PARANG MEDYO OA naman ‘ata ang reaksyon dito ni Albay Gov. Joey Salceda sa isyu ng hindi pagsusuot ni Xian Lim ng T-shirt na gusto nilang makita sa kanilang event sa Albay nu’ng Chinese New Year at hindi pa pala tapos ang isyu until now kahit na nag-apologize na ang aktor, huh!
Talent manager din kami kaya naiintindihan namin ang dahilan ng aktor at ng RM (road manager) niya sa hindi pagsusuot ni Xian ng T-shirt na ibinigay sa kanya. Malinaw sa kanyang pahayag na magkakaroon ito ng conflict sa ini-endorse niyang clothing line kung saan meron siyang kontrata. Ganu’n kasi talaga ‘yon and I’m sure, hindi ’yon naiintindihan ng staff ni Gov. Salceda.
Pero magkaganun man, kahit gusto na ni Xian ang mag-move-on kaya nga nag-sorry na siya, eh, pero tinitira pa rin siya.
“Medyo weird nga, eh. Nag-apologize na nga ‘yung tao, pero ‘di pa rin tumitigil si Gov. Salceda. Sinakyan niya na talaga nang bonggang-bongga ang isyu kay Xian kaya gamit na gamit ’yung tao, huh!” pagtatanggol ng isang malapit sa aktor.
“Bakit hindi na lang ang lalawigan niya ang pagtuunan niya ng pansin. Bigyan niya ng solusyon ang mga problema sa lugar niya at hindi ‘yung panay ang post niya sa FB ng tungkol kay Xian. Parang gusto pa nila na masyadong palakihin ang isyu. Kakandidato ba siya sa national position next year?” hirit pa ng nakausap namin.
“Prangkahan na ito, ha? Pero gamit na gamit talaga si Xian sa isyung ito. Siguro may naging pagkukulang siya kasi nga may misunderstanding na nangyari, pero puwede namang pag-usapan ang lahat. Saka ilang beses na siyang naimbitahan sa Albay at kung noon pa man ay may reklamo na sila kay Xian, bakit kinuha ulit nila si Xian?” patuloy niyang pagtatanggol sa ka-loveteam ni Kim Chiu.
Teka, may post din mula sa kampo ni Gov. Salceda na P375,000 daw ang TF na ibinayad nila kay Xian sa Albay, pero sa pagtatanung-tanong namin ay hindi naman pala ito totoo. Nakakaloka!
La Boka
by Leo Bukas