MATAGUMPAY ANG PAGBA-BALIK sa ere ng game show ni Willie Revillame na Wil Time, Big Time ng TV5. Matapos ang controversial issue na kinasangkutan ng sikat na TV host, on the go muli ito para magbigay-aliw sa masang Pilipino. Labis na ikinatutuwa ni Willie ang napaka-warm na pantanggap sa kanya ng publiko na ilang araw rin namang pinaghirapan at pinagpuyatan ng buong production staff and crew para lalong mapaganda ang pagbabalik ng kanilang show. Sulit naman ang pagod kahit almost midnight na natatapos ang writers at staff sa dry-runs para sa ikasisiya ng manonood.
Taos-puso ang pasasalamat ni Willie sa big boss ng TV5 na si Mr. Manny Pangilinan for all-out support sa show. Naramdaman ng TV host/comedian ang importansiyang ibinigay nito sa kanila. Kahit nga raw nawala on air ang Willing Willie for almost 2 months, tuloy pa rin ang suweldo ng buong production staff including the salary ni WR. Ipinangako ng controversial TV host na mas maiibigan ng viewing public ang bagong game show na fifty percent ay base on the led flooring to make it truly interactive tulad ng Red, White & Blue, Family Apir, Roll It at ang kanilang banner segment na Wil Time, Big Time.
Nilinaw rin ni Willie, the show follows all the guidelines para hindi na maulit ang sad incident na nangyari noon. Maligaya si Shalani Soledad at natapos na ang unos sa buhay ni Willie. Palaisipan pa rin kung totoo o hindi na may mutual understanding na namamagitan sa kanilang dalawa. Patuloy pa rin ang pagpapalipad-hangin ng magaling na komedyante sa co-host niya. Tinatanggap naman ng konsehala ng Valenzuela ang pilyong birong-totoo ni Willie. Pero teka, may tsikang nahuhulog na raw ang loob ng dalaga sa ginagawang panunuyo ng magaling na TV host. Ganu’n ?
AT LAST, UMAMIN din si Angel Locsin na seryoso siyang nililigawan ni Phil Younghusband. Sinabi ng dalaga, exclusively dating sila ng football player pero hindi pa raw niya sinasagot ito. Panay nga ang regalo ng binata sa kanya. Nagpapasalamat ang dalaga sa oras at panahon na ibinibigay nito sa kanya. Buong ipinagmamalaki ni Phil sa kanyang Twitter na madalas silang mag-date ng actress.
Nang dahil sa pagkakaugnay ng pangalan ni Phil kay Angel, mabilis lalo ang pagsikat nito. Tuloy, nawawala na sa eksena si Luis Manzano na dibdiban din ang ginagawang panunuyo sa dating karelasyon. Siyempre, over-react ang mga fans nina Angel at Luis, tipong malabo nang magkabalikan ang kanilang idolo dahil may Phil na ngayon sa buhay ni Angel.
May iniintriga ngayon kay Phil, kesyo hindi raw nagbayad ang mag-ina sa dati nilang inuupahang apartment bago nila ito nilisan. May tsika pa, ginagamit lang daw ng atleta ang actress para mapansin ng mga advertisers at kunin siyang endorser. Pangarap din pala ni Phil na mag-artista, ‘yun ang una niyang plano nang dumating siya rito sa ‘Pinas. Tipong magkakaroon ng katuparan ang kanyang mga pangarap sa tulong ni Angel Locsin kung totoo nga ang nasagap naming balita.
Huwag naman sanang gawing stepping stone ni Phil si Angel para sa sariling ambisyon. Wait na lang tayo sa mga susunod na pangyayari sa nakakaintrigang love affair ng dalawa. Abangan…
SUCCESSFUL ANG PAGPAPALABAS ng “Kinse” ANC, the ABS-CBN News Channel, sa Cultural Center of the Philippines Little Theater last May 19. Ang indie films na ito’y maninindigan para sa karapatang pantao. Gumawa ng tig-iisang maikling pelikula ang 15 filmmaker kabilang sina Erik Matti, Carlos Siguion Reyna, Raymond Red at Mark Meily sa layunin na ang iba’t ibang pang-aabuso na dinaranas sa ating bayan.
Kasama nilang magtatanggol sa karapatan ng mga babae, bata, katutubo at mamamahayag sina Auraeus Solito, Jim Libiran, Jon Red, Richard Somes, Ato Bautista, Kiri Dalena, Ray Gibraltar, Raymund Amonoy, Kidlat de Guia, Nico Puertollano at Paolo Villaluna. Nakilahok din sa proyekto sina Gina Alajar at Anne Curtis.
Sa Kinse, iba’t iba ang mensaheng makukuha sa mga obra. Sa “Batch 2011” ng Palanca-awardee na si Libiran, pinaaalala sa kasalukuyang henerasyon na ipagtanggol ang demokrasya. Nakipagtulu-ngan din ang ANC Springfilm Foundation sa The Embassy of the Kingdom of Netherlands para sa isang full length film tungkol sa human rights na idi-direk ng Dutch filmmaker na si Jocco Groen at ipalalabas ngayong taon. Magkakaroon din ng anim na parteng TV special ang Kinse sa ANC tuwing Lunes, 9:30pm.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield