KUMPIRMADONG DARATING SA bansa si Yilmaz Bektas next week upang bawiin kay Ruffa Gutierrez ang custody ng kanilang anak na sina Lorin at Venice. Ayon sa ating source, darating daw ang Turkish businessman kasama ang abogado nito upang ihain ang reklamo laban sa dating Miss World Second Princess.
Base sa nakalap nating balita, hindi raw nagugustuhan ni Yilmaz ang mga publisidad na naglalabasan para kina Lorin at Venice. Dahil ang nais daw ng nasabing businessman ay maging pribado ang buhay ng mga anak at hindi maging public property na tulad ni Ruffa.
Darating daw si Yilmaz dala ang mga ebidensiyang magpapatunay na “sumira” si Ruffa sa nauna nilang napagkasunduan, kung saan ay hindi masasangkot sina Venice at Lorin sa mga gawain at usaping showbiz.
Sa kabilang banda, hindi pa man nakakaapak ng bansa si Yilmaz, handa na ang pa-milya Gutierrez sa posibleng mangyari. Wala umanong dapat ikatakot ang angkan ni Ruffa dahil bukod sa minahal,inaruga at pinag-aaral sa isang exclusive school sina Venice at Lorin, hindi naman daw ginawang artista ang mga ito o nagkaroon ng exclusive interview sa kahit na kaninong reporter or show.
Ayon sa aming source, tiyak na mabibigo lang si Yilmaz sa balak nilang pagbawi sa custody nina Lorin at Venice, dahil bukod sa menor de edad ang mga bata na dapat ay nasa ina ang pangangalaga, mabibigo itong mapatunayan sa korte na ang magkapatid ay nawalan ng privacy dahil sa showbiz. Tsuk!
HINDI KO MAINTINDIHAN kung bakit ang Pilipinas Got Talent ay parang habang tumatagal ay nagiging worse, as in basura. Wala kaming komento kina Ai-Ai delas Alas at Kris Aquino, maging kay Mr. Freddie Garcia bilang mga hurado. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung ano ba talaga ang gustong palabasin ng staff sa kanilang show. Wala ba silang ginagawang audition at nakakalampas ‘yung mga contestant na nagmumukhang kaawa-awa dahil sumasalang nang hindi nila alam ang kanilang gagawin o wala naman silang talent na ipapakita?
Last week, napanood ko ‘yung matandang nag-arnis de mano, na sa simula’t simula pa lang, iyon at iyon na ang ipinakikita hanggang sa matapos. Maging yung isang contestant na ang kanyang kakantahin ay hindi niya kabisado? O ‘yung baklang kumain at nahiga sa bubog na sa halip na makapagbigay-kasiyahan sa mga manonood ay nagsilbing nakaririmarim.
Tanong ko lang, hindi ba ini-screen ng Pilipinas Got Talent ang kanilang mga contestant? Wala ba silang ginagawang dry-run bago nila isalang ang kanilang mga kalahok? Alam kaya ng bumubuo ng Pilipinas Got Talent o ng Channel 2 na hindi na nakakatuwa ang kanilang show, dahil sa ginawa nilang kahabag-habag ang mga taong nagnanais na manalo? O wala na silang konsensiya at ang gusto nila ay tumaas lang ang rating ng kanilang show?
Sa director, creative consultant at buong staff ng Pilipinas Got Talent, hindi ko po kayo inaaway, bagkus ay nais lang naming kunin ang inyong atensiyon para mas mapaganda ang show ninyong nabubulok na! Maawa naman kayo sa aming mga mahihirap, ‘wag n’yong gawing katawa-tawa at kahabag-habag ang aming kahinaan sa pera.
HONESTLY, BILIB KAMI kay Camille Prats sa Munting Heredera. Bagay na bagay ang role niya bilang si Sandra. Keri ng aktres ang role na naapi at patuloy na inaapi ni Katrina Halili (Lynette). Maging si Gloria Romero (Doña Anastacia), bongga rin sa kanyang role si Ynez Veneracion (Claire), huwag isnabin dahil magaling na rin siyang semi-kontrabida. At si Mark Anthony Fernandez (Jacob), akma rin sa kanya ang role.
Kaya lang, pagsama-samahin man ang acting ng mga batang sina Mona Louise Rey (Jennifer), Barbara Miguel (Calilla), at Kyle Ocampo (Michelle), ‘di sasapat kung ikukumpara kay Xyriel Manabat na bida sa 100 Days To Heaven bilang batang si Coney Reyes (Ana Manalastas). Para ka-sing mga robot ang tatlong bata sa nasabing soap opera ng Siyete, unlike Xyriel na talagang mararamdaman mo ang lalim ng kanyang potential para maging tunay na aktres someday. Kaya naman sa ratings, waging-wagi ang nasabing show ng Dos.
Anyway, nasulat ko ang tungkol sa Munting Here-dera, dahil napansin ko na habang gumagaling si Camille sa pag-arte, ang kuya naman niyang si John Prats ay parang napako na lang sa kung anong meron siya 15 years ago. Hindi na lumago ang kakayahan niya sa pag-arte. Walang kalalim-lalim at kung magpatawa man ay korni. Bukod pa sa dumarami ang mga fans at reporters na nagsasabing mayabang na ngayon ang dating mabait na aktor.
More Luck
by Morly Alinio