NAKAHARAP KAMI SA telebisyon, nakikita namin ang mga nagaganap sa Tayong Dalawa, pero hindi naman namin nananamnam ang mga eksena.
Ang dahilan, kausap namin sa telepono si Willie Revillame mula sa Seattle, Washington, ibinalita sa amin ng aktor-TV host na naging matagumpay ang show nila sa Tacoma Dome pero hindi pa siya makauwi agad.
Mula sa Seattle ay lilipad muna sila ni Tita Millie (Garfinkel, misis ng Immigration lawyer na si Attorney Michael) sa Los Angeles para sa kanyang interview sa sikat na manager-promoter-musikerong si David Foster.
Gaganapin ang kanyang panayam sa Kodak Center, nagkausap na sila ni David sa telepono at sinabi sa kanya nito na masayang-masaya ang sikat na manager-musikero sa nalalapit nilang interbyuhan, sa isang hotel lang sa LA sila pansamantalang titira kasama ang sikat na Italian tenor na si Andre Bocelli.
Nalaman din namin na puro private jet ang sinakyan ni Willie mula sa San Francisco papuntang Lake Tahoe, mula sa Lake Tahoe ay bumalik muna uli siya sa SanFo at lumipad uli papuntang Seattle, Washington na sakay ng private jet, ‘yun din ang sasakyan nila ng kanyang mga kaibigan papuntang Los Angeles para sa kanilang paghaharap ni David Foster.
Pinaghahandaan na ni Willie Revillame ang kanyang pagbabalik sa Wowowee sa Lunes, September 21, pagkatapos niyang mamahinga nang mahigit na isang buwan.
Sa show nila sa Tacoma Dome ay dumayo ang mga kababayan nating may edad na, naka-wheelchair ang mga ito kasama ang kanilang mga anak at apo, nagdatingan din du’n para manood ang mga special children na naging dahilan kung bakit napaluha ang aktor-TV host habang kinakanta niya ang “Unang Pasko.”
“’Yung mga bata na palagi siyang pinanonood sa TFC, talagang nagyayakapan sa kanya, ‘yung mga kababayan nating matatanda na, mahal na mahal nila si kuya.
“Sa ganu’n siya nagiging emotional, hindi niya na naman napigilan ang mapaiyak,” kuwento naman sa amin ng AP ng Wowowee na si Rackie Sevilla.
More showbiz news today by Cristy Fermin: Coco Martin, sobrang galing
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin