Willie Revillame, ‘di iniinda ang naluging P50-M sa game show

Willie-RevillameTALIWAS SA naunang napabalita, tuloy pa rin ang pag-ere ng game show na Wowowin sa GMA 7. Ito ang naging paglilinaw ng management mismo ng GMA 7 at ng host ng programa na si Willie Revillame.

Kamakailan ay nagkaroon ng meeting sa pagitan nina Willie at ng Kapuso Network. At naging maganda ang resulta ng nasabing pag-uusap. Masaya raw si Willie na pinakinggan ng GMA ang kanyang saloobin hinggil sa show at ang ilang bagay na gusto niyang i-request.

“Tinawagan ako ni Boss Joey Abacan (first vice president for program management ng GMA),” ani Willie. “Ang bungad niya sa akin… hindi mo kami iiwan. Ayaw naming iwan mo kami. Ayaw naming mawala ka. Mag-usap tayo.”

Sa nasabing meeting, naihayag daw ni Willie ang intensiyon niyang maging daily sana ang show. Pero ongoing pa rin daw ang pag-uusap hinggil dito. Gano’n pa man, ikinatutuwa raw ni Willie ang magandang ibinunga ng kanilang meeting. Na bukod sa discounted blocktimer fee, ang maganda at bago nitong timeslot.

“At the same time, dinagdagan pa ako ng 15 minutes. At ‘yong timeslot nga… back to back ng Sunday Pinasaya (kapalit ng Sunday All Stars). Napakagandang kumbinasyon. Basta ang importanjte ay ‘yong commitment kung saang oras ka ilalagay. And I’m very glad and I’m so happy na pinakinggan nila ako. Actually ‘yong hiningi ko na konti, malaki ang ibinigay nila sa akin. Ang naramdaman ko rito sa Kapuso, may puso. May pagpapahalaga.”

Umabot daw ng 50 million ang lugi ni Willie sa Wowowin mula nang umere ito sa GMA. Pero aniya, “Okey lang ‘yon. Pera lang ‘yon. Kikitain natin. No’ng nagsimula naman ako sa Wowowie noon sa ABS-CBN, wala naman akong pera, e. So, ibinabalik ko lahat ‘yon (sa tao).”

Hindi rin itinanggi ni Willie na dumating siya sa puntong tinatamad na siyang mag-taping para sa Wowowin dahil nga sa kanilang timeslot na 3:30 to 4:30 pm. Sa paniwala niya, hindi raw talaga maganda ang 3:30 pm timeslot. Dahil hindi ito masyadong pinapasok ng advertisers. Pero ngayon, bumalik na raw ang kanyang gana upon learning na mapaaaga na ang timeslot nila. Masaya raw si Willie sa bagong oras ng pag-ere ng kanyang show na 2:00 pm to 3:15 pm dahil afternoon primetime ito.

Nakahanda raw si Willie na i-sustain ang Wowowin hanggang sa dumating ang panahong mangyari ang kanyang wish na maging daily na ito. Hindi umano niya iniinda kahit ilang milyong piso na nga ang naging lugi niya. Sabi pa nga niya, “Oo, titiyagain ko na ito. I’ll be honest, may mga properties ako na puwede namang ibenta na hanggang ma-maintain ko lang ito.”

Ganyan?

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleCherry Pie Picache, ibinida ang sweetness nina James at Nadine sa San Francisco, California
Next articleDennis Trillo, ayaw nang maging kontrobersyal ang lovelife

No posts to display