SA LIVE guesting ni Willie Revillame sa Startalk kamakailan, hindi maiaalis na may mag-isip na baka may negosasyon ngayong nangyayari sa pagitan niya at ng management ng GMA 7. Pero ayon sa TV host, naroon siya para sa birthday ng kaibigan si Lolit Solis na isa sa hosts ng nasabing talk show.
“Alam mo I’m a free agent, ‘ika nga,” sabi ni Willie. “Wala naman akong kontrata pa. Kung ano ‘yong magiging maganda offer at kung ano ‘yong magiging magandang programa na talagang puwede kong gawin, iyon ang gagawin ko. Mahirap magtrabaho ng pera lang. Hindi puwedeng pera lang tayo.”
Sa Startalk, first time na ipinakita ni Willie ang video ng kanyang ipinapagawang hotel sa Tagaytay. Ito raw ang kanyang pinagkakaabalahan nitong mga nakalipas na buwan.
“Maganda ‘yong hotel, talagang world-class. Mula sa kinatatayuan nito, makikita mo ang full view ng Taal volcano pati na ‘yong buong Taal Lake.”
Perfect daw ang nasabing hotel para maging wedding venue. Siya ba kapag ikinasal ulit, doon gaganapin?
“Hindi ako ikakasal, e. Bakit ba marunong ka pa sa akin?” napahalakhak na biro ni Willie. “Magpapakasal ka lang kapag sa tingin mo, heto na ang babae para sa buhay mo. I have two failed marriages, ‘no? Hindi naging successful,” pagtukoy niya sa marriage nila ng first wife niyang si Princess Punzalan, at ng ikalawa niyang napangasawa na si Liz Almoro. “So… siguro ‘yong pangatlo. ‘Di ba?”
Ikinasal na kamakailan ang ex-wife niyang si Liz Almoro sa actor-model na si Victor Aliwalas. Masaya raw naman siya para rito.
“Actually hindi ko nga alam na ikinasal siya, e. Nalaman ko lang sa balita. Natutuwa ako sa magandang pagpapalaki niya sa anak namin. Minsan nagkakausap nga kami ng anak ko. Ingglisero! Sabi ko sa kanya… huwag mo akong Ingglisin! Tinatanong ko halimbawa… where do you study? Sagot niya… in La Salle-Zobel. Nakakatuwa. Okey naman kami. Okey naman. Of course. May time naman para sa kanya. Kaya lang naging busy ako. At siyempre… I think they went to the States. Pagbalik naman nila, makikita ko rin ulit ‘yong anak ko.”
Happy ba ang puso niya ngayon? “Happy pati bird!” sabay halakhak na biro ni Willie.
“Wala akong lovelife ngayon. Alam mo naman ang katawan ko… pang-serbisyo lang ‘to. Serbisyong totoo! 24 Oras! O, ‘di ba?” biro pa niya.
Maraming intriga ngayon kay Willie. Lulong daw siya sa casino at natatalo hanggang 6 million pesos. ‘Yong pagka-casino, nasasa-tao ‘yon. Nag-i-enjoy ka, dapat alam mo ang limitasyon mo. ‘Di ba? Hindi ka naman… siyempre you have to learn your lesson, ‘di ba? Mahirap namang mag-casino nang wala kang pera at nangungutang ka. Magka-casino ka kapag nag-i-enjoy ka lang naman. Pero hindi naman ‘yon panghabambuhay. At saka pera ko naman ang ipinangka-casino ko. Pinaghirapan ko ‘yon. Ilang taon akong nagpapakahirap sa trabaho. Kaya walang masama kung sa ngayon e, i-enjoy ko naman ang pinagpaguran ko.”
E, ‘yong balitang naghihirap na siya at ibinibenta na ang kanyang mga properties?
“Ibinibenta ko na lahat! Katawan ko lang ang libre!” pagbibiro ulit ni Willie. “Marami akong naipundar na properties. ‘Yong iba rito, hindi ko napapakinabangan. Nagbabayad ka ng buwis. Mini-maintain mo.
“Kaya ibinibenta ko. Gaya ng Wil Tower, ibinenta ko kay Senator (Manny Villar). Kasi hindi ko maaasikaso. At saka hindi ko kaya dahil wala akong alam pagdating sa pagpapatakbo ng mall.
“Ngayon sinasabi nila… naghihirap na ako, dugyot na ako. Alam mo, hindi importante ang sinasabi ng ibang tao. Ang importante… kung ano ang estado mo. Kung ayos ka ba o hindi. Kahit anong sabihin nilang negative, tinatawanan ko na lang. Hindi mo na dapat pinapatulan ‘yon, e.
“Kasi… maayos naman ang buhay mo. Nakakatulog ka naman sa magandang bahay. Nakakapagmaneho ka naman ng magandang sasakyan. Nakakakain ka ng gusto mo. So, ibig ko lang sabihin… lahat naman ng ito ay komportable pa rin naman ako,” sabi pa ni Willie.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan