NAKATANGGAP KAMI ng e-mail galing sa isang nag-ngangalang ‘David Ho’, kung saan inirereklamo nito ang Star Magic talent na si Xian Lim nang mag-show ito sa San Francisco at Glendale sa California kasama ang iba pang Star Magic talents nitong Holy Week.
Narito ang kabuuan ng e-mail na ipinadala sa aming personal e-mail address:
“Omg! sino ba itong xian lim na pinagmamalaki sa pinas he has nothing to offer. I watched two of his [concerts] sa SF and Glendale. He can’t even sing and dance. Nasayang ung ticket namin dito… [napapansin] ng ibang fans mas sincere ung ibang artist sya laging nagpaparinig sa fans on TWITTER na gusto nyang bumile ng gitara or mac book para bilin ng fans sa kanya. [Papansinin] ka lang kung maganda at mahal ang gift mo naku I witnessed myself USER & FAKE!!!! Naku I hope hindi sila mag dala ng artist dito na wlang mapupuna ung ibang [fans]. He has nothing to offer to us here. I’ve talked to someone sa hotel and they said his meet and greet had to be paid by other fans. Dapat i complain yan GRABE!!!”
Tsinek namin ang Twitter account ni Xian, kung saan sinasabi ng nag-e-mail na nagpaparinig si Xian sa kanyang fans.
Sa kanyang @XianLimm, nag-tweet si Xian noong April 1 ng “Planning to buy either a new macbook or a nice watch during the tour… any suggestions twitter friends??”
Noon namang April 6, sa tweet ni Xian, sinabi nitong “I HOPE I FIND MY GUITAR STORE TOMORROW… ANY SUGGESTIONS FRIENDS FROM LA? :-)”
Ayaw naming manghusga agad-agad. Pero mukhang malaki ang galit ng nagpadala sa amin ng e-mail para sabihin niyang ‘user’ at ‘fake’ si Xian, ‘di ba? Hindi kasi biro-biro ang alegasyon ng e-mail sender laban kay Xian.
Well, dapat lang sigurong klaruhin ni Xian ang mga bagay na ‘to.
HABANG SINUSULAT namin ‘to, malamang nasa Paris, France na ang matagal nang magkasintahang sina Drew Arellano at Iya Villania. Gayunman, mabilis na pinabulaan ni Drew ang tsismis na hihingin na niya ang kamay ng dalaga sa pagdating nila roon. Sa katunayan, sasali ang travel host ng Unang Hirit sa isang marathon challenge na magaganap sa April 15 sa Paris.
“It’s too cliche to do it in Paris. I’ll propose when she least expects it,” nakangi-ting sambit ni Drew, na ipinagmalaki pang ‘getting better every year’ ang kanyang eight-year affair sa MYX VJ na si Iya.
Tuwang-tuwa naman si Drew na makakasama niya si Iya sa laban niya sa 42-km challenge, at dahil first time din niyang makatuntong sa Paris, magiging extra special daw ang trip na iyon.
“Siya yung magiging yaya ko,” tumatawang dagdag pa ni Drew, sabay aming matagal na niyang gustong magbakasyon kasama si Iya. “It’s a bonus that there’s a race.”
May limang taon nang sumasali sa mga running competition si Drew. Regular siyang gumigising ng alas-3 ng umaga para tumakbo malapit sa kanilang lugar sa Barangay San Antonio sa Pasig. Sa average, sumasali siya sa 20 triathlon races kada taon, tulad ng Ironman, Death March, at iba pa. Kabilang din siya sa isang celebrity running group na nagsama-sama twice a week.
Pagdidiin pa ni Drew, “I enjoy running. It’s self reflection and you just need rubber shoes. I’m not a fan of treadmill, kasi iba pa rin ‘yung totoong takbo.”
PANGUNGUNAHAN NG bandang kenyo ang Gran Matador Brandy concert sa Abril 14 sa Alacala Sports center sa Lucena City.
Ang banda ng lead singer na si Mcoy Fundales ang kumanta ng Gran Matador Light radio jingle na “Gaan na Gusto Ko”. Kilala ang grupo sa pagtugtog ng vintage rock, British pop, Manila sound at Filipino kundiman.
Ikinuwento ni Mcoy na natuwa sila sa paggawa ng naturang jingle at sa pagiging Gran Matador Brandy endorser. “Bagay na bagay ang ‘Gaan na Gusto ko’ sa istilo ng banda namin. Lagi naming tinutugtog ito sa mga concert namin at talaga namang tuwang-tuwa ang mga nanonood,” wika ni Mcoy na makakasama ng Rocksteddy at Shamrock.
Gaganapin ang iba pang concerts sa Naga City (Abril 28), Pulilan, Bulacan (Mayo 11) at San Juan City (June 22).
“Isang karangalan na maging endorser ng Gran Matador Light. Nagpapasalamat kami sa pagkakataong ito,” sabi ni Mcoy na dati ring nanguna sa bandang Orange and Lemons.
Pangarap din ng Kenyo na makasama ang APO Hiking Society, sina Rey Valera, John Lesaca, Gary V., Lea Salonga, Cynthia Alexander at Arnel Pineda. Sa kasalukuyan, may ilalabas na single ang grupo na naglabas na ng dalawang album na Maharlika (2009) at Radiosurfing (2008). May plano rin silang magkaroon ng concert tour sa buong Southeast Asia.
“It’s more travel, more music, more opportunities to reach out to Pinoy music fans and more fun,” pagtatapos ni Mcoy.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores