays, 4 PM, sa TV5; at sa Cristy Ferminute, Radyo Singko, 92.3 newsFM, daily, 4 to 6 PM.
Sure na ‘to
By Arniel Serato