MAY IPINAPANUKALA ang Philippine National Police tungkol sa pagpapairal ng total gun ban sa tuwing panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay Police Superintendent Rogelio Simon ng Firearms and Explosives Division (FED), kapag naipatupad daw ito, maiiwasan na ang pagkakaroon ng mga biktima mula sa mga taong walang pakundangang nagpapaputok ng baril tulad ng nangyari sa pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella na namatay matapos tamaan ng ligaw na bala.
Bagama’t maganda ang layunin ni Simon dahil kahit papaano siya ay nag-iisip ng paraan para masolusyunan ang nasabing talamak na problema, ngunit ang naiisip niyang solusyon ay matatawag na “wrong mistake” sa salitang kanto – na ang ibig sabihin ay maling-mali.
Hindi total gun ban ang solusyon dito kundi ang total firecracker ban. Ang mga ligaw na bala na tumatama sa mga biktima – lalo na sa pagsalubong sa New Year, ay hindi nagmumula sa mga taong nagpapaputok ng baril na nagpapagala-gala sa Edsa o Luneta, o saan pa mang kalye o lugar sa Metro Manila kundi mula sa mga taong nag-iinuman sa loob ng kanilang bakuran.
Isinasabay nila ang pagpapaputok ng kanilang mga baril sa putukan ng mga firecracker kaya sa gitna ng ingay ng mga malalakas na putukan hindi sila mapapansin.
Ang total gun ban ay maaaring epektibo sa paghuli sa mga kriminal na may sukbit na baril at pagala-gala sa mga lansangan, pero inutil ito pagdating sa mga abusadong nagsusukbit ng baril sa loob ng kanilang bakuran at nagpapaputok kapag nalalasing.
KUNG TITINGNAN ang datos, mas marami ang mga biktima ng firecracker kaysa sa ligaw na bala sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon. Karamihan pa man din sa mga biktima rito ay mga paslit na nakakikita ng mga hindi pumutok na firecracker sa kalye at saka pa lamang sumasabog kapag kanilang pinupulot na ito.
Kapag nagkaroon ng total firecracker ban, ang mga abusadong gun owner ay magdadalawang-isip nang magpaputok ng kanilang baril sa kani-kanilang bakuran sapagka’t alam nilang madali na silang matukoy at maisumbong sa barangay o sa pinakamalapit na presinto.
Ang magiging resulta nito ay “hitting two birds in one stone”. Mawawala na ang mga masasabugan ng paputok, ang mga magiging biktima ng ligaw na bala ay mababawasan o tuluyang mawawala na rin.
NAGMUMUKHANG KATAWA-TAWA ang ating mga taga-gobyerno sa tuwing bago sumapit ang Bagong Taon. Nagkakatarantahan sila sa pagbibigay ng babala gamit ang media tungkol sa maaaring kahinatnan ng mga taong matitigas ang ulo at masasabugan ng paputok.
Ipinakikita pa nila ang mga instrumento na gagamitin sa pagputol o lagare sa mga bahagi ng katawan na masasabugan para manakot, pero dahil dati nang mga takot ang mga pasaway na adik sa paputok, wala pa ring epekto ang kanilang mga pananakot at tuluy-tuloy pa rin ang pagdagsaan ng mga biktima sa mga pagamutan.
Lumilitaw tuloy na para silang mga asong mabangis kung tumahol pero mga bungal naman.
Sa Davao City, halos wala kang mabalitaang biktima ng firecracker o ligaw na bala pagsapit ng New Year dahil may total firecracker ban doon. Kung nagawa ito sa Davao City, bakit hindi kaya gawin ito ng ating mga kinauukulan dito sa Metro Manila?
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41. Ang T3 Reload naman ay mapanonood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.
Shooting Range
Raffy Tulfo