TAMA ANG BULONG ng aming impormante nu’ng nakaraang linggo pa na sa pagbabalik ni Willie Revillame sa Wowowee pagkatapos mamahinga nang mahigit na isang buwan ay pupunuin ng iba’t ibang grupo ng mga Ati-Atihan ang palibot ng gusali kung saan nandu’n ang studio ng noontime show.
Mahigpit ang imbitasyon ni Willie na sana’y masaksihan namin nang live ang kanyang pagbabalik, pero mas ginusto naming tumutok sa bahay na lang, dahil sa isang libo’t isang dahilan.
Parang fiesta ang pagbubukas ng kuwadro, nagsasayawan ang sangkatutak na dancers, pistang-pista rin ang tanawin sa pag-indak at pag-ikot-ikot ng mga miyembro ng Ati-Atihan.
Pero nang iluwa ng entablado ang bida ng programa ay biglang naging emosyonal ang manonood. Habang tinutugtog ang mabagal na bersiyon ng himno ng Wowowee sa komposisyon ni Lito Camo ay sinikap na ikutin ni Willie ang buong studio.
Kitang-kita ang kasabikan sa kanya ng ating mga kababayan, mahihigpit na yakap ang sumalubong sa kanya, kasabay ang paghalik at pagbubunyi ng studio audience sa kanyang pagbabalik.
Sa ayaw at sa gusto ng mga kababayan nating mas ikaliligaya ang hindi pagtungtong uli ni Willie sa entablado ng Wowowee ay wala na silang magagawa, mas nakaaangat ang bilang ng mga may gustong bumalik na sa programa si Willie, “you cannot argue with success” na lang ang tanging paliwanag na makatatapat nu’n.
Maipapasok din ang argumento ng mayorya at minorya sa kaso ni Willie, kahit saang labanan naman ay talo talaga ng mas nakararami ang kakaunti lang, kaagapay ni Willie ang mga advertisers at ang mismong network kaya hanggang sa pag-iling na lang ang magagawa ng mga taong umaayaw sa kanya.
Sa punto ng mga advertisers, ang paniwala nila ay si Willie ang pinakaepektibong tagapag-endorso ng kanilang mga produkto, at sa panig naman ng network ay isang gansa na nangingitlog ng ginto sa ngayon si Willie kaya kahit merong mga umaayaw ay mas nangingibabaw ang importansiya ng negosyo para sa istasyon.
SUPORTADO SI WILLIE kahit ng mga advertisers nu’ng Lunes nang tanghali. Nandu’n ang mag-inang Dra. Vicki Belo at Cristalle na sa pagbagsak at pagbangon ay totoo namang nandiyan lang sa tabi ng aktor-TV host at hindi nagbabago ang timpla ng pagmamahal at tiwala sa kanya.
Nandu’n din si Mr. Ben Chan na sa itinayong mga billboards para kay Willie ay nakaaaliw ang nakalagay, “Wil be back. You can’t put a good cologne down,” si Willie ang Wil at ang cologne namang tinutukoy ay ang kanilang produkto na araw-araw na ipinamimigay ni Willie sa Wowowee.
Ang mga pula at puting t-shirts naman na suot ng studio audience ay ipinagawa ni Enrico Roque, ang batambatang negosyanteng may bodega ng pagsuporta kay Willie, pero kailanman ay hindi mo makikita sa studio dahil tahimik lang ito sa kanyang pagsuporta.
Sa kanyang pahayag sa kalagitnaan ng programa ay markado para sa amin ang kanyang pasasalamat sa direktor ng kanyang programa, “Mr. M, Direk Johnny Manahan, ikaw lang ang nag-iisang nagtanggol sa akin, hindi ko ‘yun malilimutan, Direk. Maraming-maraming salamat.”
Nu’ng kinakalampag kasi ng mga negatibong pagpuna si Willie ay si Direk Johnny Manahan lang ang nanindigan na hindi kasalanan ni Willie ang naganap nu’ng inililipat ang bangkay ni dating Pangulong Cory Aquino, ang mali ay ang nagpasok ng video sa Wowowee, ang katwiran ng direktor ay walang magaganap na ganu’n kung walang isiningit na video.
Natural, sa isang mundong umuurong ang dila at nababahag ang buntot ng lahat ay lulutang at mangingibabaw ang isang sisigaw na may paninindigan, ‘yun si Direk Johnny Manahan para kay Willie Revillame.
Ibang-iba talaga ang Wowowee kapag si Willie ang tumutimon sa programa. Magagaling ang kanyang mga co-hosts, lalo na si Pokwang na ginagawa ang lahat-lahat para huwag maging malayo ang pagkukumpara sa programa kapag nandu’n o wala si Willie, kaya kung anu-anong kagamitan ang sinusunong tuwing sumasalang ito.
“Nandito na uli ako, magsasama-sama na tayo hanggang sa kamatayan!” pahayag ni Willie na sinundan ng sigawan at palakpakan ng studio audience.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin