ABANG NAGBUBUNYI ANG Team Pacquiao at ang sambayanang Pilipino dahil sa muling pagsungkit ni Manny Pacquiao ng bagong karangalan sa mundo ng boksing, binabalot naman ng tensiyon ang pamilya at mga tagasuporta ng ating kababayang boksingerong si ZC Gorres.
Habang ginaganap ang salpukan nina Pacmam at Miguel Cotto sa MGM Grand Garden Hotel, nasa isang ospital naman sa Las Vegas si ZC Gorres at sumasailalim ng isang skull operation.
Ipinanalo ni Gorres ang laban isang araw bago ang paghaharap nina Pacman at Cotto, pero pagkatapos ng laban ay bigla siyang bumagsak. Ayon sa mga doktor, nagkaroon ng subdural hematoma si Gorres.
Napakinggan namin ang panayam ni Ted Failon kay Duchess Gorres, misis ni Butchoy. Kung ito ang masusunod ngayon ay ayaw na nitong bumalik pa sa pakikipaglaban sa lona ang kanyang mister.
Panalangin ang hinihingi ngayon ni Duchess, ang sana’y ipagdasal natin ang kaligtasan ni ZC, kahit pa ayon sa mga doktor ay hindi siya agad makauuwi, makaligtas man siya, dahil tatakbo nang apat na buwan ang kanyang rehabilitasyon sa Amerika.
Harinawang makaligtas sa pagsubok na ito si ZC Gorres, isa sa mga pambatong boksingero ng ating bayan. Nakalulungkot lang isipin na walang insurance ang mga boksingero kapag may ganitong pangyayari sa kanilang buhay.
BAGO UMALIS SI Willie Revillame papunta sa Las Vegas, nagkausap kami. Ayon sa aktor-TV host ay hindi raw siya manonood ng laban ni Pacman, dahil kailangan niyang magpahinga para naman sa Wowowillie na ginanap na kahapon sa Orleans Theatre.
Pero nagulat kami dahil nu’ng dumating na sa MGM Grand Garden Hotel si Pacman ay kasama siya, silang tatlo nina Jinkee ang magkakasama, kaya tinext namin agad si Willie.
“Wala, hindi ako nakatanggi, ipinasundo ako ni Manny kay Lito Camo, may nakahanda na rin akong ticket. Sabi ko nga, e, susunod na lang ako sa MGM, pero hindi siya pumayag, sabay raw kaming pupunta,” kumpletong mensahe sa amin ni Willie.
Matagal muna siyang namalagi sa dressing room ng Pambansang Kamao. Umalis na lang siya nu’ng ibina-bandage na ang mga kamao ni Manny. Nakatabi niya naman sa ring side sina FG Mike Arroyo at Vice-President Noli de Castro.
“Nakita ko ang ritual niya pagdating sa dressing room. Ganu’n pala ‘yun, hindi siya puwedeng maupo nang matagal. Kailangan pala lagi siyang gumagalaw, lumundag-lundag, para raw hindi matulog ang dugo niya.
“Naupo lang siya nu’ng kinakabitan na siya ng bandage, pero may nagmamasahe pa rin ng mga legs niya. Matindi ang pinagdadaanan ni Manny bago siya sumalang sa laban, mahirap ‘yun, matinding ensayo muna ang dapat niyang gawin,” kuwento pa ni Willie nu’ng matapos na ang laban at tawagan niya kami.
Kinagabihan, lumabas ang buong tropa ni Pacman, hindi na sumama pa si Willie. Kailangan na niyang magpahinga dahil kinabukasan ay siya naman ang may show sa Orleans Arena para sa Wowowillie.
Ito ang show na malapit nang hindi matuloy dahil paalis na sila ay wala pa silang ticket sa eroplano, wala pa ang downpayment sa kanya at sa kanyang mga kasamang magpe-perform. Sinalo ‘yun ni Tita Millie Garfinkel na misis ng Immigration lawyer na si Attorney Michael Garfinkel na nag-aayos ng kanilang mga dokumento tuwing magkakaroon sila ng show sa ibang bansa.
“Ibang klase talaga si Pacman, mabangis siya, basag-basag ang mukha ni Cotto, ang lakas ng pulandit ng dugo ng cut niya. Naaawa ako sa misis niya, lalo na sa mga anak niya,” text uli sa amin ni Willie.
Totoo ang kanyang sinabi, napaka-traumatic sa mga anak ni Cotto ang inabot nito kay Pacman. Habambuhay na maaalala ng mga bata ang hitsura ng kanilang ama habang burog-burog ang mukha at pareho nang halos magsarado ang mga mata nang dahil sa mababangis na suntok ni Manny Pacquiao.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin