MARAMING TUMAWAG SA amin nu’ng Martes ng hapon habang ginaganap ang SONA ni Pangulong GMA. Sa isang bahagi kasi ng SONA ay bingyan ng pagpapahalaga ang pagiging kampeon ni Manny Pacquiao, tumayo naman para yumukod-kumaway si Pacman, bilang tugon sa respetong ibinigay sa kanya.
Tawa kami nang tawa sa komento ng isang kaibigan naming tumawag, “O, nasa pundilyo na naman ni GMA si Manny, ano ba ‘yan? Noon, si Pangulong Erap ang nakasama niya sa GenSan, ano ba ito, namamangka siya sa dalawang ilog?” Tanong-opinyon ng aming kaibigan.
Ganu’n din halos ang naging komento ng iba pang nagtawagan sa amin, ano raw ba naman si Pacman, kabilaan? Saang partido raw ba siya tatakbo, manok daw ba siya nino?
Sa pagkakaalam namin ay inimbitahan si Pacman sa SONA para gawing ehemplo ng pangulo sa kanyang mga litanya. Ganu’n naman taon-taon, pinapupunta sa SONA ang mga kababayan nating umangat sa kanilang hanay, dagdag pogi points daw kasi ‘yun para sa gobyerno.
Sa pagkakatanda rin namin, nu’ng magpunta sa GenSan ang Pangulong Erap ay may litanyang binitiwan si Pacman, “Mas maganda na ang wala tayong kaaway. ‘Yun naman talaga ang palagi kong sinasabi tuwing lumalaban ako, magkasundo-sundo na sana ang mga pulitiko.”
Pero alam naming naniniwala si Pacman sa kasabihan sa mundo ng pulitika na kapag si Pangulong Erap ang kaalyado mo, sitenta porsiyento ka nang nakasisiguro sa boto ng mga kababayan natin, treinta porsiyento na lang ang kailangan mong pagtrabahuhan.
Nasa gobyerno nga raw ang pondo, pero kapag si Pangulong GMA ang nagtaas ng mga kamay mo, kiss of death ang kahulugan nu’n.
Puwedeng namamangka nga sa dalawang ilog ngayon si Manny, matatag ang kanyang disposisyong tumakbo, kaya lahat ng paraan na nalalaman niya para madali niyang masungkit ang inaasinta niyang posisyon ay gagawin niya.
NAGIGING PABORITONG PROGRAMA ngayon ng mga pulitiko ang Wowowee. Natural, gumagana ang mga pang-amoy ng mga nakapalibot sa pulitiko, alam nila kung anong show ang malakas at tinututukan ng ating mga kababayan, kaya ‘yun ang gusto nilang mabisita ng kanilang minamanok.
Deklarado nang tatakbo sa darating na halalan sina Senador Mar Roxas at Senador Manny Villar, pinakamataas na upuan sa bansa ang kanilang pag-aagawan, wala nang urungan ang kanilang plano at matira na lang sa kanila ang matibay.
Alam ng mga pulItiko na Wowowee ang pinakamabango at pinakamalakas na programa ngayon, kung ano meron ang programa ni Willie Revillame ang kailangan tuklasin ng tropa ng Eat… Bulaga kung bakit naitaob nito ang kanilang bangka.
Nu’ng una ay si Senador Mar Roxas. Sa Wowowee nila inamin ni Korina Sanchez na malapit na silang magpakasal, nu’ng Sabado naman ay si Senador Manny Villar ang nandu’n.
Binigyan ng sariling lupa at bahay ni Senador Villar ang anim na kalahok sa Willie Of Fortune, sila ang mga kababayan nating ulilang-lubos na, sila ang tumatayong poste ng kanilang pamilya.
Umuupa lang ng bahay ang lahat ng kalahok, kaya todo-todo ang kanilang iyakan nang magdeklara si Senador Villar na reregaluhan nito ng lupa at bahay ang anim na contestants, maraming puso ang nabundol ng pagmamagandang-loob ng mambabatas.
Ibang klase si Willie Revillame, dinarayo talaga ng mga pulitiko ang kanyang noontime show, inaasahan namin na sa susunod ay si Vice-President Noli de Castro naman ang magpupunta sa Wowowee para magbigay ng kanyang plataporma sa ating mga kababayan.
Sigurado ‘yun, si VP Noli pa ba naman ang kalilimutan ni Willie, samantalang ito ang asawa ng kanyang manager na si Tita Arlene Sinsuat? Huling kabit si Ka Noli, kung ano naman ang pinaplano nitong ipamahagi sa mga kalahok ng Wowowee, wala pang nakakaalam.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin