NAPAKABILIS ng mga pangyayari – Parang kailan lang ay napanood natin si Willie Revillame na inamin na nililigawan siya ng mga politiko para tumakbo sa Senado, pero mas pinili niya ang pagtulong sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang programang Wowowin. Siya ay pinalakpakan ng mga tagahanga niya at tumaas ang tingin sa kanya ng mga tao.
Noong Biyernes ay binasag na ni Willie ang kanyang katahimikan sa tsikang siya ay hindi na magrerenew sa GMA at lilipat diumano sa bagong istasyon na bubuksan ng kanyang matalik na kaibigan na si Sen. Manny Villar.
Nabigyan na ng linaw ang mga tsika dahil mismong si Kuya Wil na ang nagsalita sa huling episode ng Wowowin noong February 11. In-explain niya kung bakit siya nagdesisyon na hindi na pirmahan ang kontratang inilalatag sa kanya ng Kapuso network.
“Una for delicadeza. Magsho-show ako sa GMA, habang ako naman po ay nagpa-plano sa isang istasyon na kalaban ng GMA. Hindi ho tama ‘yun. Sa sobrang bait ho ng mga taga-GMA, sa sobrang bait ho ng pinakita nila sa akin, hindi ko ho magagawa ‘yun na tatraydurin ko sila.”
Patuloy niya, “Isipin n’yo for delicadeza at respeto kay Mr. Gozon, sa lahat dito. Nagsho-show ako araw-araw dito, pero after ko [mag-show] nagmi-meeting ako sa kabilang channel. Hindi ko kayang gawin ‘yun.”
Binasa rin niya sa ere ang kanyang sulat para kay GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon patungkol sa kanyang ‘life-changing’ decision.
“FLG [Atty. Felipe L. Gozon] nandito po ako sa sitwasyon ng buhay ko na may magandang opportunity na darating, na magiging parte po ako ng isang kumpanya na nandiyan po ako at nandiyan po ang aking kaalaman, which is TV broadcasting at entertainment.
“Hindi ko po kayang mag sinungaling sa inyo, kaya po ako sumulat at ipaalam sa inyo ang akin pong pinagdadaanan. FLG, sana po maintindihan n’yo na hindi po habang buhay ako ay haharap sa telebisyon bilang isang TV host.
“At ito pong pagkakataon na ito na dumating sa aking buhay ay isang pangarap. It’s a dream para sa isang taong katulad ko po na nagsimula sa industriya bilang naging drummer, naging extra.
“Hating-hati po ang aking damdamin at nararamdaman. FLG kung ano man po ang magiging desisyon ko, hindi ko po kayo makakalimutan sa aking buhay.
“Kayo po ni JRD [Gilberto Duavit, Jr.], FSY [Felipe S. Yalong], si Ma’am Annette [Atty. Annette Gozon-Valdes], si Sir Joey Abacan, si Reah, si Mitzi, si Miss Joy Marcelo, ang kanya pong mga staff, sales and marketing family, engineering people at sa lahat po ng mga kasama ko sa GMA.
“I don’t want to say goodbye, dahil sa industriyang ito, there’s always a welcome back.”
Ibinahagi din niya ang sagot ni FLG, na nagpapatunay na may respeto sila sa kanilang samahan.
“We understand and appreciate where you are coming from, there was no problem- big or small that we were not able to resolve to our mutual satisfaction. Hence, we have no rancor in accepting and respecting your decision,” ani Atty. Gozon sa kanyang sulat kay Willie.
Bago matapos ang finale episode ng Wowowin ay tinawag nito ang mga staff, crew at mga host na nakatrabaho niya sa loob ng anim na taon.
“Kung hindi n’yo kami sinuportahan, hindi n’yo kami minahal, wala hong programang Wowowin.”
Mula TV5 ay lumipat sa GMA si Willie Revillame simula noong 2015. Naging maayos ang partnership ng Wowowin team sa Kapuso Network kaya naman bittersweet ang hakbang na ito para sa mga viewers. Ang importante, may mutual respect pa rin sila para sa isa’t isa. Ipinangako din ni Willie na tutulungan niya ang mga taga-industrya na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa nangyari sa non-renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
“GMA, I love you. See you.” huling sambit ni Willie Revillame bilang isang Kapuso.