HINDI KAMI NANINIWALA na pinatawan ng suspensiyon ng ABS-CBN si Willie Revillame. Malayo sa katotohanan ‘yun kung ang opinyon namin ang hihingin.
Una, imposibleng hindi ilabas ng network ang balita ng suspensiyon kung totoo nga, paniguradong ilalabas ‘yun ng istasyon sa mga panahong ito na inuupakan si Willie sa mga blogs at Internet.
Masyadong balat-sibuyas ang Dos sa mga ganitong bagay, malaking porsiyento ng kapalaran ng kanilang mga artista ang nakasalalay sa kung ano ang mga mensaheng tinatanggap nila sa publiko, totoo man ‘yun o purong imbento lang naman.
Kung toong sinuspinde nila si Willie, siguradong mabilis pa sa alas kuwatrong isasahimpapawid ‘yun ng network para palabasin nilang hindi kinakampihan-kinukunsinti ng pamunuan ng istasyon si Willie.
Pagdating sa aspetong ‘yun ay isang libo’t isang kuwento ang maibabahagi namin sa publiko, busog na busog ang aming memorya kung paanong basta na lang sinuspinde ng istasyon ang kanilang mga kontratadong personalidad, kung sabay-sabay na lulundag ang mga taong ‘yun ay baka magkaroon ng lindol sa bakuran ng Dos.
Hindi siya sinuspinde, kusa ang ginawang pamamahinga ni Willie, walang dokumentong ihinain sa kanya ang network para huwag nang mag-report muna sa Wowowee.
Malalim ang dahilan kung bakit hindi na muna nag-show si Willie, meron siyang pagkandiling hinahanap na hindi pa niya nakikita hanggang ngayon, masuwerte si Willie dahil may isang Direk Johnny Manahan ang ABS-CBN na nanindigan tungkol sa tunay na naganap nu’ng August 3 sa Wowowee.
NU’NG NAKARAANG MARTES habang pinanonood namin ang Wowowee ay may napansin kami. Parang may kaluwagan ang malaking studio ng noontime show. Parang maraming espasyong bakante.
Nasanay na kasi kaming makita ang studio ng Wowowee na siksikan, ‘yung halos parang sardinas na sa maliit na lata ang manonood sa kanilang pagdidikit-dikit, isang eksenang hindi namin nakita nu’ng Martes nang tanghali.
Magagaling ang mga co-hosts ni Willie, maraming salamat sa talento nina Pokwang, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion at RR Enriquez, dahil sa panahong wala ang main host ay ginagawa nila ang lahat para maitawid nang maayos ang programa.
Pero tama ang kutob namin, isang taga-ABS-CBN mismo ang tumawag sa amin pagkatapos ng Wowowee, maraming TFC subscribers pala ang hindi na tumuloy manood at ipinamigay na lang ang hawak nilang ticket.
“Kahit ang pila, maigsi lang, samantalang kapag nasa show si Willie, tulakan ang nangyayari, nag-uunahan sa pila ang mga tao,” eksaktong pahayag ng aming kausap.
Isang source naman ang nagkuwento na para lang dumami ang audience ng Wowowee ay dumating na ang produksiyon sa puntong nag-iimbita na ang mga ito ng manonood mula sa mga depressed areas na nasa palibot lang ng ABS-CBN.
Sa madaling salita, hakot ang malaking porsiyento ng mga nanonood ng Wowowee mula nu’ng Lunes nang hapon nu’ng mapabalitang hindi muna magso-show ang mahal nilang host.
Nu’ng nakaraang Sabado ay napanood pa namin ang pagsisiksikan ng audience ng Wowowee sa pag-asang nandu’n pa si Willie, pero nu’ng lumabas na sa mga pahayagan na hindi na muna siya magre-report sa kanyang programa ay kumalog na ang studio.
Lalo kaming naniwala sa senaryo nu’ng tumawag ang isang kaibigan-kaklase naming umuwi mula sa London, ang kanyang sabi, “Kailan ba babalik si Willie sa Wowowee? Sabihan mo agad kami, ha? ‘Pag nandu’n na siya, saka na lang kami manonood.”
First hand ‘yun, hindi basta kuwento-kuwento lang.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin