SA MGA KONTRATANG binabalangkas ng ABS-CBN na pinapipirmahan sa kanilang mga talents ay merong nakapaloob na bawal birahin ng isang Kapamilya ang kanyang kapwa Kapamilya.
Kapag ginawa mo ‘yun, lalo na kung manunulat ka o announcer, siguradong makakatanggap ka ng memo kundi man ipatatawag ka ng mga ehekutibo para paalalahanan-kastiguhin.
Inaabangan ng marami ngayon kung anong aksiyon ang gagawin ng tagapamuno ng FM station ng ABS-CBN sa isa nilang deejay na patagilid na umupak kay Willie Revillame sa himpapawid?
Patagilid, dahil hindi direktang pinangalanan ni Martin D si Willie sa kanyang litanya, pero para naman siyang pako na nakatago nga ang katawan pero nakalitaw naman ang kanyang ulo.
Sinabi ni Martin D sa kanyang programa sa DWRR na matagal na raw silang iniimbitahan para maglaro sa Wowowee, pero hindi sila pumapayag, dahil nabastos na sila sa noontime show.
Pero dahil nabasa raw niya sa mga pahayagan nu’ng Sabado nang umaga na hindi pa pala babalik si Willie sa programa ay pumayag sila, nu’ng nakaraang Sabado ay naglaro nga ang mga FM deejays sa Wowowee.
Nagtaka ang isang staff ng Wowowee sa kaplastikan ni Martin D, dahil nu’ng huli pala silang maglaro sa programa ay dumaan pa sila ni China Heart (isa ring deejay ng station) sa dressing room ni Willie, nagpasalamat daw ang dalawa sa TV host.
Kapamilya si Willie, Kapamilya rin si Martin D, isang istasyon lang ang kanilang pinaglilingkuran. Napakahalay nga namang mapakinggan na mismong Kapamilya pa ang umuupak sa kanyang kapwa Kapamilya rin.
Hindi magiging mapakla sa panlasa ‘yun kung mula sa ibang istasyon ang maglilitanya, pero galing mismo sa isang kasamahan pa naman sa network, mali ang venue.
Mula mismo sa isang taga-DWRR, “Talaga namang maangas ‘yang si Martin D, porke datihan na siya sa station, maliit ang tingin niya sa mga baguhang kasamahan niya.
“Ginagamit niya talaga ang mga programa niya sa personal niyang interest, kapag ayaw niya sa singer, nagko-comment siya, dati na niyang ugali ‘yan!” sabi ng source mula mismo sa FM station ng Dos.
Hindi kasi kami nakikinig sa DWRR, ang tinututukan namin ay Energy FM (Huwag mong sabihing radyo, sabihin mo, energy! E-N-E-R-G-Y!), type na type namin ang atake ng kanilang deejays lalo na si Mr. Fu.
Kaso ni Katrina Halili, binasura
HINDI na namin kailangan pang makausap nang personal si Katrina Halili para lang maramdaman namin ang kanyang depresyon sa pagkakabasura ng piskalya sa kasong libelong ihinain niya laban sa ina ni Dr. Hayden Kho.
Kung matatandaan, nu’ng kasagsagan ng isyu tungkol sa mga naglabasang sex videos ng doktor kung saan isa siya sa mga babaeng napanood ay sinabi ng ina ni Dr. Hayden Kho na siya ang nagturo-naglulong sa doktor sa paggamit ng droga.
Nagpa-drug test si Katrina, negatibo ang resulta, pero paulit-ulit pa ring sinabi ni Mrs. Irene Kho na siya ang dahilan kung bakit nalulong sa ipinagbabawal na gamot ang anak nito.
Pero ayon sa piskalya ay walang masama sa sinabi ng ina ni Dr. Hayden, pagdedepensa lang daw ‘yun ng ina sa kanyang anak na winawasak noon ng masasakit na salita, wala raw sinabi ang ina ni Dr. Hayden na kalibe-libelo.
Tuloy, hindi natin masisisi ang kampo ni Katrina Halili kung isipin man nila na sa mundong ito ay mahirap talagang maging mahirap.
Ang inaabangan ngayon ng marami ay ang kasong isinampa rin ng sexy star laban kay Dr. Hayden sa Department of Justice. Ano raw naman kaya ang magiging tsansa niya du’n?
Tulad kaya ng kasong isinampa niya sa Quezon City ay mabasura rin ‘yung sa DOJ?
Parang nakikinita na namin ang palihim na pagngiti ngayon ng kontrobersiyal na doktor.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin