WALANG BOSES, MASAKIT ang lalamunan, mataas ang temperatura at nanghihina. Ganu’n mismo ang pinagdadaanang situwasyon ni Willie Revillame ngayon, kaya wala siyang pamimilian kundi ang lumiban muna sa pagho-host ng kanyang numero unong noontime show na Wowowee.
Nu’ng mga nakaraang araw, nakikita na rin naming paubo-ubo si Willie sa Wowowee, pero ang kanyang kundisyon ay mas lumala nu’ng magpunta sila sa Baguio para i-shoot ang MTV ng kanyang piyesang Ikaw Na Nga, ang kantang ito ang nangunguna sa bentahan sa mga record bars.
Naambunan siya, magkahalong init at lamig ang sinagupa niya. Kaya nu’ng Lunes pa lang nang hapon pagkatapos ng kanilang MTV shoot, nakaramdam na siya ng pananakit ng kanyang mga kasu-kasuan.
Hindi na niya kinayang mag-show nu’ng Martes. Gusto ng kanyang isip na magtrabaho siya, pero talagang nanghihina na ang kanyang katawan.
Hanggang ngayon, wala pa rin siya sa Wowowee. Isang linggong pamamahinga ang gustong mangyari ng kanyang mga doktor sa St. Luke’s Medical Center. Posible siyang mag-report sa Wowowee bukas pero pagkatapos ng show, kailangan niya uling bumalik sa ospital.
Negatibo sa A (H1N1) si Willie, wala siyang dapat katakutan, pero hindi niya puwedeng tutulan ang payo ng kanyang mga doktor dahil ang mga ito ang totoong nakakaalam ng kanyang kundisyon.
Sa pagpapalitan namin ng text messages ni Willie dahil hindi nga siya makapagsalita, sinabi namin sa kanya na samantalahin na niya ang panahon para makapamahinga siya nang husto.
Nakalulungkot isipin, pero totoo, kundi pa siya magkasakit ay hindi pa siya magkakaroon ng pahinga. Para tuloy lumalabas na kailangan pa niyang magkasakit para lang tumigil siya pansamantala sa pagtatrabaho.
Lagi rin naming sinasabi kay Willie na tig-iisang buhay lang ang ibinigay sa atin, hindi ito isang bagay na kapag nawala ay puwede pa nating palitan ng bago. Mawawalan ng saysay ang kanyang tagumpay, milyones at mga ari-arian kung hindi niya pag-iingatan nang todo ang kanyang kalusugan.
NAPAKAGANDANG PAGMASDAN NG pamilya ni Cesar Montano habang magkakasama sila. Parang dalaga pa rin ang katawan ni Sunshine Cruz. Magaganda ang tatlo nilang anak na ang panganay ay plakado kay Sunshine ang hitsura. Ang pangalawa ay hati ang hitsura sa kanilang mag-asawa at ang bunso ay Cesar na babae naman ang dating.
Ayon kay Sunshine, gusto pa rin nilang makalalaki ni Buboy, pero hirap ito sa pagbubuntis. Tama na raw muna ang tatlo nilang anak na sa kalikutan ay para na rin silang may anak na lalaki ang katumbas.
Kumpirmado nang kakandidatong gobernador sa Bohol si Cesar, hindi kuwento-kuwento lang ang mga naririnig natin. Seryoso ang aktor-TV host na makapaglingkod sa kanilang mga kababayan sa Bohol.
Nagkakabiruan nga kami, kailangang karirin ni Cesar ang pangangampanya dahil matindi ang kanyang makakalaban, si Amay Bisaya na desidido na ring tumakbo sa Bohol.
Kung seryoso si Cesar, parang nag-iilusyon lang naman si Amay. Ayon sa komedyante, ang pagpapapatag daw sa Chocolate Hills ang magiging unang proyekto nito, saka ang pagpapagawa ng mga condo units para sa mga tarsier na sa mga puno lang naninirahan.
Ang mga Manhilot ay tubong-Baclayon, Bohol. Ipinagmamalaki si Cesar ng kanyang mga kababayan. Hindi rin nakalilimot sa kanyang pinanggalingan ang aktor-TV host na ang isang pruweba ay ang pagpoprodyus niya ng mga pelikulang lumilingon sa kultura ng mga Boholanon.
Gustong-gusto namin ang The Singing Bee, dinisenyo talaga para kay Cesar Montano ang nasabing programa, dahil isa siyang magaling na singer.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin