HELLO, PARAZZI READERS! ‘Andito na naman ang lola n’yo. Pagkatapos hindi palarin sa larangan ng pulitika ay back to normal na uli ang aming buhay. Ayaw na naming magreklamo kumba’t kami natalo. Ang importante, malaki ang natutunan namin sa pulitika.
At lagi naming iniisip na hindi naman ibibigay sa amin ni Lord ‘yan kung hindi para sa amin, at naniniwala rin kaming may maganda Siyang plano para sa amin. Baka ‘pag pinilit naman naming manalo, ibigay ni Lord, pero marami kaming kakaharaping problema, kaya iniiwas na lang Niya kami.
Dati nga, nu’ng 1989 nga, kung saan alalay pa kami ni Ate Cristy noon, tumakbo kaming SK chairman sa Sampaloc, Manila, natalo kami. Pero kaya pala kami natalo, eh, dahil iba palang landas ang gusto ni Lord na tahakin namin.
Kaya dito sa katatapos na eleksiyon, feeling namin, may plano na namang bongga si Lord para sa amin. Hindi man ‘yon dumating ngayon o bukas o next year, alam namin, darating at darating din ‘yan, ‘wag lang kaming maiinip.
Ang mga supporters namin ay nag-iyakan. Kami naman, niyakap na lang namin silang lahat, dahil wala rin naman kaming magawa. Hindi rin kami maiyak. Siguro, iiyak lang kami kung natalo na nga kami eh, wala pa kaming babalikang trabaho.
Buong-puso naming tinanggap ang pagkatalo at pagkatuto. Actually, kaya na naming pumasok bilang political strategist, dahil sa mga experiences namin, eh. Baka sa 2013, ‘yan ang pasukin naming trabaho, he-he-he!
Ang importante, wala kaming pinagsisisihan sa pinasok namin, bagkus nanganak pa ang aming karanasan sa buhay. Kaya kesa malungkot, umiyak, eh, move on na ang drama.
Kaya nga nagsusulat na naman kami, eh.
KAMI, NATALO LANG sa pulitika. Pero si Willie Revillame, parang gusto naming manghinayang para sa kanya. Alam n’yo kumbakit? Nanghihinayang kami, kasi, tila wala siyang good adviser na talagang magpapa-realize sa kanya na mali as in maling-mali ang mga moves niya lately.
Kung prinsipyo ang pinaiiral ni Willie – by saying, “’Pag hindi n’yo tinanggal si Jobert Sucaldito sa ABS-CBN, ako ang magre-resign!” – fine! Prinsipyo niya ‘yon, eh. Pero sa mga social networking sites, iilan lang ‘yung bumilib sa kanyang prinsipyo, eh. Lahat halos, ayaw na siyang pabalikin, dahil kung pababalikin pa rin daw si Willie, eh, ang mga tao na ang magagalit sa ABS-CBN sa pagto-tolerate ng ganu’ng klaseng tao.
Hindi po kami ang nagsabi niyan, ha? Ang mga umo-online. Kaya nakalulungkot, eh. Imagine, P25M to P30M ang kinikita niya buwan-buwan dahil sa Wowowee, tapos, dahil lang sa isang tao, bibigay ka?
Mas may karapatan sigurong magtampo kay Willie ang mga totoong nagmamahal sa kanya. Kasi, imbes na sila ang ina-appreciate eh, mas nagpapaapekto si Willie sa isang tao lang na nagbitaw lang ng opinyon eh, gusto na niyang ipatanggal sa ABS-CBN.
Para saan ‘yung sinabi ni Willie sa political ad ni Sen. Manny Villar na, “Senator, ‘di bale nang tayo ang sinasaktan, ‘wag lang tayo ang nananakit!” kung siya mismo, hindi niya kayang gawin ‘yong ipinapayo niya kay Villar?
Ang masaklap pa nga nito, si Willie pa ang sinisisi sa social networking sites kumbakit natalo si Villar.
ALMOST SOLD-OUT NA ang first solo major concert ni Vice Ganda sa Araneta Coliseum. At kung kelan malapit na, hagilap naman ng tickets ang mga kaibigan namin. Eh ano pa’ng ibibigay namin? Eh, heto nga’t pati nanay ko na gustong manood, hinahagilapan ko pa ng tickets?
May ibang tao na nagsasabing ba’t sumugal ang mga producer kay Vice, baka matalo?
Ba’t naman ang hindi? It’s about time. At may clamor naman, in fairness.
Naku, kung alam n’yo lang kung ilang gabi nang hindi pinapatulog ng concert na ‘yan si Vice sa kaiisip kung paanong masusulit ang ibabayad sa kanya ng mga manonood. Rehearse nang rehearse ang bakla at isip nang isip ng mga sariwang jokes.
Sa panahon ngayon na mainit ang panahon, nakasimangot na ang mga tao dahil sa hirap ng buhay, timing ang concert na ito ni Vice Ganda. I-try n’yo pa ring tumawag sa Ticketnet, baka may makuha pa kayo.
Ngayon pa lang, congrats kay Vice! Siya ang itinuring naming medalya, sa totoo lang.
Oh My G!
by Ogie Diaz