KLARADO ANG nasusulat sa pader na “mene mene tekel uparsin”.
Sa Bibliya, ipinaliwanag ng propeta sa isang hari kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang ito na isinulat ng daliri sa pader. Ayon sa propeta, ang mula sa Diyos na mensaheng ito ay nangangahulugan ng “tinimbang ka ngunit kulang”!
Sa sobrang yabang kasi ng nasabing hari, akala niya ay napakagaling na niya. ‘Yun pala, sa patas na timbangan ng Diyos ay kulang siya. Ang kanyang yabang lang pala ang sumobra! Hak, hak, hak!
Walang pinag-iba parekoy sa ipinagyayabang noon ng mga kongresistang bumubuo ng prosecution team. Na bago pa man magsimula ang paglilitis ng Senate impeachment court ay kaliwa’t kanang presscon ang kanilang ginawa at ipinagwawagaywayan ang mga dokumentong matitibay umano laban kay CJ Renato Corona.
Ang siste, nang isalang ito sa patas na timbangan ng ilang senador ay biglang sumambulat ang “writings on the wall” na kulang ang mga ito para i-convict si Corona.
Katunayan, parekoy, sa Article of Impeachment # 2 pa lamang, mismong si Sen. Koko Pimentel na noong una ay mapaghahalatang todo-suporta sa prosecution team, ngayon ay pinayuhan ang mga ito na huwag nang ipilit ang ilang ebidensya sa nasabing artikulo dahil hindi talaga uubra!
Maging si Sen. Jinggoy Estrada na umamin mismo na si Corona ay isa sa mga nagpatalsik noon sa kanyang amang si Erap, ay halatang uminit ang dugo sa prosecution team at nagsabing “ang kailangan natin dito sa Senado ay katotohanan!”
Sa totoo lang, parekoy, maging ang Palasyo ay nauunawaan na ang “writings on the wall” at alam nila na sa patas na timbangan ng ilang senador ay talagang kapos ang mga inilatag na ebidensiya nitong grupo nina Rep. Niel Tupas.
Katunayan, kung senador pa ngayon si Noynoy Aquino, dahil sa kanyang patas na timbangan ay baka boboto pa siya pabor kay Corona! Hak, hak, hak!
Bilang paghahanda sa posibleng kahihinatnan ng impeachment proceeding, at upang mapagtakpan ang paunang “setback” sa anti-Corona move, gumagawa sila ngayon ng ingay upang maibaling sa ibang anggulo ang tainga ng madla.
Una – Dati ay panay pakiusap ni P-Noy na huwag nang dalirutin ang kanyang lovelife, pero ngayon ay sila pa mismo ang pinanggagalingan ng nakakikilig to the bones na mga larawan niya at ng seksing si Grace Lee.
Pangalawa – Maging ang pambobomba ng military sa Mindanao ay tiniyak nila na tatlong pusakal na lider ng grupong terorista ang kanilang napatay. Ang masakit, parekoy, wala naman silang maipakitang kahit litrato man lamang ng pagkakapaslang sa mga ito.
Pangatlo – Ang Freedom of Information Bill na matagal binuro ng Palasyo, pero ngayon ay sila na mismo ang naghatid ng kanilang version at ipinagduldulan ito sa Kongreso.
Pang-apat – Ang ipinalabas na talaan ng “survey” na nagsasaad umano na nabawasan na ang bilang ng mga walang trabaho rito sa ‘Pinas.
Tangnang buhay na ito, parekoy, paanong mangyayari ‘yun samantalang maliban sa mga dati nang walang trabaho rito sa atin ay nadagdagan pa ang mga ito dahil sa daan-libong manggagawa natin sa iba’t ibang bansa na pinauwi dahil sa kaguluhan doon!
Kayo na, parekoy, ang tumingin sa inyong mga kapitbahay, tingnan lang ninyo kung nabawasan na ba ang numero ng mga dating tambay!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303