BAGO SUMALI si Rose Fontanes sa singing contest na X Factor sa Israel ay isang caregiver visa ang hawak nito kaya bawal siyang gumawa ng ibang trabaho tulad ng pagkanta sa iba’t ibang lugar sa Israel.
Pero nang siya ang tanghaling grand champion ng X Factor sa nasabing bansa, binigyan siya ng Interior Minister ng Israel ng artist visa para pagkakitaan niya ang kanyang pagiging champion ng naturang reality singing contest.
Ginulat ng 47 years old Pinay caregiver ang lahat ng hurado nang awitin niya sa finals ng competition ang My Way ni Frank Sinatra.
Nais ni Rose na mabigyang-pansin ang mababang pasuweldo at hindi magandang living condition sa mga tulad niyang OFW sa Israel. Ipinakita nga niya sa pamamagitan ng You Tube ang tinitirhan niyang masikip na apartment building, kung saan maraming silang nagsisiksikang mga OFW.
Magbabalik-bansa si Rose next month para makasama ang kanyang pamilya at para magpasalamat na rin kay German Moreno, dahil isasama na rin ang pangalan niya sa Walk of Fame ni Kuya Germs.
Pumayag din si Rose na ipagpo-produce siya ng concert ni Kuya Germs sa kanyang pagbabalik bansa next month.
Nagkausap kasi sina Kuya Germs at Rose sa phone at siniguro raw ng Pinay caregiver na ngayon ay isang sikat na singer na walang magiging hadla sa gagawin niyang concert sa Philippines.
Ask ko si Kuya Germs kung mataas ba ang talent fee na ibabayad niya kay Ms. Rose sa concert na gagawin nito sa susunod na buwan sa bansa?
Okey naman daw at walang problema. Basta siniguro lang daw ni Kuya Germs kay Ms. Rose na walang makikialam or haharang kapag nandito na siya para masarado nang formal ang first major concert na gagawin niya sa bansa.
Nangako naman daw si Ms. Rose na walang magiging problema at makikialam sa gagawin niyang concert na ipo-produce ni Kuya Germs.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo