DALAWANG NAGLALAKIHANG bahay na puro mamahalin ang mga gamit, resort hotel at mga villas sa Tagaytay, apat na palapag sa Will Tower building, mga kotseng milyon-milyon ang halaga, bilyonaryo na ngang maituturing si Willie Revillame. Pero sa kabila ng masagana at komportableng pamumuhay niya ngayon, alipin ng lungkot ang TV host dahil sa kanyang pag-iisa.
Dalawang beses na ikinasal si Willie. Una ay kay Princess Punzalan at pangalawa ay kay Liz Almoro, pero pawang na-annul ang marriage niya sa mga ito.
May apat siyang anak pero ni isa sa mga ito ay wala sa kanyang poder. Magaganda at malalaki ang kanyang mga bahay, pero wala naman daw siyang kasama sa buhay.
Sabi nga ni Willie, “Sa lahat ng blessings sa buhay ko, masaya na ako. Wala na akong anumang hihilingin sa Panginoong Diyos sa parteng ‘yon. But siyempre, ‘yong pamilyang-buhay… wala ako no’n, e. Aaanhin mo ang eroplano, aanhin mo ang yate, aanhin mo ‘yong ganda ng bahay, aanhin mo ang mamahaling kotse. Pero once na nagkasakit ako at nakahimlay na ako sa ospital, wala kang kasama sa buhay na nag-aalaga sa ‘yo. Iyon ‘yong time na nakikita mo ang lungkot.
“Ilang milyong Pilipino, buong mundo ay nanonood sa ‘yo… masaya ako. Pero ‘pag sarado mo ng pintuan mo sa kuwarto ng bahay mo… may nanay ba ako, may tatay ba ako, may kapatid ba akong katabi? Unan lang ang katabi ko.”
Pero may plano naman daw siya na remedyuhan ‘yong gano’ng nararamdaman niyang kulang sa kanyang buhay.
Sabi nga niya, “Darating ‘yon. Hindi naman minamadali ang lahat sa buhay. Gusto ko ‘yong next time talagang… ‘eto na. Kapag dumating ang time na naramdaman kong eto na ‘yong babae at eto na siguro ’yong susuporta sa akin, iyon na ‘yon. Pero siyempre hinahanap mo pa ‘yan. Pinakikiramdaman mo pa ‘yan, e.”
Malungkot daw ang pagkabata ni Willie. Produkto siya ng broken family. Fifteen years old pa lang umano ang kanyang ina no’ng ipinanganak siya at ang kanyang ama raw ay may sarili nang pamilya noon.
“Serbidora siya sa isang parang carinderia,” patungkol ni Willie sa kanyang ina. “At do’n niya nakilala ‘yong tatay ko. No’ng nagkakilala sila ng tatay ko, do’n na nangyari ang lahat. Nag-boom tarat tarat sila!
“Na-experience ko ‘yong nakatira ako sa nanay ko na iba ang asawa. Natira ako sa tatay ko, iba ang asawa. Tapos babalik ako sa nanay ko. Nabuhay ako na halos akong mag-isa.”
Marami raw siyang hirap na pinagdaanan. Naging barker siya ng jeep at nagtinda rin daw ng diyaryo.
“Hindi ko makalilimutan ‘yon, sa Bustamante Street. Na barker ako ng jeep na biyaheng Malinta. Naglilinis ako ng jeep. Sa jeep, alam mo ‘yong merong upuan sa may driver. Tatangalin ko ‘yon at ‘yong mga nahuhulog do’n na barya, iyon ang bayad sa akin ng driver.
“Ang alam ko naman, ‘yong nanay ko sa sugalan siya nagluluto ro’n. Naiiwan ka sa bahay hanggang sa nagkaroon siya ng mga anak sa ibang lalaki, ako naman ang nag-aalaga no’n. Kaya alam kong magsaing. Alam kong magprito ng itlog, tuyo, o tinapa… alam ko ‘yan. Ngayon ‘yong mga kapatid ko na ako ang nag-aalaga… may am. Kapag nagsasaing kami, ako’ng tumatabo do’n sa kumulong tubig ng sinaing at ‘yon ang dede ng bata.”
Bukas-palad sa kawangawa si Willie, pero ‘yong ginagawa niyang pagtulong, madalas ay pinagdududahan ito ng iba. Hindi naman daw apektado nito si Willie. Katuwiran niya, “Kasi in my heart, in my mind, at alam ng Panginoong Diyos. At alam ko sa sarili ko… hindi ako nanloloko. Hindi ako nagkukunwari. Biruin mo sa lahat ng mga nangyari sa buhay ko, kung hindi ako sincere… ipagkakaloob ba sa akin ng Panginoong Diyos lahat?”
Matapos ang mahigit isang taon, muling nagbabalik sa telebisyon si Willie. This time, sa GMA 7 naman mapapanood ang kanyang bagong game show na Wowowin. Lubos na ipinagpapasalamat daw ni Willie na ngayon ay nabigyan siya ng isa pang pagkakataon para magbigay ng ligaya at tulong.
“Na-miss ko ‘yong sigaw ng mga tao. ‘Yong yakap ng mga matatanda. Dapat kapag masaya ka, masaya rin lahat. Kaya no’ng nagsi-show ako, may nilalamig na matanda. Sabi niya… Willie, meron ka bang kumot o jacket kasi nilalamig ako.
“Ang sabi ng Diyos… ang nauuhaw painumin, ang nagugutom pakainin. Kaya ang nilalamig… bigyan ng jacket ‘yan!” natawang pagtukoy niya sa kanyang naging pamoso niyang linya bilang game show host.
Si Willie, parang isang jacket din nga. Panangga sa lamig ng lungkot at problema ng marami na gustong makasumpong ng init ng saya at pag-asa.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan