HALOS LAHAT AY nakatutok kahapon sa libing ng dating Pangulong Cory Aquino, kaya parang tumigil ang buong bansa dahil kahit ang mga hindi nakasali sa funeral march patungong Manila Memorial at sa Sucat, nasa TV o radyo naman ang karamihan para subaybayan ang mga naganap sa misa nito sa Manila Cathedral hanggang sa Manila Memorial.
Nu’ng nakaraang Martes ay sumama ako kay Manay Lolit Solis na pumunta sa burol ni Tita Cory sa Manila Cathedral.
Napag-usapan naming agahan namin para makahabol kami bago isara ang simbahan ng alas-dose ng tanghali.
Medyo natrapik kami sa Quezon City kaya medyo nag-alala kami baka abutin kami sa pagsara ng simbahan dahil magmi-misa ng alas dose ng tanghali.
Nag-alala kami na baka mahirapan kami sa pagpasok dahil mahigpit ang security at napakarami ng mga taong nag-aabang sa labas para makipila sa public viewing.
Ewan ko kung gina-guide kami ni Tita Cory dahil pagdating namin ng Quiapo, parang ang bilis naming nakarating sa may Manila Cathedral. Kahit may nakaharang sa ibang kalye dahil nag-reroute ang traffic, pinapasok kami ng mga pulis nang nalaman nilang si Manay Lolit ang nasa loob ng sasakyan.
Hanggang sa nakarating na kami mismo sa tapat ng simbahan ay hindi rin kami nahirapan sa pag-park at pag-akyat namin sumalubong sa amin si Ms. Dinky Soliman na nakangiti kay Manay Lolit.
Pagpasok namin ng simbahan, ang daming sumalubong kay Manay Lolit na ang iba’y hindi na namin nakilalala. Merong grupo ng girl scouts na parang nagulo nang makita nila ang Startalk host. Ang iba, gusto pang magpalitrato.
Meron pang isang babaeng naka-wheelchair na talagang nakiusap na kung puwede magpalitrato kay Manay Lolit.
Magsisimula na ang misa kaya pinatigil na ang paglapit sa kabaong ni Tita Cory, pero nang nakita si Manay Lolit ng nagbabantay doon, sinabihan kaming puwedeng lumapit pero huwag lang magtagal dahil baka mapagalitan daw siya ng pari.
Nasilayan namin ang maaliwalas na mukha ng ating dating Pangulo. Hindi ko napigilang maluha dahil biglang nanariwa sa amin ang pagsali namin sa lahat na mga rally nung panahon ng EDSA revolution. Pati ang pagdalaw namin noon kay Kris sa tahanan nila sa Times St., nakikita namin si Tita Cory na pumapasok sa kuwarto ni Kris at nakangiti sa amin at meron itong ibang mga dasalin na binibigay kay Kris.
Wala si Kris nang dumating kami pero nandu’n ang mga kapatid niyang sina Ballsy at Viel na tuwang-tuwa at nagpasalamat sa pagdating ni Manay Lolit.
MAY ILANG REPORTERS na gustong interbyuhin si Manay Lolit, pero umiwas na ito.
Pag-alis lang namin, at saka naman dumating ang magkapatid na Bongbong at Imee Marcos.
Habang nanonood kami sa TV ng misa kahapon at nang ipinakita ang dami ng mga taong nag-aabang sa labas ng Mla. Cathedral, sa Roxas Boulevard hanggang sa Manila Memorial, kinikilabutan kami.
Hindi alintana ang lakas ng ulan, basta nandu’n lang sila para makiisa sa pagluluksa ng buong bansa.
Muling bumalik ang mga yellow ribbons at Laban sign, at dito ipinakita na sa pagpanaw ni Tita Cory muling pinagbuklod ang mga Pilipino at sana tuluy-tuloy na at huwag munang pairalin ang pamumulitika.
Awang-awa kami kay Kris na walang tigil sa paghagulgol sa kabuuan ng misa lalo nang kumanta si Zsa Zsa Padilla ng awiting Hindi Kita Malilimutan.
Ano kaya ang naramdaman dito ni Willie Revillame pagkatapos niyang bastusin ang coverage ng funeral march mula La Salle hanggang Manila Cathedral nu’ng nakaraang Lunes?
Ang daming nag-react sa ginawa niyang iyun sa Wowowee na pinapatanggal ang naka-inset na coverage dahil nagkakasayahan daw sila. Tanggap na namin ang kayabangan niya, pero sana marunong naman siya gumalang sa patay lalo na’t ang ipinagluluksa ay ang dating Pangulong nagbalik sa istasyong pinagkakakitaan niya.
By Gorgy’s Park