PARANG NAGING BINGI ang mga TFC subscribers tungkol sa kontrobersiyang kinapalooban ni Willie Revillame kamakailan dahil dinumog pa rin ang Wowowillie sa West Lake Tahoe, State Line, Nevada.
Naglaan talaga ng panahon ang ating mga kababayan para sa show ni Willie kasama sina Pokwang, Mariel Rodriguez, Anne Curtis, Lito Camo at ang ASF Dancers.
Kumbinasyon ng sayawan at iyakan ang naganap dahil sa dalawang kalahok sa Willie Of Fortune na namumulot lang nga mga bote at lata ang isang matandang lalaki at ang nanay namang contestant, may anak na maysakit na cancer, kaya nag-iyakan ang audience.
Sobrang kasiyahan ang ihinatid ng grupo sa ating mga kababayan sa West Lake Tahoe, ang kanilang katwiran, “May recession na nga dito, hindi pa ba naman kami magsasaya at maglilibang?”
Sa pag-urong ng ekonomiya sa Amerika ay pinakanaapektuhan ang California at Nevada, maraming kababayan na natin du’n ang naglilipatan sa Texas, pero ayon sa aming kaibigan ay mas matindi ang pagbagsak ng ekonomiya sa Sacramento na naturingan pa namang capital ng California.
“Bagsak na bagsak talaga ang economy dito, upside down ang presyo ng mga bahay, ang nabili mo noon at hinuhulugan sa halagang four hundred thousand dollars, ang value ngayon, halos kalahati na lang,” kuwento ng aming kaklase nu’ng kolehiyo na matagal nang naninirahan sa Elk Grove, Sacramento.
Sabi nga, kung saan mahirap ang buhay ay du’n masarap magdala ng show, ganu’n mismo ang nangyari nang dumayo ang Wowowillie sa West Lake Tahoe, Nevada.
Balita sa amin ni Willie na tumawag sa amin kahapon nang madaling-araw, “Napakainit ng pagtanggap sa amin dito sa Lake Tahoe, grabe ang dami ng nanood, alam mong sabik na sabik sila sa mga live Pinoy shows.
“Hindi lang namin natapos ang show, ipinatigil ng city government nu’ng magkaroon na ng fireworks. Palaging ganu’n dito, maingat talaga ang mga security nila, memorial day kasi nila dito, kaya nagkaroon sila ng fireworks.
“Pero walang nagalit, nauna na kasi ang pagpapasaya sa kanila ng grupo, nagkaroon din ng iyakan dahil sa dalawang contestants namin sa WOF na nakakaawa naman talaga ang istorya ng buhay,” kuwento ni Willie.
Bumalik muna sa San Francisco ang tropa ng Wowowee, mauuna na sa Seattle, Washington ang staff bukas, sina Willie, Pokwang, Mariel, Lito at Anne Curtis naman ay darating du’n sa Sabado para sa kanilang show sa Tacoma Dome sa Linggo nang gabi.
NASA BANSA NGAYON ang mag-asawang kaibigan namin mula sa Saskatoon, Saskatchewan, Canada. Online version lang nitong PARAZZI na regular nilang tinututukan nalalaman nina Dr. Buddy at Tita Josie Andres ang mga nagaganap sa showbiz.
Tuwing nagkakaroon kami ng show sa Canada ay dumadayo talaga ang mag-asawa kung saan kami nandu’n, napakalayo ng kanilang lugar sa aming venue, pero nag-eeroplano sila at nagtse-check-in din sa kung saang hotel kami nandu’n para lang kami magkasama-sama.
Ang karaniwang venue ng mga shows namin sa Canada ay sa Winnipeg, Vancouver, Edmonton, Calgary at Toronto, pero nu’ng kasama namin sina Erik Santos, Toni Gonzaga at ang tambalan nina Erik Nicolas at Tuco ay nakasingit kami ng show sa Saskatoon, sina Doc Buddy at Tita Josie ang naging producers namin.
Mas napamahal sila sa grupo dahil naturingang naka-hotel kami (Radisson), pero mas madalas pa rin kaming nasa kanilang bahay para du’n kumain, champion cook kasi si Tita Josie.
Nu’ng Linggo nang hapon ay nag-bonding kami na Erik at Toni, may bonus pa nga, dahil kasamang dumating ni Toni ang kanyang boyfriend na si Direk Paul Soriano.
Maiingay kaming lahat, walang tigil ang kuwentuhan, gustong-gusto na uling bumalik sa Saskatoon nina Erik at Toni. Pero sana raw ay Summer naman at hindi Winter, naengkuwentro na kasi namin pati ang snow storm sa Saskatoon, ibang klaseng karanasan ‘yun.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin