MIRON AKO last Sunday evening sa ika-31st PMPC Star Awards for Movies na ginanap sa bagong Solaire Theater.
Fabulous ang teatro. Kung hindi ako nagkakamali, bagong-bago ang venue na pinagtanghalan ng isa sa mga entertainment press awards. Sina Pops Fernandez ,Robi Domingo, Xian Lim, at Kim Chiu ang mga hosts ng parangal.
Ang galing nina Pops at Robi. Forte talaga ng binata ang hosting at nahasa na rin sa ilang pakakataon, kung saan isa sa mga batang mga master of ceremony sa mga shows ang siyang tinatahak ng career ng baguhan. Si Pops, given na magaling talaga.
Sina Kim at Xian, may promise. Sa katunayan, naging running joke pa sa spiel nina KimXi noong gabing ‘yun ang naganap kay Xian kamakailan, kung saan tinangihan niya na isuot ang T-shirt ng lalawigan ng Albay na kung anu-anong kadahilanan at kadramahan on national television na nauwi rin sa pagpapatawad ni Gov. Joey Salceda at ang persona non grata issue ay nakalimutan na lang.
Akala ko ito na ang huli. Akala ko, may natutunan na si Xian sa ilang mga bagay na nagkamali siya (aminin man niya o hindi).
Kung maalala pa, hindi makalilimutan ng DZMM showbiz anchor na si Papa Ahwel Paz ang eksena sa backstage ng Araneta Coliseum, kung saan nabastos siya at maging si Jobert Sucaldito (co-host ni Ahwel sa radio show nilang Mismo) nang mag-walk-out ang “star” sa kanila habang ini-interview nila ito live with matching “Skype” coverage.
Hindi rin makalilimutan ng isang “fan” sa Chinese New Year celebration ang pambabastos ng binata sa kanya na nauwi sa sandamakmak na bashing kay Xian sa social media dahil sa kagaspanan ng pag-uugali nito at pagiging ungentleman.
Last Sunday, habang nagpapasalamat sina Sylvia Sanchez at Gretchen Barretto sa pagkapanalo nila (tie sila) as Best Supporting Actress sa performance nila sa pelikulang The Trial, itong si Xian sa kalagitnaan ng orchestra section ng teatro habang nakatambad siya sa sandamakmak na mga manonood, walang puknat ang pagpapakuha niya ng mga pictures together with his fans. May sarili siyang photo-op.
Sabi ng nanay ko, kapag may nagsasalita, huwag gumawa ng eksena para mapansin ka. Huwag mang-upstage lalo pa’t ang mga nasa ibabaw ng entablado ay may sinasabi sa pangkalahatan.
Tulad sa mga nakasanayan ng mga artistang respetado na marunong rumespeto sa kapwa nila artista (at sa pangkaraniwang tao), hind sila gumagawa ng eksena para maka-distract sa kapwa nila na on spotlight. Binibigyan nila ng pagkakataon habang nagsasalita, or hindi sila nagiging pasaway dahil “moment” nila ito.
Walang ipinag-iba ito sa eksena ni Piolo Pascual na nanalo as Best Actor (a tie with John Lloyd Cruz) na habang nagsasalita si Sylvia (at nagpapasalamat) na siyang tumangap ng award for JLC na wala that evening, hindi gumawa ng eksena si Piolo dahil alam niya, isang kabastusan at kagaspangan ng ugali na habang may nagsasalita sa gitna ng entablado, mang-aagaw ka ng eksena at pansin.
Si Nora Aunor, alam ang salitang respeto. Habang nagbibigay ng kanyang speech si Ms. Celia Rodriguez na pinarangalan ng PMPC as the Nora Aunor Lifetime Achievement Award, nasa isang sulok lang ng entablado na nakatayo. Hindi gumawa ng eksena para maka-distract sa kapwa niya artista na nasa gitna ng entablado na nagsasalita.
Maging ang mga PMPC former presidents na nasa entablado na nagbigay ng award kay Ms. Celia, nag-one step backward, tumayo sa gilid na nangawit ang mga binti habang nagpapasalamat ang aktres sa pagpugay at parangal.
Kung gaano kahaba ang pasasalamat ni Ms. Rodriguez, ganu’n din katagal ang paghihintay ng mga nakasabayan ng aktres sa ibabaw ng entablado na ibinigay nila ang respeto at paggalang sa awardee na hindi gumawa ng eksena para makaagaw ng pansin. Even a Nora Aunor, nasa isang sulok lang. Tahimik. Hindi umagaw ng eksena.
Sa naganap na kami mismo ay saksi, hindi ko mawari kung breeding ba talaga ang isyu ni Xian para hindi niya naiintindihan kung ano ang dapat niyang iasal sa ganitong mga pagkakataon.
I just don’t know kung insensitive lang talaga siya o talagang wala lang siyang pakialam sa kanyang kapwa na ang mga sablay niya ay ihihingi na lang niya ng sorry palagi dahil palagi naman siyang napagbibigyan?
Naghihinayang lang kasi ako kay Xian. Mukhang mabait naman. Mukhang disente naman at sa tingin ko tinuruan naman ng ina ng tamang asal. Si Xian, tila magalang naman tulad ng sinasabi niya noon sa The Buzz na turo ng kanyang “ina”.
Wala pang isang buwan after ng “The Albay Incident”. Heto na naman siya na ako mismo, personal na saksi ay hindi na sa ngayon natutuwa sa pinaggagawa ng binata.
Reyted K
By RK VillaCorta