BUKAS NA ANG hearing ng bagong kaso ng ABS-CBN laban kay Willie Revillame na may hinihinging danyos na something like 127 million pesos. Ito’y kaugnay ng iginigiit ng istasyon na ginaya raw ng bagong show ng TV host sa TV5 na Willing Willie ang format ng dati nitong programa sa kanila na Wowowee. Dahil dito, isang panibagong TRO o temporary restraining order at usapin tungkol sa copyrights ang isinampa ng Kapamilya Network sa Makati Regional Trial Court branch 66 last Thursday, November 25.
May paunang pahayag ang abogado ni Willie tungkol dito at nilinaw na wala namang copyrights para sa mga TV shows. Hindi umano puwedeng i-copyright ang format ng isang show. Bukod pa rito, hindi rin daw sakop ng copyright ang konsepto ng isang show.
Si Willie naman, kaagad ding naglabas ng kanyang saloobin hinggil sa usaping ito. Bulalas nga niya, “Ayaw talaga nila akong tigilan. Nong una, sa Quezon City Regional Trial Court sila nag-file ng TRO para huwag akong maipalabas noong October 23. Nagwagi po ang sambayanang Pinoy na magtuloy ang programang Willing Willie.
“Pagkatapos no’n, itinaas nila sa Court of Appeals. Nag-file na naman sila roon ng TRO. Awa ng Diyos, sa pagdadasal ninyo, hindi na naman po na-grant ang TRO nila.
“Pagkatapos ng sa Quezon City, sa Makati naman sila ngayon nag-file. Palagay ko iikutin nila ang buong Pilipinas makasuhan lang ako. ‘Yan ang nakikita ko riyan, hindi po nila ako titigilan.”
Sa hearing bukas, kasama raw pupunta ni Willie ang buong staff ng Willing Willie pati ang mga dancers at maging ang lahat ng crew ng programa. At maigting ang apela ng TV host sa publiko lalo na sa mga masugid na tagasuporta at sumusubaybay sa kanyang programa.
“Kung gusto n’yo akong samahan, samahan ninyo ako. Ipaglaban na natin ang programang ito. Alas-diyes po iyon ng umaga, mga alas-otso magkita-kita tayo roon.
“Sa lahat po ng nagmamahal sa programa, ipaglaban natin ito. Dahil kapag na-TRO tayo, ihihinto po ang programa. Wala na po kaming ibibigay na saya sa inyo.
“Bakit ba galit na galit ang ABS sa akin? Wala naman akong ginawang masama sa kanila.
“Ngayon ang pakiusap ko lang po sa mga sumusuporta sa Willing Willie, ipagdasal n’yo po sana kami. Hindi naman po sa amin ang programang ito kundi sa inyo. Kaya magsama-sama po tayo sa Martes.
“Ako, hindi ako nagyayaya. This time, sabi ko, lumaban na tayo. Kasi iba na po ang purpose nila. Ang gusto nila eh, pahirapan na po ako. Huwag na akong lumabas, maghirap ako sa buhay.
“Marami po akong pinag-aaral at tinutulungang tao. Huwag namang ganyan. Ang hangad lang naman namin eh, maipagpatuloy namin ang pagbibigay ng saya at pag-asa sa mga kababayan natin,” panghuling nasabi pa ni Willie.
ANG BILIS NG pangyayari. Sa pagkakaalam namin, all-set na ang kasal ng celebrity business woman na si Cristina Decena (na dating naging girlfriend din ni Phillip Salvador) sa isang Australian businessman nito sanang December. Pagkatapos, biglang-biglang mapapabalitang sa host ng show sa TV5 na TotooTV na si Ariel Villasanta ito ikinasal last November 6. Akalain n’yo ‘yon?
Nadiskubre raw kasi ni Cristina nang ipa-surveillance niya ang kanyang Australian boyfriend na meron pa pala itong ibang karelasyon at niloloko lang siya. Kaya kaagad, nakipag-break umano ang matagumpay na businesswoman.
September 10, nagkakilala sila ni Ariel nang i-feature ng Totoo TV ang isang event sa Nueva Ecija ng Rotary Club of New Manila South kung saan presidente nito si Cristina. Naging malapit umano kaagad ang loob nila sa isa’t isa.
September 18 when they started dating. At sa halos araw-araw na pagkikita nila, kaagad silang na-develop hanggang sa maramdaman nilang in love nga sila sa isa’t isa. ‘Yon nga, after one and a half months of dating, nagdesisyon na silang pakasal sa Hong Kong.
Mayaman si Cristina. Hindi maiwasang may mag-isip na baka marriage for concevience lang ang rason kung bakit nagustuhang pakasal ni Ariel sa kanya. Na kaagad namang nilinaw ng TV host na pinsan ni Joey de Leon.
“Bago kami nagpakasal, ako ang nagsabi na magkaroon kami ng pre-nuptial agreement,” ani Ariel. “Sa sinasabing marraige for convenience lang daw, may nagsabi rin sa akin no’n. Ang isinagot ko, hindi ako kasing-yaman niya, hindi ako ganyan kataas. Pero baby pa lang ako, naka-aircon na ako. Pati salas ng bahay ko may aircon.
“Nag-iisang anak ako. Hindi naman kami mayaman pero engineer ang erpats ko. Kami pa nga ang kumupkop noon sa pamilya nina Joey (de Leon) noon.
“Lima ang sasakyan ko. May driver ako. Araw-araw sa labas ako kumakain. Hindi pa nga ako nakakasakay ng MRT.
“Bago kami nagkakilala ni Cristina, nakaikot na ako sa Amerika at kung saan-saan. May sarili akong naipundar na kabuhayan at properties. Hindi ako apektado. Basta masaya ako. Masaya kaming dalawa ni Cristina. At iyon naman ang mahalaga, ‘di ba?”
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan