Hindi raw magiging mapili sa mga proyektong tatanggapin si Xian Lim ngayong kininikilala na siyang magaling na aktor dahil na rin sa magandang performance nito sa pelikulang “Everything About Her” na patuloy na kumikita sa takilya.
Ayon nga kay Xian Lim, “Ay, hindi! Hindi po ako magiging choosy sa mga projects in the future. Katulad nga po ng sinabi ni Miss Vilma (Santos) na, ‘You’re always as good as your last’. And she always stressed the value of humility and everything is a learning experience. And I know sa lahat ng projects, alam kong marami po akong matututunan.”
Willing din daw siyang gumawa ng mga kakaibang karakter sa pelikula, katulad ng gay-themed movie na “In My Life” nina Vilma, Luis Manzano, at John Lloyd Cruz noong 2009. “Oo naman, of course. Given the right material po, of course. Isa po ‘yan sa mga pangarap kong mangyari sa akin.”
Joel Cruz, nag-enjoy sa US trip kasama ang buong pamilya
NAG-ENJOY NANG husto ang tinaguriang Lord of Scents na si Joel Cruz, owner ng pinakasikat na pabango sa bansa na Aficionado Germany Perfume, sa kanilang family vacation, kung saan nakasama nito ang kanyang apat na anak na sina Prince, Princess, Harry, at Harvey, sampu ng kanyang pamilya at iba pang executives ng Aficionado Germany Perfume sa Amerika.
Dito na rin isinelebra ni Sir Joel ang kanyang kaarawan sa isang simpleng kainan kasama ng kanyang mga pamilya at executives ng Aficionado Germany Perfume.
Bukod nga raw sa bakasyon nito sa Amerika, kasabay na rin ang meeting nito ng kanyang negosyo sa ilang investors mula sa iba’t ibang bansa para dalhin sa kani-kanilang bansa ang Aficionado Germany Perfume, isang pagpapatunay lang na ang pabango ni Sir Joel ay going international na talaga.
Pagsasa-pelikula ng ParangNormalActivity, inaabangan na
INAABANGAN NA ang pagsasa-pelikula ng top-rating teen suspense-horror show ng TV5 na ParangNormalActivity na napapanood tuwing Linggo ng gabi (8pm) at pinagbibidahan nina Ella Cruz, Kiray Celis, Andrei Garcia, at Shaun Salvador, mula sa direksiyon ni Perci Intalan.
Puwedeng-puwede raw kasi ito sa 2016 Metro Manila Film Festival at malaki ang posibilidad na kumita katulad ng Haunted Mansion na idinirek ni Jun Lana, lalo na’t marami na ring tagahanga ang cast ng show.
Saksi nga ang inyong lingkod sa dami ng pumupunta sa mall tours ng mga bagets na ito at kung papaano sila dumugin at pagkaguluhan.
Kaya naman daw kung isasa-pelikula ito ay pihadong marami ang manonood nito at malaki ang tsansang magiging maganda ang laban sa takilya.
John’s Point
by John Fontanilla