SA ISANG PAPER clip pala nagsisimula ang Maalaala Mo Kaya. At si Willie Revillame ang dahilan kung bakit napuputol bigla ang closing credits ng drama anthology kung saan ipinakikita ang mga larawan ng tunay na mga taong nasa likod nito.
Nakakatawa, pero, totoo. Ito ang kuwento sa likod ng madadramang episode ng pinakamatagumpay na panoorin sa Kapamiya network may 18 taon na ngayon ang nakararaan. Kahit nakaugalian ng panoorin ng mga televiewers tuwing Biyernes ng gabi, sinusundan pa rin kahit inilipat na ito tuwing Sabado.
“Noong bago pa lang ako at pinag-iisip ng magiging titulo ng isang drama anthology na puwede nilang i-produce para sa akin, napipisil-pisil ko ang paper clip na iyan. Isang ordinaryong object na may nababalot na kuwento,” ani Madam Charo Santos-Concio sa isang pocket interview.
“Unang naglaro sa isip ko ang Among My Souvenir. May nagsabing ‘eto na lang at mas maikli. Memories. Ang sumunod na suggestion, nauwi sa Maalaala Mo Kaya. Isang simpleng episode nina Robert Arevalo at Romnick Sarmenta na pinamagatang Rubber Shoes ang nakagiliwang panoorin ng televiewers at idinerek ni Maning Borlaza. Walang budget iyon. Pulot-pulot lang ang mga props, ganu’n din ang mga taong tumulong sa script, production design, etc. na priniview ni Mr. Freddie Garcia, ng sales team, at marami pang iba. Tumulo ang kanilang mga luha at nasabi nila agad. Marunong na raw akong mag-produce,” dagdag ni Charo.
Heto na ngayon ang simpleng babae at produkto ng MMK at president na ng network. Puwede na niyang talikuran ang drama anthology, pero hinding-hindi siya papayagan ng mga televiewers na sumuporta sa kanya sa loob ng 18 taon. Kaya’t magpapatuloy siya for the next 18 years or more.
Si Madam Charo nga raw ang makapupuno sa pagka-uhaw ng mga taong “who love to cry” after watching a TV show.
Si Willie naman daw at ang laging pag-oovertime ng Wowowee ang dahilan kung bakit late na rin kung umpisahan ang MMK at minanadali na ang closing credits nito. Are you reading, Mr. Wowowee?
Limang espesyal at malalaking kuwento ang inyong matutunghayan sa buong buwan ng Agosto. Sa unang Sabado, mapapanood ang pagda-drama ni Comedy Queen Ai-Ai delas Alas at ni Erich Gonzales. Abangan na lang natin ang mga nakalinya pang naggagandahang episode, kasama na roon ang pagbabalik ni Giselle Toengi sa telebisyon.
BULL Chit!
by Chit Ramos