MARESPETO KAMI SA kusang pananahimik ng isang taong nakapaloob sa isang matinding kontrobersiya. Nagpapadala kami sa kanya ng mensahe ng pagsuporta at pang-unawa, pero walang presyur ‘yun kung dapat niyang sagutin o hindi.
Salamat kung bigyang-pahalaga niya ang mensahe, pero kung hindi naman, kaya nga mensahe ng pang-unawa ang ipinadadala namin ay dahil nauunawaan namin ang kanyang kasalukuyang sitwasyon.
Binibigyang-katwiran namin si Willie Revillame sa pinakahuling isyung kinasasangkutan niya dahil kapado namin ang kanyang damdamin pagdating sa pamilya Aquino.
Malalim ang pagkakaibigan nila ni Kris Aquino, kapag nagte-taping ito kasama ang kanyang mga anak ay nagpupunta sa studio ng Wowowee sina Josh at Baby James, sa bibig na mismo ng aktres-TV host nanggaling na paborito ng kanyang mga anak ang Wowowee at gustong-gusto ng magkapatid ang kanilang Tito Willie.
At totoong-totoo namang malapit sina Josh at Baby James kay Willie, nu’ng minsang kargahin ni Willie ang bunso ni Kris ay ayaw na uli nitong sumama sa kanyang yaya, kundi pa sasalang na uli si Willie sa entablado ay ayaw pa ring humiwalay sa kanya ni Baby James.
At nu’ng nabubuhay pa ang dating Pangulong Cory Aquino ay palaging bahagi ng Wowowee ang pagbati ni Willie sa namayapang lider, gustong-gusto kasing napapanood-naririnig ni Tita Cory na binabati niya sina Josh at Baby James, kaya panay-panay ang pabati ni Kris sa kanya.
Kahit sa laban ng pataasan ng benta ng kanilang mga album ay isinusulong ni Willie ang album ng mag-inang Kris at Baby James, ganu’n katindi ang kanilang samahan, kaya alam namin na ang paghusga kay Willie ng pambabastos sa namayapang dating pangulo ay malayo sa katotohanan.
Hindi siya ang host na mambabastos sa isang taong nirerespeto niya, hindi niya sasaktan ang pamilya ng taong mahal niya, kaya naniniwala kami na malinis ang kanyang intensiyon nu’ng ipatanggal niya ang footage ng funeral rites ni Tita Cory habang tumatakbo ang kanyang programa.
Pero may isang pananaw ang mas nakararami na hindi namin kokontrahin. Oo nga’t busilak ang kanyang intensiyon na mahalay tingnan na habang nagluluksa ang buong bayan ay ayaw niya namang lumabas na nagsasaya sila sa studio ay hindi naitawid ni Willie Revillame ang maganda niyang hangarin.
Malinis ang kanyang intensiyon, pero mali ang kanyang atake, hindi biniyayaan si Willie ng dila na kayang maghabi ng mga salita sa tamang pagkakataon.
Maganda man ang kanyang hangarin ay mali ang pagbabalangkas niya ng mga salita, ‘yun ang dahilan kung bakit hindi siya naiintindihan kadalasan ng publiko, ‘yun ang rason kung bakit siya madalas husgahan.
Pero alin nga ba ang mas mahalaga? Ang mga wastong salita na hindi naman sinsero o mga salitang padaskul-daskol ang pagkakabitiw pero alam ng Diyos kung gaano kasinsero at katotoo?
NAKATANGGAP KAMI NG tawag mula kay Willie Revillame, nasa isang lugar siya ngayon na napakatahimik ng kapaligiran, hindi man niya sinabing hinahanap niya ang kanyang sarili ay siguradong matatagpuan niya ru’n ang kanyang hinahanap.
Nagpaliwanag siya tungkol sa nangyari, kapareho rin ‘yun ng paliwanag ng tanging Kapamilya niyang nanindigan sa kanyang tabi ngayong hinuhusgahan siya ng mas nakararami, si Direk Johnny Manahan.
Nakabawas sa kanyang kalungkutan ang pagtanggap ng pamilya Aquino sa kanyang paliwanag, niyakap ng mga ito ang panghihingi niya ng dispensa, nakahanda rin siyang hintayin na lang ang paghupa ng galit ng mga kababayan nating hindi nakaiintindi sa kanya.
Ilang araw na siyang wala sa Wowowee ngayon, miss na miss na siya ng kanyang mga tagasuporta, pero habang kausap namin si Willie ay wala kaming naramdamang interes sa kanya para bumalik na sa kanyang noontime show.
Walang-wala. Parang sapat na sa kanya ang pang-unawa ng mga Aquino, pero sa tanong kung kailan siya babalik ay wala kaming naramdamang entusiyasmo.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin