GINANAP NA ANG ground breaking ng ipatatayong gusali ni Willie Revillame na halos katapat lang ng audience entrance ng ABS-CBN. Wala nang makapipigil pa sa kanyang pangarap na magkaroon ng building na ang ibaba ay pauupahan niya at ang labing-apat na palapag naman ay magiging opisina, studio, sinehan kasama na ang basketball court sa rooftop.
Ngayon pa lang, napakarami nang negosyanteng nakikipag-usap sa tagapamahala ng building para sa intensiyon nilang umupa sa ground floor ng gusali.
Mga kilalang bar at restaurant ang mga nauna nang nagpareserba ng puwesto sa Wil Theater Mall. Patok na patok nga naman sa building ni Willie ang ganu’ng klase ng negosyo dahil napakaraming tagahanga ang nagpupuntahan sa ABS-CBN para manood ng mga live shows.
Natural, hindi manonood ang mga kababayan natin nang gutom, kaya bago pumasok sa bakuran ng istasyon ay kakain muna sila. Negosyo talaga ang inisip ni Willie nang makipag-usap siya sa kanyang arkitekto.
Tapos na siya sa kanyang mga luho, huminto na muna siya sa pagbili ng magagarang sasakyan, todo-trabaho siya ngayon dahil hindi biro-biro ang halagang sangkot sa pagpapagawa niya ng pinapangarap niyang gusali.
“Dati, patingin-tingin lang ako sa mga nadadaanan kong building. Natutuwa akong tingnan ang mga nagtatayugang buildings, lalo na sa Makati, iniisip ko rin kung ilang taon kaya bago natapos ‘yun.
“Ngayon, ako na mismo ang magpapagawa ng building, tututok na ako sa construction, negosyo ito,” simulang pahayag ng Papi ng bayan.
May studio sa gusali na ilalaan sa ilang live shows ng ABS-CBN, magkakaroon din si Willie ng sinehan kung saan puwedeng ganapin ang mga premiere night, concerts, talagang kumpleto ang ipinadi-disensyo niyang gusali.
“Matagal naming inupuan ng architect ko ito. Gusto ko kasi, since magpapatayo ka na rin lang ng building, ‘yung kumpleto na talaga. ‘Yung nandu’n na ang lahat ng gustong makita ng mga kababayan natin.
“Malaki ang aabutin, kaya todo-trabaho ako ngayon, kailangang matapos ang building sa target date namin. Kakayanin naman, basta tuloy-tuloy lang ang trabaho.
“Gusto kong du’n na kami mag-Pasko ng buong staff ko, ng mga kaibigan ko. December next year ang tina-target namin. Para masaya ang Pasko, para malaki ang place para sa Christmas party,” kuwento pa rin ni Willie.
Walang dudang matatapos ang pangarap niyang gusali sa takdang panahon. Basta naman nakahanda ang budget ay walang problema, walang aberya sa construction.
SA TANONG KUNG hindi ba siya nalulula sa mga oportunidad na dumarating sa kanyang buhay ngayon? Kaswal na sumagot ang host ng Wowowee. Ramdam mong masayang-masaya siya at gusto na niyang makitang nakatayo ang gusali. Pero sa kanyang pagkukuwento, parang isang ordinaryong pangyayari lang ‘yun sa kanyang buhay.
“Hindi ko alam na magkakasunod-sunod ang magagandang pangyayari sa buhay ko. Pinaghihirapan ko ang lahat ng meron ako ngayon, pinaghirapan ko at pinaghihirapan pa rin hanggang ngayon.
“Pero parang panaginip pa rin kasi, e. Basta malalaman mo na lang, nandiyan na. Napakalaki ng dapat kong ipagpasalamat sa Panginoon, sobra-sobra ang ibinabalik Niya sa akin.
“Malaki ang participation dito ng mga tagasuporta ng Wowowee, kung wala silang sumusubaybay sa show, wala rin ako sa ABS-CBN ngayon. Marami akong pinasasalamatan, hindi dapat ibigay ang credit sa isang tao lang, maraming tumulong sa akin para matupad ang mga ganitong pangyayari,” kaswal na pahayag ni Willie.
Ganu’n kapag umikot ang gulong ng buhay, nakagugulat, parang agos ng tubig ang daloy ng biyaya sa panahong hindi natin inaasahan.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin