Willie Revillame, dinagsa ng supporters by Cristy Fermin

INAABANGAN ng marami ngayon kung ano ang magiging desisyon ni Willie Revillame sa mga darating na araw. Wala pang maisagot ang kanyang staff kung kailan siya babalik sa Wowowee, sila man ay parang nagtatanungan din kung kailan nga ba?

Isang kalokohan ang kuwentong lumabas na nagpunta sa Europe si Willie. Kahit anong rekisa ang gawin nila sa immigration ay mapatutunayang hindi siya lumabas ng bansa, nasa tabi-tabi lang ngayon ang aktor-TV host.

Isang source ang tumawag sa amin para ibahagi ang isang kuwento, ‘yun pala ang pinag-ugatan ng kanilang kuwentong nasa Europe ngayon si Willie, pero sablay nga ang istorya.

“Kasi, may sinulat kang nasa isang malamig na kapaligiran ngayon si Willie, kaya nag-one plus one naman sila, nasa Europe daw siguro si Willie ngayon.

“Pero sablay ang kuwento, wala pala siya sa Europe, nasa Tagaytay lang,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Totoo namang nasa Tagaytay lang si Willie, du’n sa kanyang bahay na nakatirik sa isang maluwag na bakuran, kaya sinabi naming puro huni ng kuliglig-lupa lang ang nakauulayaw niya du’n sa gabi.

May isang bahagi ng kanyang bahay sa Tagaytay kung saan matatanaw mo ang buong kapaligiran. Mula sa veranda ng kanyang kuwarto ay mararamdaman mo na parang ang baba lang ng langit.

‘Yun ang pinakagusto naming lugar sa maganda niyang bahay, parang walang problema du’n, parang walang kasing ganda ang buhay.

Mula nu’ng hindi na nag-report sa Wowowee si Willie ay palaging puno ng mga bisita ang kanyang bahay sa Tagaytay, grupo-grupo sila kung magdatingan, sila ang kung ituring ngayon ni Willie ay mga kaibigan hindi lang sa halakhakan kundi sa panahon ng kagipitan.

Isinama niya sa Tagaytay ang kanyang mga kasama sa bahay, nandu’n din ang kanyang driver at mga security, si Ate Tess lang na sekretarya niya ang nagpupunta sa kanyang bahay sa Corinthian Hills para magpakain sa mga alaga niyang isda.

Nagpupuntahan din du’n ang mga kababayan namin na bumibiyahe pa mula sa Nueva Ecija para lang siya kumustahin. Parang isang malaking studio rin ngayon ang kanyang bahay sa Tagaytay dahil sa dami ng mga bumibisita sa kanya.

Sabi ni Willie, “Nakakatuwa nga, parang nagba-bonding kami rito ngayon, nakikilala ko nang husto ang mga kasambahay ko, hindi tulad noon na sanda-sandali lang kaming nagkakausap dahil sa tindi ng schedule ko.

“Nandito silang lahat, nagdaratingan din ang mga kaibigan ko from Nueva Ecija, sa mga ganitong panahon mo talaga malalaman ang mga taong nagmamahal sa iyo,” kuwento ng aktor-TV host.

Kung mensahe naman sa text ang pag-uusapan ay punumpuno na ang kanyang inbox, wala nang paglulugaran ng mga mensaheng ipinadadala ng mga taong nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya.

“No more space for new messages,” palaging ganu’n ang nakarehistro sa mukha ng kanyang telepono ngayon.

WALANG suspensiyon, lalong walang termination, puro haka-haka lang ang mga lumalabas na isyu ngayon tungkol sa hindi niya pagre-report sa Wowowee.

Alam naming ‘yun ang bumabagabag nang husto ngayon kay Willie, alam na alam namin kung gaano niya kamahal ang programa, itinuring na niyang ekstensiyon ng kanyang buhay ang Wowowee.

Sobra-sobrang emosyon ang ibinibigay niya sa show, sabi nga ni Direk Johnny Manahan, perfectionist siya kaya ayaw niyang may mga nangyayaring kapalpakan sa programa hangga’t maaari.

Ang tingin namin ngayon kay Willie ay isang bilanggong nakagapos. Gusto niyang patuloy na bigyan ng kaligayahan ang kanyang manonood, pero pinipigil siya ng prinsipyong paninindigan niya hanggang sa huling yugto ang kinakaharap niyang laban ngayon.

Sabi ng aming kausap, “Hindi pakakainin ng prinsipyo si Willie, bumalik na sana siya sa show,” Ay, kinontra namin ‘yung ipinamukha namin sa nagsalita na totoong hindi nakakain at nakapagpapapawi ng gutom ang paninindigan sa isang prinsipyo pero buo naman ang respeto natin sa ating sarili.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleMaricar Reyes, puntirya ng singer by Pilar Mateo
Next articlePinoy Parazzi Vol. II Issue #125

No posts to display