AT LAST, NAGSALITA na si Willie Revillame tungkol sa tunay niyang saloobin sa pamunuan ng ABS-CBN. Alam nating masakit para sa kanya ang pagkawala sa ere ng kanyang Wowowee at palitan ito ng Pilipinas Win Na Win nina Kris Aquino at Robin Padilla as hosts. Ilang buwang nanahimik, walang kasiguruhan kung babalik pa siya o hindi sa ABS-CBN. Ipinaliwanag ng TV host kung ano talaga ang napagkasunduan nila ng Kapamilya network
“Nagpatawag kami ng presscon para malaman ninyo ang totoong pangyayari sa buhay ko, sa programang Wowowee. Pinag-isipan ko itong mabuti, ipinagdasal ko…” sey ni Willie.
Matunog kasi ang balita nu’n na babalik na sa ere si Willie last July 31. Laking-gulat ng publiko na PWNW na ang pinalit sa kanyang programa. “Ang totoo po n’yan babalik na po ako noong July 31 sa Wowowee. Tinawagan ako, nai-announce na yata sa ibang staff na ako’y babalik na. Masaya ang staff, naging okey naman sa feedback. Ngayon, may meeting ako kay Ma’am Charo Santos, the President of ABS-CBN nu’ng Tuesday. Nag-meeting po kami sa opisina ni Ma’am Charo at 6 o’clock ng hapon. Sa pagkakaalam ko, tapos na ang lahat, magbabalik na ako ng July 31 at hihingi na lang ako ng isang meeting kay Boss Gabby (Lopez). Nagyakapan pa kami ni Ma’am Charo at July 31 na usapan, babalik na ako. July 30 tinawagan ako, may kaba na ako. Ang sabi sa akin, ‘Okey lang ba sa ‘yo na once a week ka na lang sa show? O kaya magkaroon ka ng show sa Studio 23. Nagulat ako, parang lahat ng inisip kong idea, lahat ng pinaglaanan ko ng panahon na ikabubuti nitong Wowowee ay nawala, naglaho nang sinabi sa akin. Ang tanong ko, bakit? Anong nangyari? Marami pang ayaw na bumabik ka. Hindi po ako naninira, never kong sasabihan na masama ang ABS, na napakasakit ng ginagawa ninyo sa akin,” pahayag ni Willie.
Nagdesisyon si Willie na tuluyan nang lisanin ang Kapamilya network at tapusin na ang kontrata sa kanila. “Nagdesisyon na ako, ito na ang panahon para magdesisyon sa buhay ko. Ang gusto ko lang gawin sa buhay ko ay magpasaya araw-araw. Sa inyong lahat, sa mga taong nahihirapan din sa istasyon ng ABS-CBN sa aking pagbabalik. Ako po’y nagpapaalam na sa ABS-CBN. Ako po, tinatapos ko na ang kontrata ko sa ABS-CBN na naging Kapamilya ko. Wala po akong masasabing masama sa kanila…”
Ipinaliwanag ni Willie ang mga kadahilanan kung bakit puwede na siyang kumawala sa kontrata nila ng Dos – ang pag-kansela ng network na umano’y una nilang kasunduan na ibabalik siya sa Wowowee, pero ang nangyari one hour show ang ipapalit dito.
Ipinamahagi rin ni Willie ang liham niya kay ABS-CBN Chairman Gabby Lopez. Nakadetalye dito ang mga puntos kung bakit sa kanyang opinyon ay maari na niyang talikuran ang kontrata sa istasyon. Kabilang na ang suspension na walang bayad, pagkansela ng programa na wala siyang kinalaman, ang pagbawas sa kanyang TV exposure, ang maglalagay sa kanya sa provision na walang kasiguraduhan ng kanyang pagbabalik na dahilan para mabawasan ang kanyang endorsement na parte ng kita niya sa programa.
Binanggit din ni Willie ang umano’y sadyang pagsira sa kanya ng network sa pamamagitan ng pag-ere ng nakasisira sa kanyang imahe. Ayaw na niya ng demandahan, hindi na raw niya hahabulin ang multi-million share niya sa ABS-CBN. Sana daw pakawalan na siya ng network.
Agad namang nagbigay ng statement ang management ng ABS-CBN tungkol sa pagre-resign ni Willie, sa TV Patrol last Monday. Nilinaw ng network na hanggang September 2011 pa matatapos ang kanyang kontrata.
Nilinaw ng ABS-CBN na nakatali si Willie Revillame hanggang September 2011. Nilabag daw nito ang probisyon sa kontrata ng pagbantaan niya ang pamunuan ng ABS-CBN. Nakita ito ng publiko bilang kawalan ng respeto at pagiging arogante na mga salita na hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino.
Si Willie ang lumabag sa kontrata, wala umanong karapatan siya na basta na lang talikuran ito. Ang kontrata ay kasunduan na dapat bigyan ng kaukulang respeto ng dalawang partido. Sabi pa ng kompanya, ang ABS-CBN ang naagrabyado kaya ito rin ang may karapatan na magdesisyon kung itutuloy ang kontrata o hindi. Inuulit ng ABS-CBN na dapat gampanan ni Willie ang kanyang obligasyon na nakasaad sa kontrata na magtatapos sa September 2011.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield