NAKU, ‘DAY! NASA gitna na naman ngayon ng intriga si Willie Revillame dahil sa batang si Jan-Jan na sumali sa isang game niya sa Willing Willie na pinasayaw niya bago isinalang sa contest.
Ito palang si Jan-Jan na anim na taong gulang pa lang, ang galing sumayaw na parang isang macho dancer. Natuwa sa kanya si Willie lalo na ang audience sa studio, kaya paulit-ulit na tinugtog ang isang music na sinasabayan naman ng sayaw ng bata.
Sa sobrang tuwa ni Willie, binigyan niya ito ng P10 thousand at malaking tulong ‘yon sa bata. Ngayon, katakut-takot na reaksyon ang inaabot ng TV host sa mga nakapanood. Kung anu-anong panlalait ang inaabot ni Willie sa Twitter at sa kung anu-anong blog.
Hindi ko naman nababasa ang mga panlalait nila, pero naging malaking usapin na nga ito, kaya nagbigay ng statement ang TV5 at nung kamakalawa, bumalik si Jan-Jan sa Willing Willie kasama na ang nanay at tatay nito pati na ang kapatid niya.
Ang magulang na mismo ang nagsalita at ipinagtanggol ang programa at si Willie na hindi sila inabuso o walang child abuse na nangyari, gaya ng sinasabi ng mga nambabatikos kay Willie.
Sabi naman ni Willie, kung marami ang na-offend sa ginawa nila, humingi na siya ng paumanhin, ang sa kanila lang naman daw ay gusto nilang makatulong at makapagbigay kasiyahan sa mga manonood at sa mga nangangailangan.
Lalo tuloy napalapit at minahal ng masa si Willie, dahil sa totoo lang, wala silang intensyong paglaruan at gawing katatawanan ang bata. Nagkataon lang na nag-macho dancing ito na para talagang isang macho dancer, sabay pa tulo ang luha na dramang-drama ang da-ting.
Idagdag pang may pagka-bading yata ang tatay ni Jan-Jan na me-rong parlor sa Project 6. Kaya baka tatay pa ang nagturo nito. Pero hindi na isyu ‘yon dahil masaya silang pamilya.
Malaking tulong sa bata ang perang ibinigay ni Willie at napasaya niya ito. Hindi labag sa kalooban ng bata na gawin niya ang pagsayaw habang umiiyak pa.
Hay, naku! Itong mga nanlalait at pumupuna sa ginawa ni Willie, ewan ko kung nakapagbigay ba sila ng tulong sa mga batang na-ngangailangan. Meron ba silang naibigay na tulong sa kababayan nila?
Sabi nga ng mga bading, parang napaka-holier than thou sila kung makapuna gayung wala naman yata silang nagawa sa mga kababayan nilang nangangailangan.
Mabuti’t hindi naman apektado si Willie sa mga naninira sa kanya. Tuloy pa rin ang pagtulong niya at pagbibigay ng kasiyahan sa mga sumusubaybay sa programa niya.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis