LIGTAS PA bang magpunta sa mga naglalakihang mall at iba pang mga pampublikong lugar at pasyalan sa Pilipinas? Marami kasi ngayon ang nangangamba na hindi malayong mangyari sa atin ang trahedya na naganap sa Paris, France nito lamang nakaraang Sabado.
Ang mga magkakasunod na ginawang pag-atake ng mga terorista sa bansang ito ay nagbunga ng mahigit sa isang daang katao ang namatay at ‘di bababa sa dalawang daang mga nasugatan. Ayon kay Pope Francis, maaari na itong ituring na signos sa posibleng nalalapit na ikatlong digmaang pandaigdigan o World War 3.
Isa na nga itong World War-Terrorism kung ituring ng Vatican City. Hindi lang naman kasi isang isolated case ito, dahil maraming bansa na rin ang dumanas ng ganitong karumal-dumal na terorismo. Hindi naman natin malilimutan ang kagimbal-gimbal na 9-11, kung saan ay pinabagsak ng mga terorista ang twin tower ng World Trade Center sa New York, USA. Libu-libo ang namatay at kabilang na rito ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa New York na hindi nakaligtas sa karahasang ito.
Maging dito sa Pilipinas ay mayroon na rin naging mga serye ng pag-atake ang mga terorista na kadalasan ay sa Mindanao nagaganap. Ngunit noong panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Joseph Estrada ay naganap ang tinaguriang “Rizal Day bombing” sa Metro Manila.
Pinasabog ang isang bagon ng LRT habang may lulan na ng mga pasahero, isang public bus, at ilang lugar sa Kamaynilaan. Marami rin ang namatay ay nasugtan. Sadya yatang napakahirap tukuyin ang pag-atake ng mga terorista sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Paano nga ba ito bibigyang-solusyon?
MALAKING HAMON para sa pamahalaan ang bigyang-seguridad ang mga bisitang darating sa bansa ngayon 2015 Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit. Mayroon kasing 17 heads of state na darating sa bansa, kabilang na ang itinuturing na pinakamakapangyarihang tao sa mundo na si President Obama.
Bukod pa sa mga heads of state ay mayroong ilang libong delegado rin ang dadalo mula sa iba’t ibang bansa. Gaano nga ba kahanda ang ating sandatahang lakas at paano nila pinaghandaan ang seguridad ng mga dadalo sa APEC?
Huwag lang sanang mamalasin ay duda ako sa kakayahan ng PNP at AFP para pigilan ang isang pag-atake mula sa mga terorismo. Wala naman kasi akong nababalitaan na paghihigpit at screening sa mga taong papasok ng Metro Manila mula sa Mindanao o karatig-bansa.
Matagal nang napapabalita na mayroong kuta ang mga terorismo sa Maguindanao, Sulu sa Mindanao. Ang pagkakasawi ng 44 Special Action Force (SAF) members sa Mamasapano ay konektado sa misyong paghuli sa dalawang most wanted terrorists ng FBI sa America.
Mayroon ding natukoy na tila isang paaralan o training center ng mga terorista sa paggawa ng mga bomba. Nangangahulugan na hindi malayong sasamantalahin ng nakapasok at nagtatagong mga terorista sa bansa ang kahinaan ng PNP at AFP sa panahon ng APEC.
Tila hindi rin masyadong nakikita ang presensya ng mga sundalo sa kalsada ngayon panahon ng APEC. Hindi ba dapat ay nagdagdag sana ang PNP at AFP ng kanilang mga tao na kakalat sa Kalakhang Maynila man lang sana bilang reaksyon sa naganap na terorismo sa Paris?
ANG TANGING naging malinaw ay ang paglalaan ng special lane sa EDSA at pagsasara ng Roxas Blvd para sa mga delegado ng APEC. Marami rin mga nakakalat na MMDA traffic officers para siguraduhing malinis ang daraanan ng mga lider ng iba’t ibang bansa. Pero nasaan ang mga sundalo at pulis na pipigil o reresponde sa mga terorista kung magkakataon?
Kadalasan, kung may ganitong terorismo sa ibang bansa ay nagkakalat din ng mga pulis sa mga shopping malls at naghihigpit ang mga guwardiya. Ngunit tila walang ganitong hakbang at paghihigpit. Palagay ko ay nakatutok ang lahat sa APEC.
Ang problema ay paano kung sa mga shopping malls umatake ang terorista? Handa ba ang PNP at AFP dito? Makabubuti sigurong tayong mga mamamayan na ang mag-ingat para sa ating mga sarili sa panahong ito dahil walang oras ang gobyerno sa atin, dahil sa APEC.
Dapat ay iwasan muna natin ang mga shopping malls at iba pang mga pampublikong lugar habang nagaganap ang APEC. Tiyak na mata-traffic din naman kayo kung lalabas pa kayo sa kalsada para mamasyal. Mabuti nang tiyakin ang ating kaligtasan sa loob ng ating mga tahanan.
Ang terorismo ay isang problemang pangdaigdigan. Walang lahi at bansa ang pinipili ng mga terorismo. Malalim at hindi rin matukoy ang pinakaninanais ng mga terorismo kung bakit nila ginagawa itong mga pagpatay at pananakit sa mga inosenteng tao. Tila ang kalaban ng terorismo ay ang bawat buhay mismo na ipinagkaloob ng May Kapal sa lahat.
Laban na nga ito ng mabuti sa sukdulang kasamaan. Hindi rin natin natitiyak kung isang mortal na tao nga ang kalaban natin sa likod ng terorismo. Maaari kasing isang masamang espirito itong nagtatago sa likod ng isang mortal na tao na nagpapalipat-lipat lamang sa iba’t ibang katauhan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo