HALATANG TYPE na type ni Willie Revillame ang 2011 Ms. Olive C Model Search winner na si Rohama Rearte, dahil nang minsang maglaro ito sa Wil Time Big Time ay kitang-kita na gandang-ganda ito sa beauty queen.
Tsika nga ni Rohama, sobrang bait daw si Willie na inalok pa raw siyang bumalik sa show niyang lumaban sa pageant na kanyang lalahukan ngayong Oktubre.
Kung sa bagay, knowing Willie, may mata talaga siya sa beautiful girls at may potential na makilala sa mundo ng showbiz, katulad ng kanyang discovery na sina Luningning, Milagring, Congrats, atbp.
DESIDIDO TALAGA si Kuya Germs Moreno na mag-undergo ng medical procedure para lumiit ang kanyang tiyan at ang Belo Medical Group ang napili nito para mapabilis ang pagliit ng kanyang tiyan.
At kahit nga hindi naman ganu’n kalakihan sa personal ang tiyan ni Kuya Germs, nalalakihan ito sa tuwing makikita niya ang kanyang sarili sa TV, dahil alam naman nating nagdadagdag tayo ng 10 pounds sa TV, kaya naman daw ‘di nagdalawang-isip si Kuya Germs na lumapit sa Belo Medical Group para tulungan siya.
Gusto raw ni Kuya Germs na sa kanyang selebrasyon para sa kanyang 50th showbiz anniversary next year ay maliit na ang kanyang tiyan. Bukod sa balak nitong maglalabas ng coffeetable book, may TV special pa siya sa GMA-7.
Isa rin sa aabangan kay Kuya Germs ay ang kanyang bagong indie film entitled Talo, Tabla, Panalo with Mr. Eddie Garcia at Ms. Gloria Romerio at ang pagbibigay nito ng kanyang German Moreno Youth Achievement Awards sa FAMAS 2012 kina Daniel Padilla, Jessy Mendiola, Enrique Gil, Edgar Allan Guzman, Derrick Monasterio, Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin.
DREAM COME true raw para kay Kylie Padilla ang kanyang role sa bagong proyekto nito sa GMA primetime soap na Haram, kasama sina Dingdong Dantes, Kristoffer Martin, Neil Ryan Sese, Teejay Marquez, Mark Gil, Julio Diaz, atbp. at sa direksiyon ni Maryo Delos Reyes.
Matagal-tagal na raw kasing
gusto ni Kylie na gumanap na Muslim sa isang malaking proyekto dahil in real life ay isa siyang Muslim. Tsika pa ni Kylie na sisiguraduhin niyang wala siyang malalabag na paniniwala sa kanyang relihiyon sa paggawa ng Haram.
Alam naman daw niya ang mga bawal at hindi dapat gawin, kaya naman babasahin niya nang paulit-ulit ang kanyang script nang sa ganu’n ay alam niyang wala siyang malalabag sa kanilang paniniwala. Very thankful nga raw siya sa pamunuan ng GMA-7 at sa GMA Artist Center sa pagbibigay sa kanya ng magagandang proyekto .
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon at sa unang anibersaryo ng Pinoy Explorer, nakasama ni Aga ang kanyang buong pamilya sa pag-e-explore sa Australia. Family bonding ang naging trip ng Pamilya Muhlach.
Sama-sama silang nag-whale watching. Inakyat din nila ang Blue Mountains gamit ang Skyway at cable car. Pinasok ni Aga ang Jenolan Caves, ang sinasabing pinakamatandang kuweba sa buong mundo. Ang bibong kambal na sina Atasha at Andres ang nagsisilbing tour guide sa loob ng kuweba. Mukhang meron nang papalit sa trono ni Aga bilang host ng programa.
Napuntahan din nina Aga ang Chocolate Company kung saan magkatulong ang mag-inang Charlene at Atasha sa paggawa ng chocolate. Ang mag-amang Aga at Andres naman ang kumain ng mga chocolate na nagawa nila. Finally, nasubok ang tibay ng pagmamahalan nina Aga at Charlene nang mag-rapel sila sa isa sa mga cliffs ng Blue Mountains.
John’s Point
by John Fontanilla