GUSTO NA raw tutukan ni Willie Revillame ang iba’t ibang klaseng negosyo nito pagkatapos ng kanyang kontrata sa TV5 ngayong darating na October 15, 2013.
Pero ang show na Wowowillie ay hanggang October 12, 2013 lamang, araw ng Sabado. Matapos daw nito, magpapahinga muna siya ng tatlong buwan habang pag-iisipan ang mga offer na ‘magpasaya ng tao’.
Kuwento ni Willie sa InterAksyon.com last June 3, “Basta ang nasa isip ko ngayon ay magpahinga muna. Kung ano man magiging offer, pag-aaralan ko. Kapag hindi ko gusto, hindi ko pupuntahan.”
Habang nasa bakasyon, aasikasuhin ni Willie ang pagpapalago ng kanyang mga negosyo.
Lahad pa niya, “Sa mundong ito, dapat meron kang alam sa business. Katulad namin, kapag wala ka na, what’s next? Maghihintay ka na lang ng tatawag sa ‘yo, magte-taping ka, mahirap. May mga namamatay na artista na walang-wala, ni pambili ng kabaong wala. Dapat marunong kang mag-manage ng sarili mo.”
Sabi pa ni Willie, kahit sinasabing hands on siya pagdating sa kanyang mga negosyo, dapat din daw marunong kang magtiwala sa mga tao pagdating sa pera para daw lumago ang negosyo at para na rin makatulong sa ibang tao. Ito raw ang pinakasusi niya sa kanyang tagumpay.
Lahad pa nito, “Hindi na ako naghahangad ng mga sobra-sobra. Sapat na sa akin ‘to. Ang attitude, you’ve gone a long way, pero dapat hindi ka nagbabago. Kuntento ako sa ganito, kapag may dumating na mas maganda, tatanggapin mo. Kung wala, ayos na ako rito.”
“Ano namang gagawin ko sa maraming pera kung mamatay na ako. Nabibili ko naman ang gusto ko, eh. Ito sapat na sa ‘kin ‘to. Kumita lang ako nang tama, natutulungan ko mga kasama ko, ayos na ‘to.”
Sa ngayon, pinamamahalaan ni Willie ang WiRe, ang mother company na nagmamay-ari ng Wil Productions at Wil Tower Mall.
Ang isa pa niyang kumpanyang WilFly ay nagpaparenta ng 30-seater jet sa halagang $5,000 per hour. Hindi pa raw nakababawi ang kumpanyang ito sa $5-million investment nila sa pagbili ng naturang eroplano, pero kumikita naman daw ito sa ngayon ng P3-4 million bawat buwan.
Sinabi rin daw ni Willie na pinaplano na rin nilang bumili pa ng isang eroplano na nagkakahalaga ng $11 million.
Sa ngayon, nag-i-invest din si Willie sa isang boutique hotel sa Tagaytay na may 35 hanggang 30 kuwarto na nakatakdang magbukas sa susunod na taon.
Meron din daw siyang mga time deposits at investments sa mga high end properties, taliwas sa kanyang trabaho na pang-masa.
Kuwento pa niya, “This is not all business for me. It is coming from the heart. ‘Yung 40th floor [of Wil Tower], ibibigay ko ‘yun sa mga tao na when I was down, they were there for me. Papaayos ko ‘yun at ireregalo ko sa kanila. Ito ‘yung mga taong ipinaglaban ako.”
Kahit na raw matagumpay siya sa kanyang mga business ventures, sinabi nitong ang kanyang totoong business ay showbiz.
Pahayag niya, “I invested my life here, ‘yung pagkatao mo… Ang laging nag-aangat sa akin, tao eh, publiko.”
Sinabi pa nitong umaabot sa halos P600,000 to P700,000 ang ginagastos niya araw araw para sa pagpapatakbo ng Wowowillie.
Iniisip na rin daw niya kung paano matulungan ang kanyang mga staff pagkatapos ng show sa Oktubre. Saad niya, “Kakausapin ko sila muna, ‘yung iba, if they want to stay with me, kung kailangan ng trabaho, bibigyan ko sila.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato