BUKAS NANG GABI na ang alis ng tropa ng Wowowee papuntang Amerika. Matagal nang naka-book ang dalawang shows nila du’n, bago pa naganap ang kontrobersiya sa noontime show ay nakakasa na ang pagpapasaya nila sa ating mga kababayan sa Lake Tahoe at Seattle, Washington, kaya kailangang tuparin ni Willie Revillame at ng kanyang grupo ang kanilang kompromiso.
Pero siguradong matutulog sa buong biyahe si Willie, dahil bago siya makaalis ay kaliwa’t kanang trabaho muna ang kanyang ginawa, kasama na ang mabusising pictorial para sa isang kilalang brand ng pabango.
Sa kanyang pagbabalik ay siguradong nakakabit na ang kanyang mga billboard sa mga abalang lansangan, makikipagsiksikan na ang kanyang billboard sa akala mo palengkeng lugar sa may tulay ng Guadalupe, kung saan pinagpipistahan ng mga motorista ang napakaguwapong billboard ni Piolo Pascual para sa Bench.
Maligaya naman ang production staff ng Wowowee dahil ang nakasanayan na nilang pakikipag-bonding kay Willie dito na naudlot dahil sa hindi muna niya pagre-report sa programa ay sa Amerika pa nila magagawa.
Sabi sa amin ng isang staff, “Masarap kasama si kuya dahil very generous siya. Naalala ko tuloy ‘yung isang show namin sa Las Vegas, nakakadalawa na kasi kami du’n, kaya ‘yung una ang sinasabi ko.
“Sa sobrang saya ng producer dahil punumpuno talaga ang Thomas And Mack Center, binigyan niya ng bonus si kuya, malaking halaga ‘yun. Alam mo kung ano ang ginawa ni kuya?
“Kaming lahat, as in pati ang mga dancers, binigyan din niya kami ng bonus na hindi biro ang amount. At dollars ‘yun, ha? Kaya ayon, pag-uwi namin, malaki ang binayaran naming lahat sa mga excess baggage namin,” pag-alala ni Rackie Sevilla.
Si Willie Revillame lang din ang kilala naming TV host na regular na nagbabahagi ng kanyang biyaya sa mga kasamahan niya sa programa. Hindi pagbili ng kaalyado ang interpretasyon namin sa ganu’n, ang mga pesonalidad na sikat na ay wala nang pakialam sa kung ano ang sasabihin sa kanila ng ibang tao, ang pera at kasikatan at kapangyarihan ay nagpapakumportable sa tao sa personal naming opinyon.
‘Yun talaga si Willie. Ganu’n talaga si Willie. Palibhasa’y lumaki siya sa kawalan, palibhasa’y nasanay siya sa kakapusan, kaya ngayong meron na siya ay kaligayahan na niyang makakita ng mga taong nasisiyahan din sa kung anumang meron sila.
by Cristy Fermin