WE HEARD na may humaharang daw sa pagbabalik-telebisyon ni Willie Revillame sa TV5. At may lumabas pang balita na nakikipag-usap daw ang sikat na TV host sa UNTV para roon gawin ang pagbabalik ng show na matagal na ring kinasasabikan ng kanyang mga fans.
Latest we heard, ayaw nang magsalita ng kampo ni Willie para hindi na gumulo pa kung anuman ang kanilang plano.
Totoo raw na gusto nang bumalik ni Willie sa TV sa September or October. Pero ang malaking katanungan nga ay kung saang TV network magaganap ang pagbabalik.
Samantalang itinanggi ng kampo ni Willie na nagbebenta ng kanyang bahay ang sikat na TV host. Kahit na nga raw hindi na bumalik sa TV si Willie ay hindi na ito maghihirap. Pero ang kagustuhan na makatulong muli sa mga fans at sa mga naghahangad na manalo sa contest ng isang TV show para magkaroon ng cash prize at magkaroon ng sariling tahanan ang gustong balikan ni Willie.
Samantala, ang bahay ni Willie sa Tagaytay City ang isa rin sa mga naapektuhan ng bagyong Glenda na nanalanta sa Luzon at Metro Manila noong nakaraang Wednesday. Natanggal ang bubong ng bahay ni Willie at pinasok ng tubig ang kanyang veranda.
Nang gumanda na ang panahon ay lumabas ng bahay si Willie para tingnan ang iba pang sinalanta ng bagyo sa nasabing lugar at binigyan niya ng pera ang lahat ng mga kababayan na nasira ang mga bahay para kahit paano ay mapaayos ito.
Pero ang ikinalungkot ni Willie ay ang sinapit ng 11-month old baby boy na namatay dahil nabagsakan ng hollow blocks sa loob mismo ng bahay sa General Trias, Dasmariñas City na tinanggihan ng isang private ospital.
Nanlumo si Willie nang mapakinggan sa radio ang balita na tumanggi ang ospital na tanggapin para bigyang-lunas ang sinapit ng kawawang baby boy dahil walang P5,000 na pambayad ang mga magulang nito. At ayon na rin sa report, namatay ang bata dahil naubusan ng dugo.
Dahil sa nangyari, pinahanap ni Willie sa kanyang mga tauhan ang kinaroroonan ng biktima at nang malaman ang tinitirhan ay pinuntahan niya para personal na makiramay. Natural na ikinagulat ng magulang ng bata ang pagdating at pakikiramay ni Willie.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo