MAGMULA NANG umere sa TV ang Wowowin ni Willie Revillame, hindi pa ito nakaranas na maputol sa ere, dahil lagi naman silang on-time na nagsisimula at nagtatapos. Sa kontrata kasi ni Willie na pinirmahan sa GMA 7, bawal na bawal ang mag-overtime, kailangang tapos ito sa itinakdang oras.
Pero last Sunday, July 12, for the first time, nakaranas na pinutol sa ere ang Wowowin, dahil nag-overtime ito sa isang oras na airtime.
Pagkatapos kasi ng opening dance number, wala na sina Kylie Padilla at Winwyn Marquez na parang hinayaan ni Willie Boy na walang script ang show, dinumog siya ng audience, namigay ng pera, cellphone, at TV na kanyang iniendorso. Kumakanta siya at ang contest lamang niya ay ‘yung ‘Bigyan Ng Jacket’ bago ang ‘Will Of Fortune’.
Ang TV show ni Willie sa Kapuso Network ay naging venue ng iba’t ibang kuwento ng buhay ng mga contestant na madaling nakahihingi ng tulong pinansyal. May ilang marriage proposal na rin na nangyari sa show at noong Sunday nga, kinuha pa siyang ninong sa kasal ng nag-propose sa show na isang American sa Filipina girlfriend nito.
Habang nagsisimula pa lang ang Will of Fortune, naputol na sa ere ang show dahil pumasok na ang anime ng GMA 7 na sinundan ng pilot telecast ng Alamat.
For sure, kahit na off-the air na ang show ay patuloy na namigay ng grasya si Willie sa mga taong nasa loob ng studio. Hindi lang namin alam kung sumama ang loob ni Willie sa ginawang pagputol sa kanyang show last Sunday. Matatandaan kasing minsan na ring nangyari ito sa show niya sa kabilang network na pinutol dahil nag-overtime siya at tila ikinatampo ng TV host/ actor.
Anyway, sa mga sumusubaybay ng Wowowin, iisa ang kanilang sinasabi at himutok. Bitin daw sa oras ang TV show. Well, sa isang banda, mas mabuti na rin ‘yung kahit isang oras kada Linggo, may TV show si Willie Boy. Kaysa naman tuluyang walang Willie Boy na magbibigay ng grasya sa mga avid fans at mga tagasubaybay, ‘di ba?
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo