Willing Willie, inirereklamo na ng mga motorista!

UMAANGAL NA ANG iba’t ibang transport group at maging ang mga pasahero ng mga biyaheng Novaliches, Quezon City. Napapadalas daw kasi ang sobrang traffic kung gabi sa tapat ng TV5 sa Quirino Highway, San Bartolome, dahil sa dami ng mga taong nasa tapat ng compound ng nabanggit na istasyon. At ibinubunton nila ang sisi sa programang Willing-Willie at sa host nito na si Willie Revillame.

Last week, dalawang magkasunod na gabi raw na inabot ng alas-dos ng madaling-araw bago nawala ang traffic. ‘Yong mga commuters na galing pa sa trabaho mula Makati at iba pang lugar sa Metro Manila, madaling-araw nang nakakauwi. Apektado ang mga ito dahil kinabukasan ay maaga na namang gigising for another day of work. Konting oras na lang daw ang kanilang itinutulog dahil sa late na ngang nakakauwi kaugnay ng binubuno nilang matinding traffic sa pagbiyahe.

‘Yong ibang driver nga ng pampasaherong FX at jeepney, nagpaplano na nga umanong maghain ng reklamo sa TV5. Nais umano nilang tawagin ang pansin ng pamunuan ng nasabing network para aksiyunan ang perhuwisyong dulot ng halos gabi-gabing pagbabara ng trapiko dahil sa kapal ng mga nagsisipilang gustong makapasok sa Willing Willie.

May mga nagagalit na nga kay Willie. Nakakatulong nga raw ang programa nito sa ilang mahihirap nating kababayan.  Pero may mga napeperhuwisyo rin naman daw dahil nga sa trapik na dulot ng sandamakmak na pumipilang naghahangad na suwertehing manalo ng mga papremyo sa show.

In fairness kay Willie, hindi naman siguro dapat na sa kanya magalit ang mga umaangal dahil sa halos gabi-gabing sobrang pagtatrapik sa area na tapat ng TV5. Hindi naman kasi niya kontrolado ang situwasyon particularly ‘yong pagbuhos ng mga taong pumipila at gustong magbaka-sakaling maambunan ng magandang kapalaran.

At siguro rin naman, gagawa ng hakbang ang management ng TV5 hinggil dito. Siyempre, hindi rin naman siguro gugustuhin ng mga ito na ulanin sila ng reklamo.

Naman!

SA NOVALICHES DIN kami umuuwi. Nai-experience din namin ang heavy traffic kapag pauwi na kami. Hatinggabi na, talagang usad-pagong pa rin ang andar ng mga sasakyan kapag malapit ka na sa may TV5.

Pero ang naobserbahan namin, hindi naman ang mga taong magdamag na pumipila hanggang umaga ang cause ng heavy traffic. Mismong ang mga driver din naman kasi ng mga pampasaherong jeep at bus ang may kasalanan kung bakit nagbabara ang daloy ng trapiko.

Pagtapat kasi nila sa TV5 kung saan maraming tao, sila mismo ang humihinto at halos ayaw nang umandar. Na para bang inuusyoso ang dami ng mga nakapilang tao. O baka naman iniisip din nilang may mapipik-ap silang pasahero.

Eh, nando’n nga ang mga tao para magpaumaga na sa pila. Hindi ba naisip ng mga driver ng mga pampasaherong bus at jeep na kahit maraming tao eh, walang sasakay kasi mga pumipila ang mga tao roon na mag-i-stay hanggang kinabukasan na?

Kaninong kasalanan ngayon ang pagbabara ng daloy ng traffic sa tapat ng Channel 5?

NAGTATAKA SI ERICH Gonzales kung  bakit   may   isyung   dine-dedma raw niya si Empress Schuck sa show nilang Shout Out.  Tinatawanan na nga lang daw nilang dalawa ang tungkol dito kasi wala naman daw dapat ipang-intriga sa kanila. Wala naman daw anumang problema sa pagitan nila.

“We were okay,” aniya nga. “Not only with Empress but within the rest of the group,” mga iba pang kasama nila sa kanilang grupo na kinabibilangan nina Kim Chiu, Melisssa Ricks, Beauty Gonzales, at Kitkat.

May isyu rin na insecure din umano siya kay Kim. Bakit nga ba may gano’n?

“Hindi ko po alam. Wala pong katotohanan iyon. Kasi magkakaibigan po kami.”

Si Enchong Dee na identified bilang ka-loveteam niya, napapabalitang may special someone na itinuturing nitong inspirasyon sa ngayon. Siya kaya iyon?

“Kami po ni Enchong, magkaibigan lang po talaga kami,” pagdidiin ni Erich.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleNyoy Volante, sinupalpal si Nina!
Next articleMarian Rivera, napikon kay Cristy Fermin?!

No posts to display