AKALA KO matapos sorpresang bisitahin ni Pangulong Noynoy ang NAIA Terminal 1 pagkatapos itong mabansagang world’s worst airport kamakailan, ito ay magkakaroon na ng malaking pagbabago.
Pero noong Biyernes bago mag-Pasko, pumunta ako ng Singapore at ang NAIA Terminal 1 ang aking ginamit. Ang una ko agad na napansin pagpasok ko pa lang dito ay ang temperatura na medyo may kainitan. Kapansin-pansin din ang pagpapaypay ng ilang naiinitang mga pasaherong nakaupo sa passenger lounge pagkalampas ng immigration malapit sa banyo ng mga lalaki.
Pagpasok ko ng banyo, agad kong napansin ang dalawang cubicle na hinarangan ng isang map at timba. May mga mahahabang yellow tape din na nakabalandra sa mga pinto nito na nagsasaad na hindi puwedeng gamitin dahil out of order – animo’y isang crime scene ang dating.
Ang natitirang cubicle na para sa mga disabled ay puwede namang gamitin pero wala nga lang itong ilaw at madilim. Pagkatapos kong gamitin ang isa sa mga urinal, may pumasok na isang Amerikano at dumiretso sa cubicle ng mga disabled. Ngunit ilang segundo lamang, narinig ko ang sigaw niyang “shit” at sabay eskiyerdang palabas.
Kinausap ko ang janitor at sinabi niyang sira raw kasi ang kisame at pinagpaplanuhan na ang pagpapa-renovate dito. Hindi ko maintindihan kung ano ang koneksyon ng pagkaka-out of order ng mga cubicle sa banyong iyon sa sirang kisame. Hindi na ako nag-usisa pa.
Paglabas ko ng banyo, sa may hallway, narinig ko ang isang babae na nag-aalok ng massage sa mga naglalakad na pasahero. Sinabihan ko siya na nais kong magpamasahe. Sumunod ako sa kanya kasama ang aking misis papuntang second floor, kung saan naroroon ang massage center.
Pagsakay namin ng elevator una kong napansin na ito ay parang elevator sa mga lumang Chinese restaurant sa Ongpin. Pagdating namin sa second floor, bumungad sa amin ang isang kusina. Tinahak namin ang kusinang iyon hanggang sa marating namin ang massage center na may kaharap na isang maayos na restaurant. Naalala ko tuloy ang mga eksena sa mga gangster movie na ang mga mafioso ay dadaan muna sa isang magulong kusina bago marating ang tago nilang luxury hide-out.
Pero masasabi ko namang nakakabawi ang NAIA Terminal 1 sa mga taong nagtatrabaho rito. Mula sa security sa pinto hanggang sa check-in counter, maging sa mga counter para sa tax at terminal fee at immigration counter, pati na sa pre-boarding area, lahat sila ay mga magagalang, palangiti at bakas sa kanilang mga mukha ang handang tumulong sa pangangailangan ng mga pasahero.
Paglapag ko ng NAIA Terminal 1, pagbalik ko ng bansa noong Martes, kabaligtaran naman ang ayos ng banyo dito, kumpara sa pre-departure. Malinis ang banyo, kumpleto ang pasilidad at maayos. Kapansin-pansin pa ang isang flower vase na punong-puno ng mga bulaklak na nakapuwesto sa tabi ng lababo.
Pagdating ng mga turista sa NAIA Terminal 1 papasok ng bansa, maaaring wala silang masasabi dahil maayos ang banyo at iba pang pasilidad dito. Pero paano pag-uwi nila gamit pa rin ang NAIA Terminal 1 sa pre-departure – na para sa akin ay mas importante na pagandahin dahil mas maraming oras ang ginugugol ng mga pasahero rito sa pag-antay ng kanilang mga flight – at mapapansin nilang bulok ito?
Shooting Range
Raffy Tulfo