Arogante. Mayabang. Diretso. Prangka. Walang preno sa gustong ipahayag ng damdamin. Ganyan kung ituring ang TV host na si Willie Revillame. Sa ganyan mga katangian binabanatan ang TV host ng kanyang mga kaaway sa showbiz. Pero sabi nga ni Willie, totoo lang siya sa kanyang sarili. Kung ano ang nakikita sa kanya sa TV, iyon talaga siya. At ‘yun naman ang nagugustuhan sa TV host ng kanyang milyun-milyong supporters at fans na ang malaking bahagi ay binubuo ng mga mahihirap o ng masa.
Dahil sa pagiging ‘normal’ at ‘natural’ ng gawi at ikinikilos ni Willie sa kanyang game show na Willing Willie, nakahahanap ng butas ang kanyang mga kritiko. Sabi nga, konting kibot, konting ‘pagkakamali’, sentro na naman ng pambabatikos ang magaling na TV host.
At ang isang episode – kung saan masayang umeere ang Willing Willie at damang-dama ang kasiyahan sa live audience at televiewers habang nakatutuwang pagmasdan ang isang batang nagpapakita ng kanyang ‘kakaibang’ talento – ang sinamantala ng mga ayaw tumigil sa paghahanap ng mali kay Willie.
Pinalalabas ng mga kritiko na may mali sa ginawa ni Willie, gayung mismong ang mga magulang na rin ng bata ang nagsabing kagustuhan din ng bata ang kanyang ‘pagpapakitang-gilas’. Pinagkatuwaan daw ang kahinaan ng bata, inabuso raw ito. Mahabang usapin ang pang-aabuso. Mahabang proseso bago mapatunayan na may naganap na pang-aabuso, lalo’t ang sinasabing ‘biktima’ at pamilya nito ay mariing itinatanggi na may naganap ngang ganoon.
Ang problema nga rito, marami nang gustong makisangkot at ‘makisawsaw’ sa isyu. Totoong karapatan ng bawat isa sa atin na magpahayag ng saloobin, magbigay ng komento, magpalabas ng opinyon. At ang karapatan ding iyon ang pinanghahawakan ni Willie sa kanyang mga binibitiwang pananalita nitong mga nakalipas na araw sa kanyang show, bilang pagsangga sa walang habas na pamumukol sa kanya.
Pero marami rin ang nagtatanong. Sino ba ang mga nagbibigay ng opinyon na ito laban sa TV host, at ipinagpapalagay na ang opinyon lang nila ang tama, at maling-mali ang kay Willie at sa kampo nito? May isa ba sa masa ang nagpahayag ng kanyang saloobin para sabihing mali nga si Willie at ang Willing Willie?
Lumalabas kasi na ang mga tumitira kay Willie ang mga taong hindi niya napapasaya, dahil hindi kabilang sa kanyang masang audience. Sila ang mga tinatawag nating mga elite o ang mga mayayaman na hindi nga natin alam kung nanonood ng Willing Willie. Sila rin ang matagal nang kalaban ni Willie na may ‘hidden agenda’ at mistulang gagatong sa mga opinyon kontra kay Willie para tuluyang magsiklab ang isyu at magliyab ang kinauupuan ng TV host.
Sabi nga, iilan lang naman ang bumubuo ng mga elitista, kumpara sa milyun-milyong masang Pilipino na mas naniniwala sa kanilang idolong si Willie. Wala itong pinag-iba sa kaso noon ni Erap Estrada na sa kabila ng walang tigil na pagtira ng kanyang mga kalabang elitista sa pulitika, hindi matatawaran ang suportang ibinigay sa kanya ng masa.
Sa ngayon, maaaring nagtagumpay ang mga bumabatikos kay Willie dahil pansamantalang ‘di umeere ang Willing Willie. Pansamantala. Hindi pa rin naman kasi tapos ang kaso. At nito ngang huling pagdinig sa kasong ‘Child Abuse’ laban kay Willie sa Movies and Television Review and Classification Board noong Miyerkules, ipinakita ng kanyang mga supporters na hindi nila iiwan sa laban ang TV host.
Kung ilang ulit na rin naman ‘nadapa’ si Willie. Tao lang naman siya, katulad din siya ng marami nating kababayan. Pero lagi’t lagi nang nakababangon si Willie, para patunayang wala siyang ginawang mali o masama.
Dahil ang tanging hangad lang naman ni Willie, mabigyan ng walang kapantay na kasiyahan ang pinakamaraming kababayan na kanyang maabot. Tanging layunin lang naman ni Willie ang mabigyan ng pag-asa ang mga mahihirap sa pamamagitan ng kanyang game show. Wala naman siyang ibang hangad kundi ang makatulong sa napakaraming taong naniniwala at nagtitiwala sa kanya, sa mga nagmamahal sa kanya, sa masang Pilipino na sumusuporta sa kanya.
At sa bandang huli, lagi’t lagi namang mananaig ang tama. ‘Yun ang pinaniniwalaan nating lahat, ‘yun ang malakas na pinaniniwalaan ni Willie Revillame.
Ni Danilo Jaime Flores
Parazzi Chikka
Parazzi News Service