NAGING ISANG mainit na usapin sa apat na sulok ng showbiz ang tila pamamaalam ni Willie Revillame sa mga tao at sa management ng TV5 noong Martes, November 20.
Maraming haka-haka ang nagsulputan na aalis na si Willie sa TV5 pero wala itong katotohanan ayon sa isa sa pinakamalapit sa TV host.
Miyerkules, hindi sumipot si Willie sa show. Ganu’n din nu’ng Huwebes, November 22. Ayon sa isang insider, nagpapahinga lang daw ito at medyo masama ang pakiramdam.
Marami ang nagtatanong kung tatakbo nga ba si Willie sa election? O maysakit? O ililipat ng timeslot ang kanyang show?
At nitong Biyernes, November 23, sa pagsisimula ng programa niyang Wil Time Bigtime, masayang winelcome si Willie ng kanyang co-hosts na sina Lovely Abella, Camille Villar, Cindy Miranda at Grace Lee. Absent sa show si Mariel Rodriguez.
Diretsong sinabi ni Willie na hanggang January na lang ang Wil Time Bigtime. Pero natatawa lang na sinabi ni Willie na, “Huwag nga kayong OA.”
Dagdag pa ni Willie, “Para malaman n’yo, ako po ay lilipat na. Para wala nang mga tanungan, sagutin ko na, gusto ko hangga’t maaga, we only have two months to go. At ako po ay lilipat na at sa paglipat na ‘yan mas maganda, mas malawak, mas maraming papremyong ibibigay.”
Paliwanag pa ni Willie, “Yun po, sa paglipat na ‘yun, bibigyan namin ng pagkakataon ‘yung mga nangangarap, na gustong sumikat. Marami kaming mga portions doon na bago, para alam n’yo na, total magme-meeting tayo (patungkol sa staff), okay?
“Mga January 5, that’s it for Wil Time Bigtime. Pero ilang linggo lang po at ilang araw lang, bubuksan na ang bago, mas malaki, mas makikinig sa inyo at mas magbibigay ng pagmamahal na todo-todo para sa inyo. Okay? Tandaan n’yo po, yung bagong programa mas magiging komportable po kayo. Hindi na kayo aantukin.”
Ang tinutukoy ni Willie na aantukin ay ‘yung mga lolo at lola at ilang mga audience sa Wil Time Bigtime na nakukuhanan ng kamera na natutulog. Alas-7 na kasi ng gabi nagsisimula ang kanyang programa at natatapos ito ng halos alas-diyes na.
Pagpatuloy pa nito, “Dahil pakakainin naming kayo ng masarap okay. Basta tandaan n’yo po ‘yan, ayan na matatapos na ang espekulasyon, we only have two months. ‘Yung dalawang buwan na ‘yun, ‘yung bagong programa, I think ilo-launch na ‘yan sa birthday ko na.
“Sa birthday ko na bagong studio, bago lahat, bagong gamit, iba na ‘to, bagong mga games, maaaring may matirang ibang games, bago lahat. Bago, puro bago ang perang ibibigay namin sa inyo.”
Dagdag pa ni Willie, “O ayan na, para matapos na, basta ho, lilipat kami ng bagong studio, mas madali n’yong puntahan, mas malapit, lumapit na kami sa mga istasyon, ang lapit-lapit na. Dikit dikit na kami. ‘Yan po ay sa Quezon Avenue. Para pagbaba n’yo sa bus stop, andu’n na. Hindi na kayo mahihirapan, maraming mga restaurants… ‘yun nga ang iniisip namin lalo na ang mga lola, ayaw namin na kayo ay inaantok. Kasi dito pag-uwi nila gabi na.
“Mag-eenjoy kayo, iba to. Bagong kamera, bagong ilaw. Bagong sound system, ‘yan of course si Atty. Ray Espinosa (TV5 President and CEO) at ‘yan po si MVP (Manuel V. Pangilinan, TV5 Chairman) at sa buong TV5. Puro bago, bagong lugar. Bagong saya. Para po sa inyong lahat.”
“Malapit na, sasabihin naming sa inyo, inaayos pa lahat. May mga bago kaming co-host na magaganda. Mga bata.”
Dagdag pa ni Willie, “May mga bago nga na mga bago. Tsaka kukuha tayo ng mga panlabas lahat. Okay na lahat, basta abangan niyo. Okay na?”
Noong Sabado naman, November 24, tila may pahiwatig naman si Willie kung kalian nga magsisimula ang bago niyang show. Paglilinaw pa ni Willie, “Sa takdang paanahon malalaman n’yo kung saan kami lilipat. Sasabihin namin sa inyo, inaayos lang po lahat. Maniwala kayo sa hindi, ‘yung paglilipatan natin ay para kayong nasa bahay, feel at home na kayo sa studio na yun.”
“At ‘yung paglipat ko po, sa kaarawan ko, okey. I think (January) 26 is Saturday, January 27 po birthday ko.”
Bago natapos ang pagpapaliwanag muli ni Willie, parang nagsabi siya ng mga katagang maaring magiging titulo ng show. Wika niya, “Hanggang nandito kayo at nandito kami, para po sa inyo ito, tandaan n’yo Wow na Wow, Willing Willie.”
Matatandaang ang naging huling show ni Willie sa ABS-CBN ay Wowowee. Ang una namang naging show nito sa TV5 ay Willing Willie.
Dagdag pa niyang sabi sa audience, “Sabihin n’yo nga, Wow na Wow, Willie, malapit na.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato