Willie Revillame, may patutsada na naman kay Joey de Leon – Cristy Fermin

ISANG GABI AY pinagpistahan ng mga kolehiyala ang kakaibang karanasan nila nu’ng minsang makaengkuwentro nila sa isang sosyal na mall ang guwapo at sikat na miyembro ng isang banda.

Natural, idolo ng mga kolehiyala ang naturang bokalista, kapag nagkakaroon ng show ang kanyang banda sa mga unibersidad ay tinitilian talaga siya ng mga kababaihan.

[ad#post-ad-box]

Nagtutulakan ang magkakasamang in fairness ay magaganda namang dalaga, gustung-gusto nilang lumapit sa bokalista para makapagpa-picture taking, pero nagkakahiyaan naman sila at walang may gustong mauna.

Nu’ng isang dipa na lang ang layo nila sa bokalista, sa pagtutulakan ng mga kolehiyala ay mukhang napalakas ang tulak sa isa nilang kasamahan, kaya halos masubsob na ito sa katawan ng sikat na bokalista.

Ang inaasahan ng mga bagets ay aakma ang bokalista na parang sasaluhin ang malapit nang masubsob na kolehiyala sa harapan niya, pero hindi ganu’n ang kanilang nakita.

“Parang tiningnan lang niya ang classmate namin, pairap pa, ha? ‘Yung parang naiinis siya, saka bigla siyang tumalikod,” bentilasyon ng sama ng loob ng isang kolehiyala.

Sayang daw dahil hindi naman sila ang nawalan, sinusuportahan kasi nila ang mga gig ng banda, sinusundan talaga nila ang mga shows ng sikat na bokalista.

Sa pakolehiyalang pagsasalita ng isang babae sa grupo ay sinabi nito, “Nakakainis, he’s so suplado. We don’t like him na.”

Malinaw naman ang kanilang punto, isnabero ang bokalista, kaya bakit pa nila susuportahan?

Pahabol pa ng mga kolehiyala, “Parang lumaki na ang ulo niya because of the hysteria, hindi maganda ‘yun. ‘Di ba, dapat, para siyang bamboo na habang tumataas, lalo siyang yumuyuko?”

Sapul!

MAKAHULUGAN ANG BINITIWANG salita ni Willie Revillame nu’ng isang araw nang magpasalamat siya sa napakataas na rating na nakuha ng Wowowee nu’ng nakaraang Lunes sa kanyang pagbabalik sa noontime show.

Ang rumehistrong rating ng Wowowee ay 32.3, 20.2 lang ang nakuha ng Eat…Bulaga!, malayo ang agwat, pang-primetime na ang markang nakopo ng show ni Willie sa ganu’n kataas na pigura.

Maiintindihan ang biglang pag-angat ng rating ng Wowowee, mahigit na isang buwang namahinga ang host ng show, kaya sa kanyang pagbabalik ay natural lang na masabik ang publiko.

Hindi man maaaring ipagmalaki at mapanghawakan na palaging ganu’n kataas ang rating ng Wowowee ay malaking bentahe nila talaga ‘yun, masarap na inspirasyon sa staff and crew ang ganu’n kagandang rating, lalo na ni Willie na parang kailan lang ay halos ipako na sa krus ng paghusga ng iba nating mga kababayan.

Sa pasasalamat ni Willie sa kanilang mga tagasuporta ay sinabi niya, humigit-kumulang, “Maraming-maraming salamat po, dahil hindi n’yo pa rin kami iniiwan. Ganyan talaga kapag nagso-show ka na walang sinisiraan, ‘yung wala kang sinasaktan.”

‘Yun lang ang sinabi ni Willie, pero sangkatutak nang tawag sa telepono ang natanggap namin, iba pa ang mga mensahe sa text na ang sinabi ni Willie ang paksa.

Sabi ng isang tumawag sa amin, “Sigurado, si Joey de Leon ang pinatatamaan niya. ‘yun naman kasing taong ‘yun, wala nang nakikitang maganda kay Willie! Para naman siya na ang pinakamagaling na TV host sa balat ng lupa!”

Maaasahan nang sa mga darating na araw ay mas mag-aalab pa ang inis ni Joey de Leon kay Willie, magpapatutsada na naman nang walang humpay ang thunder (matanda na) nang host ng katapat na programa ng Wowowee, peksaman.

At sigurado ring pagtatawanan na lang ‘yan ni Willie, alam niya ang kasabihan na ang pikon, talo!

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleParazzi Chikka: Vicki Belo at Hayden Kho, sa Teatrino naispatan
Next articlePinoy Parazzi Vol. II Issue #155

No posts to display