HINDING-HINDI NAMIN malilimutan ang napakasakit na pag-iyak ni Kris Aquino nu’ng huling misa sa Manila Cathedral para kay dating Pangulong Cory. Hindi ‘yun eksena sa pelikula o sa isang tele-serye, isang kaganapan sa tunay na buhay na ang kinokompronta niya, ang pagkamatay ng pinakamamahal niyang ina.
Magkahalo ang luha at sipon ni Kris nu’ng mga sandaling ‘yun ng pamamaalam niya kay Tita Cory, nakiiyak sa kanya ang buong bayan lalo na nu’ng ipinagbibilin niya na ang kanyang ina kay dating Senador Ninoy.
Pero meron kaming hinding-hindi malilimutang emosyon ni Kris nu’ng ilibing ang kanyang ina. Nangyari ‘yun nu’ng pinapalitadahan na ang takip ng nitso ni Tita Cory, du’n namin nasaksihan ang walang kalaban-labang si Kris.
Nu’ng kunin na ng mga sepulturero ang takip ng nitso ng kanyang ina at sinimulan nang semyentuhan ay bumunghalit siya ng iyak, napakasakit ng iyak ni Kris, parang gusto niyang agawin ang mga kagamitan ng mga sepulturero para hindi maisarado ang nitso ni Tita Cory.
Parang gusto niyang tumakbo palapit sa nitso ng dating lider, parang gusto niya uling pabuksan ang kabaong ni Tita Cory para minsan pa niyang mapagmasdan, pero kaharap na niya ang katotohanan ng buhay.
‘Yun na ang senyal ng kanilang paghihiwalay, hindi na sila magkikita pa uli ng kanyang ina kahit kailan, puro alaala na lang ni Tita Cory at ang kanilang mga larawan ang maiiwanan kay Kris.
HINDI pa gaanong sumisigid ang kalungkutan habang nandiyan pa ang kanilang mga kapamilya at kaibigang nakikiramay. Ang pinakatamatinding lungkot ay dumadalaw kapag tapos na ang mga padasal, kapag ang mga kamag-anak ay nag-uwian na, kapag silang magkakapatid na lang ang magkakasama.
Si Kris pa naman, siya ang bunso at spoiled pa, kakarampot lang kung tutuusin ang mga panahong pinagsaluhan nilang mag-ama sa Boston, si Tita Cory na talaga ang tumayo nilang tatay at nanay sa pamilya.
Walang pinalalampas na show niya si Tita Cory, palaging nakatutok sa mga programa ni Kris ang kanyang ina, kapag may lakad si Tita Cory ay merong nakatoka para i-tape na lang ‘yun nang mapanood kapag umuwi na.
‘Yung mga ganu’ng simpleng kaganapan ang siguradong magpapaalala nang matindi sa kanya kay Tita Cory, wala na kasi ang kanyang kaibigan, inspirasyon at inang nagmamahal na walang hinihinging kapalit na kahit ano.
Wala na siyang sumbungan ngayon, wala na rin ang napaka-parehas niyang kritiko, pilay na pilay ngayon si Kris Aquino.
NASAPAWAN NG ISTORYA ng kamatayan at libing ni Tita Cory ang bagong isyung kinapapalooban ngayon ni Willie Revillame. Maraming hindi nagkagusto sa pagpapatanggal niya sa mga footage ng lamay ni Tita Cory sa video wall ng Wowowee habang masayang-masaya sila ng mga kalahok ng Willie Of Fortune.
Para sa marami nating kababayan ay kabastusan ang kanyang ginawa, pero maihahanap ng katwiran ang inasal ni Willie. Malapit sa kanyang puso ang pamilya Aquino, magkaibigan din sila ni Kris, kaya pinakahuling ideyang maglalaro sa kanyang utak ang bastusin ang pamilya.
Bago pa naganap ‘yun ay kinausap niya na si Ms. Linggit Tan, nakiusap siya kung puwedeng tanggalin ang pagsisingit ng mga kaganapan sa lamay dahil hindi magandang tingnan na habang nagluluksa ang buong bayan ay sumasayaw naman ng giling-giling ang kanyang mga dancers at ang mga studio audience.
Ang akala niya’y malinaw na nakarating sa ehekutibo ang kanyang mensahe, pero naulit pa uli, kaya nagsalita na siya sa ere kung puwedeng huwag nang ipakita pa sa video wall ang mga nagaganap sa lamay dahil parang taliwas ‘yun sa mga nangyayari sa loob ng studio.
Nandu’n na ang unang pakiusap, pero nasundan pa, kaya kinailangan nang magsalita sa himpapawid ni Willie. Maganda ang kanyang intensiyon, pero hindi ‘yun naunawaan ng ating mga kababayan, dahil may kulang kay Willie.
Hindi siya biniyayaan ng kapasidad na magtawid ng kanyang saloobin sa pinong paraan. Pangkalye ang alam niyang atake na mauunawaan naman, dahil hindi siya laking-kumbento.
Pero sa kabila nu’n ay nanghingi pa rin siya ng paumanhin hindi dahil sa meron siyang masamang intensiyon, kundi para pahupain ang kalooban ng mga kababayan nating hindi nagkagusto sa kanyang ginawa.
Kung meron mang artistang palaging hindi naiintindihan ng publiko ay nangunguna sa listahan si Willie Revillame. Kahit ano ang gawin niya ay siguradong may matatanggap pa rin siyang komentong hindi paborable.
Pero sa kabila ng katotohanang ‘yun ay napakalaking personalidad ngayon ni Willie Revillame, ang Wowowee ang programa ng bayan ngayon, kaya sino nga ba naman ang makakuwestiyon at makikipag-argumento sa kanyang tagumpay?
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin