NANG UNANG MARINIG ko ang pelikulang Tumbok at si Cristine Reyes ang bida ay agad naming inakala na ito ay isang sexy movie. Title pa lang kasi intriga na. Para bang sounds like ‘tambok’. At saan ba ginagamit ang salitang tambok? Sa kipay, ‘di ba?
Upo kami noon sa isang sulok ng presscon at maya-maya, ipinalabas na ang trailer. Presto burado ang nilalaman ng malikot naming kaisipan. Ang ‘tumbok’ palang tinutukoy ay ang kantuhan ng bahay, kung saan pinagmumulan diumano ng kamalasan.
Isang sikat na manghuhula ang tinanong namin tungkol sa tumbukan ng isang bahay. “May dala talagang malas kapag ang isang bahay ay tinutumbok ng isa pang kanto pero may panlaban diyan, Pwedeng basagin ang kamalasan ng isang ritwal na ang dapat gumawa nito ay ang may-ari ng bahay at ‘yung pinagpapakitaan.”
Hindi kami naniniwala sa multo at masamang espirito pero kumbinsido kami na ang pelikulang Tumbok ni Cristine Reyes ay isang pelikulang magbubukas sa ating imahinasyon tungkol sa mga kaluluwang-ligaw.
Pero teka, sa ibang pakahulugan, natumbok na kaya ni Rayver Cruz si Cristine? Naikanto na ba ng aktor ang dalaga? Haha ha! Sa May 4 po, sama-sama nating panoorin ang Tumbok ni Cristine Reyes. Tsuk!
PRANGKAHAN. MARAMI ANG hindi naniniwala kay Elizabeth Oropesa at nagsasabing nagha-hallucinate lang ang aktres at drama lang nito na siya ay nakakagamot?
Totoo. Maging si Elizabeth ay iwas ding pag-usapan ang kanyang kakaibang kakayahan. Ni ayaw niyang isa-isahin ang mga taong “napaga-ling” niya ang karamdaman dahil feeling ng aktres ay isang malaking kasalanan kung ipangalandakan niyang may supernatural healing power siya.
Matagal na rin ang kuwentong ito nang minsang dalawin namin siya sa kanyang clinic. Biglaan ng pagdalaw na iyon kaya sa labas nang nasabing “pagamutan” ay marami kaming pas-yenteng nakausap na halos lahat ay nagsabing nakakapag pagaling nga si La Oro.
Pagpasok pa lang namin sa clinic ni Oro ay sinalubong na niya kami. “Sinabi niya agad sa akin na may problema ako sa aking bato at puso. Tinitigan namin ang aktres dahil ang pinunta namin noong oras na iyon ay interview at wala akong balak magpagamot.
Prangkahan. Bilib kami kay La Oro dahil tama ang sinabi niyang may sakit nga kami. Pero ang tanong namin, paano niyang natukoy ang aming pansariling problema samantalang ni isang tao ay wala kaming pinagkuwentuhan. “Alam mo Morly, alam kong mahirap paniwalaan pero may extra vision ang aking mga mata. Nakiktia ko ang kaloob-looban ng isang tao nang wala akong ginagamit na aparato. At iyon ang dahilan kung bakit marami ang naniniwala at gumagaling sa mga nagagamot ko.”
Bata pa lang daw si Elizabeth, dama na niya ang kakaiba niyang healing power. “Inilihim ko ito maging sa pamilya ko, kasi natatakot ako na baka isipin na nasisiraan na ako ng ulo. Pero habang itinatago ko ang kakayahan kong ito, naghihirap naman ang aking kalooban dahil hindi ko natutulungan ang mga taong alam kong kaya kong gamutin ang kanilang pakiramdam.”
At iyon daw ang dahilan kung bakit lumantad na si La Oro. “Ang sabi ko sa sarili ko, bahala na. Ang importante ay makatulong ako at mawala ang bigat sa aking dibdib.”
Bukod sa natural power, nag-aral din si La Oro sa iba’t ibang bansa ng mga “kakayahang” hindi para sa mga ordinaryong doktor o albularyo. “Iba itong healing power ko. Iba itong ginagawa ko, wala itong masamang side effect dahil walang involve na drugs.”
Bilang artista, masaya si Elizabeth na humarap sa kamera. Pero kakaibang saya naman daw ang nararamdaman niya kapag nakakapag pagaling siya ng mga taong wala nang pag-asa.
KUNG ITUTULOY NG TV5 ang balak nilang ilagay sa noontime slot ang programa ni Willie Revillame, malamang mawala sa nasabing TV network sina Vic Sotto, Joey de Leon at maging si Ryan Agoncillo na pawang taga-Eat Bulaga. Ang usap-usapan kasi ay itatapat ng Singko ang show ni Willie sa mga programang Eat Bulaga ng Siyete at ng Hapi Yipee Yehey ng Dos.
Ayaw magbigay-komento nina Vic, Joey at maging si Ryan sa usaping paglipat ng time slot ng Willing Willie, pero isa sa mga taga-Eat Bulaga ang nagsabi sa amin na handa naman daw ang nasabing programa na tapatan sila nang kahit na anong programa at hindi na ito bago pa sa kanila. “Pero ang tanong dito, nasaan ang respeto?
Hindi pa ganu’n kalinaw kung matutuloy ang paglipat ng time slot ng Willing Willie. Pero ang kumpirmado, lalo na namang pinag-usapan ang TV5 dahil sa pagiging kontrobersyal ng show at ng host nito mismo. Tsuk.
Personal: Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga kapitbahay namin sa Mithi St., Tondo, Manila at sa mga taga-Gate 13 Parola Comp., Tondo dahil sa suportang ibinigay nila sa amin sa aming taunang Pabasang Bayan. Maraming maraming salamat po.
More Luck
by Morly Alinio