SALAMIN NG LIPUNAN kung ilarawan ng marami nating kababayan ang Wowowee. Maganda ang naimbentong timplada ng noontime show, may bahaging hahalakhakan mo, may parte namang mag-iimbita sa iyong makiluha sa contestant.
Kung tutuusin, may panghalina ang Willie Of Fortune na kanyang-kanya lang. Mga ordinaryong mamamayan ang kadalasang kalahok, may kani-kaniyang makukulay na kuwento ang kanilang buhay. Sa Wowowee nila ipinagkakatiwalang buksan at ilahad ang personal na kuwento ng kung ano at sino sila.
‘Yun ang para sa amin ay puso ng noontime show. Mahahalaga rin ang iba pang segments ng programa ni Willie Revillame, pero sa timbangan ng manonood ay pinakamabigat ang Willie Of Fortune.
Kahit kami, paalis na lang kami ng bahay ay hinihila pa kami pabalik ng aming mga paa, gustong-gusto naming pinanonood ang Willie Of Fortune.
Tinututukan namin kung paanong nagsisikap si Aling Mariang labandera para lang maitawid ang pag-aaral ng kanyang anak. Iniyakan namin ang isang kuwento ng isang kalahok na nakilala pala ng kanyang karelasyon ngayon sa isang bar habang nagsasayaw.
Walang kaalam-alam ang pamilya ng lalaki na bar dancer ang kanyang girlfriend, pinag-aral nito ang dancer hanggang makatapos ng high school, sa Wowowee na lang nalaman ng pamilya ng lalaki na sa bar pala nakilala-nakuha ng lalaki ang kanyang karelasyon.
Ang dami-daming kuwentong katutok-tutok at kaabang-abang sa segment na ‘yun ng Wowowee. Ang ibang kuwento’y mahirap unawain, pero sino ba naman tayo para humusga sa kalakaran ng kanilang buhay?
Maganda ang daloy ng Willie Of Fortune kapag si Willie lang ang nagmamaneho sa tanungan-sagutan. Marunong siyang mangurot, hindi lang balat ng kalahok ang nakakaramdam ng sakit, kundi pati ang puso nito.
Wala kaming babanggiting pangalan, pero nagkaroon ng co-host si Willie sa segment na ‘yun na sa halip na makatulong ay nakasira pa sa daloy ng talakayan.
Napakalalim na ng naabot ng kuwento ng contestant, napapaiyak na ang manonood, pero biglang entra ang kanyang co-host na armado ng saliwang tanong.
Kumbaga, patulo na ang luha ng contestant, pero biglang nag-reverse pa, nasira na ang isang kuwentong dapat ay pagkaganda-ganda.
Sa aming opinyon, maaaring galawin ang iba pang bahagi ng Wowowee, pero huwag na sanang salatin o ibahin pa ang atake ng Willie Of Fortune, kayang-kaya nang maniobrahin ni Willie ang naturang segment nang mag-isa lang siya.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin