SA KAUGNAY NA paliwanag na ipinahayag ni Mr. Johnny Manahan o mas kilala sa tawag na Mr. M, hinggil sa kontrobersyal na isyu ngayon kay Willie Revillame, ay nakarating sa amin ang balitang two weeks daw ang ipapataw na suspension ng ABS-CBN sa Wowowee host. Dahil nga raw ito sa diumano’y ‘uncalled for reaction’ nito noong nagkaroon ng video insertion sa programa nila habang inililipat ang bangkay ng yumaong dating Pangulong Cory Aquino.
Marami ang naghanap kay Willie noong Sabado kung saan ibinalitang may sakit siya kaya’t hindi siya napanood sa Wowowee.
Ayon nga sa panayam kay Mr. M., kahit daw sila ay nalito sa mga nangyari noong nakaraang Lunes, Agosto 3 (araw ng paglipat sa bangkay) dahil sa naging pagbago-bago ng desisyon kung magte-tape ba sila o magla-live?
Klaro din nitong tinuran na noong yumao si Tita Cory noong Sabado ay sobra na ang naging epekto nito sa kanila, partikular kay Willie na grateful sa naging pagtrato ng dating Pangulo noong ito’y nabubuhay pa. Nag-suggest pa nga raw ang host na i-pre-empt ang show para pagbigyan ang coverage.
Hanggang mangyari nga ang event noong August 3 kung saan ilang beses din silang napayuhan na mag-tape, then mag-live uli ng upper management. Doon na nga nangyari ang insidente kung saan ngayon ay nagre-react ang marami, including the MTRCB, KBP at iba pang grupo laban kay Willie.
Napaka-teknikal ng pangyayari ayon kay Direk Manahan dahil kahit sila ay hindi nila agarang nakontrol ang paglalagay ng mga footages na nagmula sa News and Current Affairs ng ABS-CBN.
Abangan pa po natin ang mga susunod na kabanata!
Matindi rin ang naging palitan ng mga pananalita sa NCCA, CCP at ilang mga National Artists.
Sa araw-araw na pagbabatikos kay PGMA sa mga samut-saring isyu, hindi pa talaga ito matutuldukan lalo pa’t identified sa kanya sina Cecile Guidote-Alvarez at Direk Carlo Caparas.
Lumalakas ang panawagan ng mga tinatawag na sectoral group habang may mga nagsusulong namang gawin na lang itong Presidential Award ni PGMA instead of National Artist.
May nagbulong sa amin na may ilang nagawaran na ng parangal na nagbabalak diumanong magsauli ng kanilang tinatanggap na incentives mula sa pamahalaang Arroyo dahil dito. May nagsasabi naman na kahit mismo ang ilang napasama sa listahan ay hindi feel ang maka-grupo sina Caparas at Alvarez.
Isa nga ito sa ganting-batikos naman sa kanila ni Direk Carlo na matapang na nagsalita na hindi naman siguro kailangang maging elitista ka, mayaman at nag-aral sa abroad o may mataas na pinag-aralan para maging pambansang alagad ng sining. “Mas mahalaga naman sigurong tingnan yung naging kontribusyon mo sa lipunan bilang isang artist at kung paanong ang kontribusyon mo ay mas tinanggap, minahal at niyakap at naunawaan ng mas maraming Pilipino, higit sa pagsasabing dekorasyon lang.”
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus